"Pagsunod sa Yapak ng mga Dakilang Pilipino, Tungo sa Malawakan at Permanenteng Pagbabago"
Roma, Hunyo 16, 2014 – Ito ang tema ng matagumpay, makulay at masayang pagdiriiwang ng ika-116th Independence Day ng Pilipinas sa Piazza Ankara sa Roma, Italya kamakailan.
At bilang paggunita sa mga dakilang Pilipino tulad ng nasasad sa tema, bago simulan ang pagdiriwang, ay nag-alay ng korona sa monumento ni Dr. Jose Rizal sa Piazza Manila sa pangunguna ni H.E. Ambassador Virgilio Reyes Jr., mga miyembro ng Knights of Rizal at ilang mga panauhin.
Kahit matindi ang sikat ng araw, hindi ito inalintana ng halos limang libong mga Pilipino at mga panauhin na nakiisa sa Piazza Ankara kung saan pitong taon na ginaganap ang naturang selebrasyon.
Kabilang sina Assessore alla Cultura Agnese Micozzi ng ex-Municipio II at ang batikang italian actor-director Andrea Bosca sa mga naging panauhing pandangal ngayong taon.
Nagbigay ng mensahe si Pangulong Benigno Aquino na nagpaabot ng kanyang pagbati sa mga mamayang Pilipino dito sa Italya. Sa binasang mensahe ni Consul General Leila Lora Santos, sinabi ni Aquino na ang nasyonalismo, katapangan at determinasyon ng ating mga ninuno na maipagtanggol ang mga Pilipino sa kawalan ng hustisya ay nagbigay daan sa kalayaan at demokrasya na ating tinatamasa ngayon.
Samantala, tinatayang mahigit sa isang libo ang mga lumahok sa taunang parada na pinangunahan ng Philippine Embassy sa Roma at mga kawani nito. Kasabay ng tugtog ng Drum & Lyre band ay nagparada rin ang mga ang taga-Sentro Pilipino, Collegio Filipino, Knights of Rizal, mga opisyal ng Philippine AFP at UN, business sectors, Filipino communities sa loob at labas ng Roma, mga asosasyon ng mga Pilipino grupo, at iba’t ibang Guardian chapters. Sa naturang selebrasyon ay makikitang suot ang iba’t-ibang makukulay na t-shirt ng mga asosasyon, grupo at mga kumpanyang nagpapakilala sa mga ito.
Pinatingkad naman ang selebrasyon ng mga presentasyon ng kulturang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga Filipino songs and dances. Ilan sa nakakaaliw ay ang Tausug Dance “Pangalay”, ang makasaysayang Balagtasan, pagbabasa ng Mi Ultimo Adios na isinulat ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal sa wikang italyano, Tinikling, Kali at martial arts exhibition, Banga Dance at marami pang iba. Ipinamalas din ng mga kabataang Pinoy ang galing sa hip hop, acoustic version ng awiting ‘Manila’ at rap sa variety show.
Rumampa ang mga kandidato ng The Bachelors suot ang iba't ibang uri ng Barong Tagalog. Hindi naman nagpahuli ang mga kandidata ng nalalapit na Bb. Pilipinas-Italya 2014. Pati na rin ang mga bulilit sa nalalapit na Little Filipino/Filipina Models ay nagpakita ng kanilang indak sa pagrampa.
Lalong sumaya ang naturang okasyon dahil sa higit sa 200 tents na naitayo sa piazza, kung saan maraming makikitang Filipino food and drinks tulad ng halo-halo, ice-candy, kutsinta, puto at ang all time favorite na pansit at adobo at iba pa. Tunay na nadama ang diwa ng pistang Pilipino dahil sa patuloy na pag-aalok ng mga pagkain o inumin sa bawat tent. Naaliw din ang mga panauhing italyano dahil bukod sa pagkaing Pinoy ay kanilang natunghayan ang mga produktong Pinoy, mula real estates hanggang money transfer, na pawang mahalagang bahagi ng pagdiriwang bilang mga sponsors.
Nagkaroon din ng mga Exhibit booths ngayong taon: kabilang ang social photography ni Stefano Romano, ang cake design, ang flower arrangement at ang Haute Couture.
Bukod dito, isa sa inaabangan taun-taon ay ang pamimigay ng mga round trip tickets Rome-Manila-Rome ng mga pangunahing travel agency at airline companies. Sa katunayan, umabot sa 10 round trip tickets, 3 Europe tour at 17 minor prizes ang ipinamigay ngayong taon.
Bago tuluyang matapos ang pagdiriwang ay inaliw ni Enchong Dee, isang kilalang celebrity ng ABS CBN, ang mga dumalo lalong higit ang mga kadalagahang umaga pa lamang ay naghihintay na sa pagdating ng celebrity. Kasabay ng mga malakas na tilian ay naghandog ang panauhin ng song at dance number na nagdagdag sa kasiyahan ng Philippine Independence Day.
Mabuhay ang lahing Pilipino! (nina Pia Gonzalez Abucay at Rachel Romero Garcia – larawan ni Stefano Romano)