Ang Manifestation of Intention to Vote ay isang sinumpaang deklarasyon kung saan nasasaad ang hindi pagkakatanggap ng balota at hindi pagboto sa anumang post sa 30 araw na OAV.
Roma, Mayo 3, 2016 – Sa isang anunsyo ay ipinaaalam ng Embahada ng Pilipinas sa Roma ang Comelec’s Office for Overseas Voting o OFOV Guideline 2016-001 na may titolong “In the Matter of Allowing Registered Overseas Voter to Vote in Posts Where He/She Is Currently Residing.”
Ito ay patungkol sa mga Overseas voters na rehistrado sa ibang Embahada o Konsulado, halimbawa sa Milan, at aktibo ang status sa Comelec ngunit kasalukuyang nagta-trabaho o naninirahan sa ibang lugar, halimbawa sa Roma. Sila, ayon sa nabanggit na Guideline, ay maaaring bumoto kung saan kasalukuyan naninirahan, sa ating halimbawa sa Embahada sa Roma sa pamamagitan ng Manifestation of Intention to Vote.
Ang Manifestation of Intention to Vote ay isang sinumpaang deklarasyon kung saan nasasaad ang hindi pagkakatanggap ng balota at hindi pagboto sa anumang post sa 30 araw na OAV na magpapahintulot bumoto, kung rehistrado at aktibo ang status sa Comelec, sa pinakamalapit na post.
Kabilang sa maaaring makaboto kung saan naninirahan sa pamamagitan ng Manifestation of Intention to Vote ang mga una ng ibinalita ng Ako ay Pilipino na Certified Overseas Voter sa Roma na natagpuan sa Post Finder ng Comelec na kabilang sa listahan ng botante sa Milan o sa ibang Europe post.
Narito ang sumusunod na pamamaraan ayon sa anunsyo ng Embahada:
1. Ang overseas voter ay dapat i-fill up ang Manifestation of Intent to Vote at ipakita ang voter’s ID kung mayroon o anumang balidong ID.
2. Susuriin ng Embahada sa Comelec ang status ng registration.
3. Kung aktibo ang status ng overseas voter, bibigyan ng Comelec ng awtorisasyon ang Special Board of Inspector o SBEI
4. Sa pagtanggap ng pahintulot mula COMELEC, pahihintulutan ng SBEI na bumoto ang overseas voter.
Ngunit maaari bang makaboto sa parehong araw ang gumawa ng Intention to Vote?
“Pwede, konting antay lang po. Or better yet, bago pa pumunta dito (sa Embassy) send me a message stating full name and birthday of the voter para mai-send ko na agad sa COMELEC for verification. Thank you! Let’s do this!”, ayon kay Vice Consul Marge Malang bilang kasagutan sa isang tanong sa social network.
Inaasahan na ang “Manifestation of Intention to Vote” ang magiging kasagutan at solusyon sa maraming registered voters na wala sa master’s list ng Comelec ilang araw bago tuluyang magsara ang OAV sa Italya, na tinatayang sampung botante kada araw.
Bukod pa, sa mga ‘nawawala’ umanong mga balota ayon sa mga Pilipino sa Tuscany Region na ipinadala na sa posta ng Embahda bilang pagpapatupad simula April 8, ayon sa Comelec Resolution 10087, na isang pagbabago na ipinatutupad ng Comelec kung saan nasasaad na kahit hindi mag-request ang botante ay maaaring ipadala ang balota by mail ng mga foreign service posts.
Nananatiling mababa pa rin ang bilang ng mga bumoto kumpara sa bilang ng registered voters. Kasalukuyang humigit kumulang 5,000 (personal & postal votes) pa lang ang bilang ng mga bumoto na sa Roma ng 27,000 registered voters at humigit 4000 (personal & postal votes) naman sa Milan ng 32,000 registered voters.
Ngunit kaugnay sa inaasahang solusyong nabanggit, ang katanungan ng mga botante ay: Ilang bagong balota ang dapat ilabas ng Comelec para sa ganitong solusyon? Ano ang mangyayari sa mga balotang naipadala na by mail? At ano ang assurance ng sambayanan na ang mga ipinadalang balota sa posta ay aabot hanggang May 9?
ni: PGA