Huli ang magkapatid na Pinoy na diumano’y nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot sa area ng Empoli.
Natuon ang pansin ng mga alagad ng batas sa magkapatid na ito matapos silang makatanggap ng maraming reklamo mula sa mga residente ng isang quartiere sa naturang lugar patungkol sa kahina-hinalang galaw ng nasabing magkapatid. Gamit kalimitan ng magkapatid ang isang motor tuwing sila’y magdidistribute ng kanilang mga inihandang “pakete”.
Araw ng Biyernes, ika-18 ng Enero 2019 nang masita ng mga carabinieri ang panganay sa magkapatid sa malapit sa isang circolo sa Case Nuove, isang maliit na frazione ng Empoli. Sakay ng kanyang motor ay pinara ito ng mga awtoridad at hiningan ng mga dokumento. Dito napag-alaman na ang motor ay walang insurance, ang plaka ay irregular at ang ibang numero ng plate number ay tinakpan ng pintura. Wala ring lisensya para makapagmaneho ng nasabing behikulo ang 23-anyos na pilipino. Matapos ang paguusap tungkol sa mga dokumento ay pinabuksan ng mga pulis ang dalang knapsack ng motorista. Dito nila nakita ang isang pakete ng sigarilyo na naglalaman ng 35 gramong hashish. Ngunit hindi dito nagtapos ang lahat. Nagpatuloy ang operasyon ng mga pulis sa bahay ng nahuli. Sa imbestigasyon at pagsisiyasat sa bahay kung saan naroon ang mas nakababatang kapatid ay natagpuan sa kuwarto ang mahigit sa dalawang libong euro cash na pinaghihinalaang galing sa mga napagbentahang droga. Nabulaga ang 18-anyos na kapatid sa biglaang pagdating ng mga carabinieri kung kaya’t wala na itong nagawa kundi hayaan ang mga ito na halughugin ang buong bahay. Nakuha dito ang isa pang pakete ng sigarilyo na may 36 gramong hashish.
Napagalaman na ang magkapatid ay nasa watchlist na ng mga awtoridad. Matapos makatanggap ng mga reklamo tungkol sa iligal na aktibidad ng magkapatid ay nagsagawa agad sila ng ilang surveillance operations upang makumbalida ang mga nakuhang impormasyon. Matapos masiguradong tama ang mga inihaing reklamo ng mga residente ay agad nilang inorganisa ang kanilang operasyon lambat.
Sikwestrado ang mga pakete ng droga pati na rin ang motor na gamit ng dalawang magkapatid. Sasampahan din sila ng kaso at minultahan ng mahigit sa anim na libong euro dahil sa irregularities ng kanilang motor.
Ayon sa mga alagad ng batas, may mga ilan pang kasabwat ng mga ito ang nasa kanilang lista at subject pa ng follow-up operations.
Quintin Kentz Cavite Jr.