in

Matagumpay na muling Pagbabalik sa Pilipinas, posible ba?

Muling Pagbabalik sa Pilipinas Ako Ay Pilipino

Posible nga ba ang isang matagumpay na muling pagbabalik sa Pilipinas? Ito ang tanong ng mga kababayan nating nangangarap na bumalik sa Pilipinas, matapos ang mahabang panahon ng pakikipagsapalaran dito sa Italya o saan mang dako ng mundo.  Sabi nga, bahagi tayo ng Filipino Diaspora, o ang paghugos ng mga Pilipino upang tumungo sa ibang bansa na gagawin nilang tahanan at lugar ng paghahanap-buhayan. Pero darating ang panahon na nanaisin, paplanuhin, susubukan at pagdedesisyunan na muling magbalik at manatili na sa sariling bayan. Posible nga ba? Handa ba naman tayo?

Nitong ika-7 ng Pebrero, 2021, ay nagdaos ng isang virtual forum ang OFW WATCH LOMBARDIA sa pamumuno ni RODEL DE CHAVEZ. Ang tema ay ukol sa pagbabalik-Pilipinas ng ating mga dayuhang manggagawa. Ang naging resource person ay ang miyembro ng OWWA Board of Trustees na kumakatawan sa sektor ng kababaihan, si ESTRELLA MAI DIZON-ANONUEVO. Siya rin ang Executive Director ng Global Academy on Migration and Development at Board Chairperson ng ATIKHA.

Nakasama din dito ang Labor Attache ng POLO mula sa Milan and Northern Italy ATTY. CORINNA PADILLA-BUNAG, at ATTY. HANEY LYNN SICLOT ng Roma, at mula naman sa OWWA-Milan si Welfare Officer Ms. RUTH ROSELYN VIBAR at OWWA-Rome Welfare Officer Ms. NORLITA LUGTU.  Dumalo din sa virtual forum na ito ang mga miyembrong organisasyon ng OFW WATCH ITALY at mga pinuno nito, ilang staff ng POLO Milan at iba pa nating mga kababayan na interesado sa tema. 

Ibinahagi ni Gng. MAI ANONUEVO sa kanyang presentasyon ang pagbibigay ng depinisyon sa salitang REINTEGRASYON, o ang pagbabalik ng nandayuhang manggagawa sa kanilang sariling bayan. Binanggit niya ang mahahalagang salik upang maging matagumpay ito: ang kahandaan sa aspetong pinansyal, emosyonal at teknikal.

Ipinabatid din niya ang limang tipolohiya ng pagbabalik. Ito ay ang mga sumusunod: dahil sa kabiguan bunga ng di magandang karanasan,  pansamantala dahil may layon pang muling ipagpatuloy ang pangingibang-bansa o ang desisyong pagreretiro na.   Maaari din namang bunga ng matagumpay na pamamalagi sa ibang bansa at ang pagbabalik dahil sa inobasyon o pagnanais na maibahagi ang natutuhan at makapagserbisyo sa bayan.

Nailahad din niya ang mga dahilan ng pagkabigo ng marami sa ating mga kababayan na magkaroon ng maayos na reintegrasyon. Ilan dito ay ang di sapat na ipon at pundar, mga isyu sa pamilya na di naresolba, kabiguan sa negosyong pinasok, di maayos na integrasyon sa komunidad at kakulangan sa tamang paghahanda.

Ang OWWA o OVERSEAS WORKERS WELFARE ADMINISTRATION ay may mga programa upang ang mga manggagawang miyembro nito ay magkaroon ng matagumpay na pagbabalik-bayan. Nagdaraos sila ng mga seminar at pagsasanay sa Values Education and Financial Literacy. Mayroon ding mga entrepreneurship program at skills training, na ibinibigay hindi lamang sa mga nasa ibang bansa kundi sa mga nagpasiyang manatili na sa Pilipinas.

Sa ngayon ay mayroon silang programa na Access to Grants, ang BALIK-PINAS, BALIK-HANAPBUHAY para sa indibidwal at ang TULONG PUSO para sa group livelihood. Mayroon ding OWWA REINTEGRATION LOAN PROGRAM kung saan ang OFW ay maaaring makahiram ng hanggang 2 milyon sa accredited bank gaya ng Landbank at DBP. Ilulunsad na rin ang bagong program na BALIKABAYANIHAN na isang mobile application kung saan ay magkakaroon ng access sa iba’t ibang programa ng nasyonal at lokal na gobyerno, mga non-government organization at pribadong sektor. 

Sa ilalim din ng DOLE, ang National Reintegration Center for OFWs  o NRCO, ay may mga nakalinya ding programa. May DTI Heroes Program para sa pangangalakal at industriya, DOST Training and Loan Program para sa siyensya at teknolohiya, DA-ANYO Loan program   para sa Agri-business, DA Agri-training online at TESDA Online training. Mayroon ding inilalaang programa ang ATIKHA, mula sa kanilang mga pagsasanay, pati na ang PINOY WISE FB at ITV na naglalabas ng mga webinar at forum sa social media.

Para sa mas malinaw na impormasyon, bisitahin dito ang kanilang mga website:

Reintegration (owwa.gov.ph)

Tulong Puso (owwa.gov.ph)

SB Corporation opens P100M loan facility for repatriated OFWs | Small Business Corporation (sbgfc.org.ph)

iFWD PH (dost.gov.ph)

e-learning | Agricultural Training Institute | Home of the Philippine e-Extension (da.gov.ph)

TESDA Online Program (e-tesda.gov.ph)

www.atikha.org

https://www.facebook.com/pinoywise

Ang lahat ng ito ay tunay na makakatulong upang ang mga manggagawa ay magkaroon ng sapat na gabay upang maging matagumpay ang kanilang pagbabalik at pananatili na sa Pilipinas.

Sa parte naman ng POLO-OWWA SERVICES sa Konsulado sa Milan at sa Embahada ng Pilipinas sa Roma, may mga programa at serbisyo din sila na nakalaan sa pagsasanay ng mga OFW. Kahit na nagkaroon ng pandemya ay nagawang maipagpatuloy ang mga pagsasanay sa pamamagitang ng online. At itong mga kasanayan ay maaari din nilang magamit habang narito sa Italya at maging baon din sa pagbabalik-bayan.

Ang mga naging katanungan ng nagsidalo sa virtual forum ay maayos namang nasagot ng resource person at ng mga panauhing opisyal ng ahensiya ng gobyerno. Ang mahalaga ay ang mga napulot na impormasyon na makakatulong sa pagpaplano ng mga OFW sa kanilang kinabukasan. Marami sa mga programa ay nakalaan din maging sa mga di miyembro ng OWWA, basta may rekord ng pangingibang-bansa bilang manggagawa. 

Tunay na nasagot ang tanong na nakalahad sa tema. Posible talaga na maging matagumpay ang pagbabalik ng mga OFW sa sariling bayan kung may paghahandang pinansiyal gaya ng sapat na ipon at pundar, maayos na kalagayan ng pamilya, sapat na teknikal na kaalaman at kasanayan, integrasyon sa komunidad at ang positbong determinasyon na magtagumpay. (Dittz Centeno-De Jesus)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

OWWA Membership renewal Ako Ay Pilipino

OWWA Membership renewal, paano gagawin sa panahon ng pandemya?

UK variant, Brazil variant at South Africa variant Ako Ay Pilipino

UK, South Africa at Brazil variants, bakit pinangangambahan?