Hinangaan ng mga Pilipino ang MCYC, gayun din ng mga pilgrims mula sa iba’t ibang parte ng mundo. Makakapiling ang choir sa dalawang free concert sa Roma.
Roma, Oct 25, 2012 – “We feel like we are in heaven with angels around us”, ito ang mga komento ng mga Pilipinong nasaksihan ang multi-awarded Mandaue Children and Youth Chorus o MCYC, mula Cebu na binubuo ng 30 singers sa pagdiriwang ng canonization ni Pedro Calungsod, sa Triduum Mass, sa Vespers at sa Thanksgiving mass sa St. Peter’s Basilica.
Ang tila mala-anghel na mga boses at ang makulay at kumikinang na costume ng mga kabataang mang-aawit ay nasaksihan din sa ginanap na konsyerto sa Chiesa del Gesù e Maria sa Roma na dinaluhan rin maging ng mga Italyano.
Ayon sa mga bumubuo ng MCYC sa isang panayam, ito ang kanilang “performance of a lifetime”.
Simula 2004, taon kung kailan naitatag ang grupo at pinangalanan na Mandaue School for the Arts Children’s Choir noong una, ay walong taon na ring umaawit para kay Pedro Calungsod, walong taon upang maging ganap na santo, sa Pedro Calungsod Shrine sa D. Jalosalem St. sa Cebu City.
Maituturing ng delegasyon na ang pagpunta sa Roma at pag-awit sa kanonisasyon ni Calungsod ay hindi paghingi ng biyaya sa bagong santo bagkus bilang pasasalamat sa Visayan martyr dahil sa mga naging tagumpay ng grupo sa mga local and international competitions tulad sa Hongkong, Taiwan at USA.
Natanggap ng Mandaue Children and Youth Choir ang Ani ng Dangal award noong nakaraang Pebrero mula sa National Commission on Culture and the Arts (NCCA). Natanggap din ng grupo ang award na ito noong 2008 at 2011.
Pinanalunan din ng choir ang National Music Competitions for Young Artists (NAMCYA) at ang Garbo Sa Sugbo Award ng Cebu noong 2004.
Ang grupo ay nanalo ng tatlong gold medals sa First Asian Choir Games sa Indonesia noong 2007 at umakyat sa Grand Prix of World Choir Championships sa South Korea noong 2009 kung saan nakuha nila ang first prize.
“Compared to the competitions we joined before, this is more meaningful because it speaks of our faith, our being Christians,” ayon kay Dennis Sugarol, ang conductor at musical director ng grupo.
Tatlumpu ang awiting dala ng grupo sa Roma, kabilang dito ang “O Bulahang Pedro Calungsod”, “Saint Pedro Calungsod”, “Mga Pangamuyo” at ang “Suluguon ni Hesus”.
Karamihan sa kanilang awitin, kabilang ang most popular hymn or gozos of Calungsod na pinamagatang “Way Sukod” ay isinulat ni Msgr. Rudy Villanueva, isang diocesan priest ng Cebu at kilala sa kanyang award-winning literature and liturgical composition.
Ang mga awitin ay pinili sa pamamagitan ni Msgr. Ildebrando Leyson, ang spiritual adviser ng grupo, na sumulat ng awiting “O Bulahang Pedro Calungsod.”
Isang album ng kanilang mga awitin ay kanilang ipinagbibili upang makalikom ng pondo para sa grupo. Sa katunayan, dala ng grupo ang mga prayer petitions ng kanilang mga donors sa Roma bilang pasasalamat sa mga ito. Ito ay upang matugunan ang kanilang biyahe sa Roma at sa buong Europa bago tuluyang bumalik sa Pilipinas sa Nov. 2.
Muling makakapiling at matutunghayan ang MCYC sa dalawang magkahiwalay na free concert sa Roma, sa Santa Pudenziana, via Urbana ganap na 7 pm mamayang gabi at bukas October 26, 2012 saSan Egidio Church sa Trastevere.