Mabuti na lang at may Facebook. At least makikita ko ang inyong mga pictures. Masusubaybayan ko ang mga pangyayari sa inyong buhay, malalaman ko kung ano na ang mga pinagkakaabalahan ninyo ngayon, at kung sinu-sino na ang mga Friends sa Profile ninyo. Tiyak na maaaliw akong balik-balikan ang mga Photos at basahin ang mga Comments sa Wall ninyo. Ang mabuksan ang Facebook araw-araw ang magiging libangan ko pagkatapos ng trabaho. Dahil maaabot ko kayo at, ganun din, kayo sa akin. Makapagpapasaya ito sa akin, at makakapag-farming pa ako kahit walang bukid dito sa syudad sa Europa.
Mabuti na lang at may YouTube. Mapapanood ko kayo agad-agad. Excited akong mai-upload ninyo ang videos ng kahit anong okasyon: graduation, sagala, outing, binyag, debut, kasal, at maging ng libing. Kahit mag-video lang kayo nang kumakain, o maski natutulog ay malaking kasiyahan na para sa akin. At ibibida ko pa kayo sa lahat ng kapwa-OCW ko dito.
Mabuti na lang at may IPhone. Touchscreen at malakas pa ang sagap ng signal. At may mga Smart Pinoy Cards na rin na sa napakamurang halaga ay matatawagan ko kayo araw-araw. Malaking ginhawa ito dahil lahat ng itatanong ninyo sa inyong Ina ay pwede ninyong gawin araw-araw: kung ano ang sagot sa mga assignments ninyo, kung ano ang gagawing ayos sa sala, maging sa kung paano magsaing ng kanin at magluto ng adobo.
Mabuti na lang at may Skype. Makakausap ko kayo nang harapan. Makikita ko kung tumataba o pumapayat kayo. Kung nag-aayos pa ba kayo ng sarili at naglilinis ng bahay. Kung isinusuot ba ninyo ang mga regalo ko at umeepekto ba ang mga beauty products na padala ko. At higit sa lahat, kung ano na ang itsura ng mga ngiti at tunog ng mga halakhak ninyo. Miss na miss ko na kasi talaga kayo!
Mabuti na lang at may Cyber Technology. Mapapabilis ang communication ng mga nasa ibang bansa sa kanilang mga iniwang kamag-anak sa Pilipinas. Mapapadali ang pagbibigay ng bilin, pagkukumustahan, at pag-uusap. Kaya kahit malayo, ay parang malapit lang.
Mabuti na lang at bago na ang gobyerno. May pag-asa nang magkaroon ng internet connection at signal ng telepono sa atin diyan sa Barrio Malinao, Tubajon sa Isla ng Dinagat, sa Surigao. Tatlong taon na kasing nakatiwangwang itong binili kong Laptop at Cellphone. Di ko man lang magamit sa inyo…