in

Mabini and Friends at Mindoreñans Group of Florence, bumida sa Danze e Spettacoli dal Mondo

Isang makulay na araw ng sabado, ika-18 ng buwan ng Enero, ang masiglang natunghayan ng ilang mga organisasyon ng mga manggagawa sa Firenze, kasama ang ilang asosasyon ng mga Pilipino sa pangunguna ng CONFED Tuscany. 

Ito ang araw na itinalaga ng Firenze para sa “Danze e Spettacoli dal Mondo”na inorganisa ng Associazione Italiana Cultura e Sports o AICS at bahagi ng kanilang programang tinawag na BRIDGES. Ito ay isang proyektong nasa ilalim ng pangangalaga ng European Commission at  naglalayong pagbigkisin ang bawat grupo ng mga dayuhang manggagawa sa bansang Italya  upang mawala ang maraming problemang panlipunan na kalimitan ay nababalot ng diskriminasyon. Kinakailangan umanong magtayo ng maraming tulay o bridgesat unti-unting ibagsak ang mga pader na nagsisilbing hadlang sa pagkakaisang minimithi.  Ninanais din ng programang ito ang  ipabatid sa lahat ang tunay na kahulugan at importansya ng salitang “integrasyon”.

Kapansin-pansin agad ang presensya ng iba’t-ibang mga delegasyon mula sa ilang bansa  sa bungad pa lamang ng teatro. Ito ay dahil sa mga kuwentuhan at usapang maririnig sa iba’t-ibang lenggwahe, maliban pa sa iba’t-ibang matitingkad na kulay na mga kasuotan ng bawat grupo. Nakiisa ang ilang grupong kinatawan ng Pilipinas, Sri Lanka, Bolivia, Colombia, Senegal, Camerun, at Italya na may dalawang grupo: Gruppo Medioevo Fiorentino at Nuova Pippolese.

Bawat grupo ay naghanda ng kanya-kanyang intermission number. May nagpamalas ng galing sa pagkanta, pagsayaw, at  pagtugtog ng gitara at tambol. 

Ibinida ng Pilipinas ang Pandanggo sa Ilaw na pinaghandaan ng Mabini and FriendsMAF kakambal ang isa pang hinangaang native dance ng Mindorenians Group of Florence, ang “Una Kaya”. Ang una ay ang kilalang kultural na sayaw na nakuha sa mga kastila at nagsimula sa Mindoro. Ang pandanggo sa ilaw ay inihahalintulad sa mga alitaptap sa dapit-hapon at sa gabi. Sa totoong buhay, ang sayaw na ito ay paglalarawan ng pagdadala ng lampara o ilaw ng mga ginang noong panahon habang inaantay sa may tabing dagat ang kanilang mga asawa sa pagbabalik ng mga ito mula sa pangingisda.

Mabini and Friends
Pandanggo sa Ilaw

Ang “una kaya” naman ay hango sa katutubong wika ng mga mangyan na ang ibig sabihin ay “kaya mo yan”. Ito ay inuulit ng maraming beses sa pagkanta kasabay ang katutubong sayaw, mga katagang nagpapahiwatig ng hindi pagsuko sa mga pagsubok at patuloy na paglakbay tungo sa maunlad na pamumuhay.

Mindorenians Group of Florence
Una Kaya

Nagpaunlak naman sa paanyaya ang ama ng mga Pilipino sa Toskana na si Consul Fabio Fanfani. Sa kanyang ilang minutong pagbibigay ng mensahe ay  kanyang sinabi na ang mga ganitong okasyon na nagbibigay ng pagkakataon sa mga komunidad na makihalubilo sa kapwa manggagawa galing sa labas ng Italya  ay isang mabisang instrumento upang bigyang puwang ang pagkakaisa sa pamamagitan ng pagpapakilala ng kanya-kanyang kultura at kaugalian. Sa ganitong paraan lamang umano maiintindihan ang bawat isa at matututunang tanggapin ang mga pagkakaiba sa ating malaking  komunidad. 

Sa pagtatapos ng masaya at makahulugang ebentong ito ay bakas ang saya sa mukha ng bawat isa. Inaasahang mas maraming asosasyon ang mahihiyakayat na dumalo sa mga susunod pang pagtitipon at makiisa sa sigaw ng lahat na bagamat magkakaiba ang ating pinanggalingan, kultura. kulay at  wika, kung bibigyan ng halaga at pagkakataon, ang pagkakaisa ay ating makakamtan. (ulat ni: Quintin Kentz Cavite Jr.)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Pinoy sa Cagliari, biktima ng pananakit

Schengen Short-Stay Visa, may mga pagbabago sa regulasyon