Sa mga taga-Mabini, Batangas, na ngayon ay naninirahan na sa Modena, Italya, isang debosyon para sa kanila ang makapagdaos pa rin ng taunang piyesta patungkol sa kanilang patron na si San Francisco de Paola. May mga naitatag dito sa Italya na Mabini Hometown Association at isa na nga ay ang asosasyon nila dito sa Modena na sinimulan noong taong 2012. Ang bayan ng Mabini ay binubuo ng 34 na barangay samantalang dito sa Modena ay mayroon na silang 30 barangay na may mga kasapi mula dito.
Ang kanilang pinapalaganap na debosyon sa kanilang patron ay nakabase sa “core values” na “Pagkilala, pagmamahal, paglilingkod sa Diyos”. Ang kapistahan ay para na rin sa pasasalamat sa mga biyaya at gabay na natatanggap nila mula sa Patron na sagot mula sa kanilang pagnonobena at makaraan nito ay ang misa na ginanap sa Chiesa di Sant’ Agostino at ang prusisyon ay sa Centro Storico.
Ang katatapos pa lamang na Kapistahan ay ang ika-8 taunang paggunita ng mga taga -Mabini sa Modena. Nag-umpisa ang aktibidad na ito mula pa noong 2012 at taun-taon na nila itong ginagawa. Ngayong taong ito ay naiiba sapagkat magkahiwalay na ipinagdiwang ang misa/prusisyon na ginawa noong ika-25 ng Abril samantalang ang Kapistahan naman ay ginanap noong ika-1 ng Mayo kasabay ang pagdiriwang ng ika-500 taon ng pagkakatatag ni Papa Leo X sa pagiging Santo ni San Francisco na iginawad mismo sa kanya noong ika -1 ng Mayo, 1519.
Ang nasabing pagdiriwang ng mga taga-Mabini sa Modena ay may temang “Kulturang Mabinians mula noon hanggang sa kasalukuyan“. Ito ay ang pinaghalong pagtatanghal ng 13 pares ng mga bata (babae at lalaki) na may edad mula 6 hanggang 10 taong gulang samantalang ang sa mga matatanda naman ay ang pagsasadula ng isang Harana at pagsayaw ng Subli na siyang pinakatanyag na sayaw sa mga taga -Mabini. Nagkaroon din sila ng isang raffle for a cause at Bingo bonanza kung saan ang malilikom na pera mula dito ay mapupunta para sa scholarship. Ito ay sinaksihan ng may halos 800 katao at naging panauhin din dito ang alcalde ng Modena na si Hon. Giancarlo Muzzarelli. May mga panauhin ding mga tubong- Mabini na nagmula pa sa iba’t ibang parte ng Italya. Naging abala ang lahat ng bumubuo ng Mabini Hometown Association sa Modena sa pangunguna ng kanilang Cultural Committee na pinamumunuan nina G. Marlon Bantugon at Gng. Lhyn Garcia at sa tulong na din ng iba pang mga Committee at opisyales ng Asosasyon kaya’t naisakatuparan nila ang nasabing pagdiriwang nang matagumpay.
Sa kasalukuyan,ang Mabini Hometown Association ng Modena ay may 1083 rehistradong miyembro at 1023 dito ay aktibong kasapi.
Bukod sa kanilang debosyon, may mga gawain din silang pangkawanggawa . Napagtapos na nila ng grade 12 ang kanilang iskolar sa Pilipinas at sa kasalukuyan ay may mag-uumpisa na uli na paglalaanan ng iskolarsyip. Nagbibigay tulong din sila sa mga naapektuhan ng lindol at bagyo sa Pilipinas partikular sa Mabini, Batangas.
Nagbibigay din sila ng tulong-pinansiyal sa isang misyonerong Italyano na nasa Tondo, Maynila, upang maipagpatuloy nito ang misyong pagpapalaganap ng Kristiyanismo.
Ang mga opisyales ng asosasyon sa taong 2018-2021 ay sina:
Presidente:Gerry del Prado Adarlo,
Bise-presidente: Ben Datinguino,
Mga Kalihim: Mauren Albania and Rhoxy Caibigan Ortega,
Ingat-Yaman:Phening Bantugon Arasula ,
PRO: Lucy Villanueva,
Mga Taga-Suri: Ronnie Dipasupil at Cynthia Castillo,
Cultural committee: Marlo Bantugon and Lhyn Garcia,
Patron Committee : Lucy Austria,
Sports Committee Overall Chairman: Nestor Atienza at para sa Softball : Alex Bantugon, Basketball at iba pang laro: Emerson Abarintos and Jay Manalo.
Ayon nga kay Gerry Adarlo, ang kasalukuyang Pangulo, “Nagkaroon po ng katuparan ang kapiyestahang ito sa pamamagitan ng ating pagkakaisa at pagtutulungan. Sana po sa mga susunod pang proyekto at Kapistahan sa hinaharap ay patuloy tayong magkaroon ng ganitong pagkakaisa at dedikasyon sa ating Asosasyon na patuloy na nagbibigay-puri at pasasalamat sa ating Mahal na Patron. Palagi nawa tayong biyayaan ng Diyos sa tulong at gabay ng ating Patron San Francisco de Paola.”
Dittz Centeno-De Jesus at
Gerry Adarlo
larawan ni: Laurence Atienza