Roma, Setyembre 10, 2012 – Puspusan na ang isinasagawang malawakang kampanya ng tanggapan ng ating Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Unified Multi-Purpose ID o mas lalong kilala sa tawag na UMID Card. Ang UMID Card ay isang Philippine identity card na pinasimulang ipatupad noong taong 2010 sa ilalim ng Executive Order No. 420. Ito ay ang pagsasanib-sanib para maging isang identity card na lamang ang ipapatupad para sa mga pangunahing ahensiya ng ating gobyerno katulad ng Social Security System (SSS), Goverment Service Insurance System (GSIS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at ng Pag-Ibig Fund (Home Mutual Development Fund).
Ang nasabing UMID Card na ang pinaniniwalaang magtutuldok na sa mga pangkaraniwan nang mga problema na ating kinakaharap sa tuwing mayroon tayong inaasikaso sa isa sa mga ahensiyang nabanggit. Mapapadali ang lahat ng uri ng proseso tuwing tayo ay may pangangailangan sa alin man sa mga nabanggit na tanggapan dahil ito ay ginagamitan ng mataas at makabagong teknolohiya. Ang card na ito ay kinapapalooban ng “contactless chip” at “magnetic stripe” na siya namang nagre-restore ng mga kaukulang impormasyon at pagkakakilanlan ng bawat miyembro. Ang mga impormasyong ito ay maaari lamang ma-retrieve kung kinakailangan gamit ang mga specially-designed card readers. Isa pang bago dito ay ang pagtatalaga sa bawat miyembro ng panghabang-buhay na “common reference number” o CRN na malaki ang maitutulong sa pagpapadali ng anumang transaksyon mayroon ang isang miyembro sa alin man sa mga tanggapan ng mga nasabing ahensiya.
Sa Roma, sa pangunguna ng mismong tanggapan ng ating Philippine Overseas Labor Office (POLO), sa pamamahala ng ating kasalukuyang nakatalagang Labor Attachè, Atty. Viveca C. Catalig, puspusan ang isinasagawang kampanya ng tanggapan sa pagpapakalat ng mga impormasyon at pagtanggap na rin ng mga aplikasyon para sa nasabing UMID Card mula sa mga manggagawang Pilipino na nasa Italya. Ang tanggapan naman ng SSS ang siyang tumutugon sa mga pangangailangang teknikal ng proseso sa pagkakaroon nito. Sa kampanyang ito na nauukol sa UMID Card, kaagapay ni Labatt Catalig si Mr. Francis Bacol, SSS Representative, na siya namang in-charge sa tinatawag na “ID CAPTURING,” ang isa sa mga kauna-unahang hakbang para magkaroon ng UMID Card. Tumatanggap ang SSS Office ng mga aplikasyon para sa pagkakaroon ng UMID Card tuwing Huwebes ng hapon sa tanggapan ng ating embahada sa Roma, sa Viale delle Medaglie d’Oro. Bukod dito, ang kampanya ay patuloy na isinasagawa din sa mga nakatakdang petsa ng “consular services” at “outreach programs” ng POLO sa iba’t-ibang panig ng Italya.
Ang POLO ay nagkakaroon din ng mga kampanya kahit araw ng Linggo sa mga Filipino establishments na kadalasang pinupuntahan ng ating mga kababayan tuwing araw ng Linggo katulad ng mga remittance centers, sari-sari stores, at iba pa. Pinapaunlakan na rin ng POLO ang mga imbitasyon mula sa iba’t-ibang Filipino community groups para tumanggap ng mga aplikasyon at magsagawa ng ID capturing. Ang kampanyang ito para sa UMID Card ay nagbibigay daan na rin para sa tanggapan ng POLO na mas marami pang maabot na mga manggagawang Pilipino sa bansa at personal na tumugon sa kanilang mga katanungan o suliranin.
Sa UMID Card, mas madali tayong makikilala, kaya mas madali rin tayong matutulungan.(ni: Rogel Esguerra Cabigting)