Modena – Sa ikatlong pagkakataon, sa pangunguna ng ALFI – Associazione Lavoratori Filippini in Modena at sa pakikipagtulungan ng iba pang asosasyon sa Modena, ay nagbabalik ang The Philippine Madrigal Singers, na kilala rin bilang Madz, upang maghatid ng mga world class concerts dito sa Modena at iba pang lugar sa Italya.
Sa unang pagdalaw ng pinakaunang koro sa buong daigdig na nagwagi ng dalawang ulit sa European Grand Prix for Choral Singing (noong 1997 at 2007) ay naipagawa ang isang locale sa Città dei Ragazzi sa pamamagitan ng kinita ng kanilang konsyerto.
Ang ikalawang pagdalaw ng Madz dalawang taon na ang nakakalipas ay kusang loob na ibinigay ang kinita ng kanilang palabas bilang donasyon sa mga biktima ng nakaraang lindol sa San Felice sul Panaro.
Ang kanilang muling pagbabalik sa Modena ay bahagi ng kanilang Europe tour concert.
Dumating kahapon, ika- 15 ng Mayo sa Venezia at mananatili hanggang ika-20 ng Mayo. Sila ay manunuluyan sa iba't ibang tahanan ng pamilyang Italyano at Pilipino upang masaksihan ang kultura ng Italya gayun din ang magkasamang pamumuhay ng mga Italyano at Pilipino sa Italya.
Gaganapin ang iba’t ibang benefit concert sa Modena upang itulong sa long-term projects para sa mga Yolanda survivors.
Gaganapin ang kanilang unang concert ngayong araw ng ito sa Formigine Auditorium Spira Mirabilis sa halagang 10 euro donation; sa May 17 naman sa San Giuseppe Artigiano, Capri sa kahit anong halagang donasyon; sa May 18 ay makakapiling ang Madrigal Choir sa misang Pinoy sa Chiesa di San Antonio sa Piazza Cittadella; sa May19 sa Chiesa Gesù Redentore Modena at ang huli sa May 20 sa Assisi Perugia.
Ang Philippine Madrigal Singers ay napahanga ang napakaraming Italyano kaya naman sabik na sabik muli silang matunghayan ang kanilang pag-awit.
Ang Madz ay isa sa mga koro sa Asya na nagtamo ng maraming gantimpala sa mga malalaking patimpalak para sa koro sa loob ng ilang taon. Dahil sa kanilang mahusay na paglahok sa mga koponang ito, sila ay itinuturing na isa sa mga pinakamahusay na koro sa buong daigdig.
Ang Madz ay itinatag ni Propesora Andrea Veneracion, bilang University of the Philippines Madrigal Singers noong 1963.
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]