in

May-ari ng Myrcost Travel and Tours, tuluyang naglaho!

Tuluyang naglaho ang Pilipinang may-ari ng Myrcost Travel and Tours at ang kinakasama nito matapos matuklasan ng kanyang mga kliyente na kanselado ang kanilang flights pauwi ng Pilipinas. 
 
Milan, Disyembre 15, 2014 – Ilang araw na lang bago magpasko, gulat, galit at dismayado ang mga kababayan natin dahil kanselado ang mga lipad nila pauwi sa Pilipinas para makapiling ang kanilang mga minamahal sa buhay sa darating na kapaskuhan.
 
Ika-7 ng Disyembre ng taong kasalukuyan, naalarma ang maraming Pinoy hindi lamang dito sa Milan kundi pati na rin sa mga karatig rehiyon ng Lombardy, dahil bigla na lamang naglaho na parang bula ang may-ari ng MYRCOST VIAGGI, na si Myra Costales, isang filipina, matapos matuklasan ng kanyang mga klieyente na kanselado ang kanilang flights pauwi ng Pilipinas. 
 
Agad kumalat sa isang social networking site ang mga litrato ni Myra Costales maging ang kinakasama nito na kilalang si Jumbo Garcia.

 
Mayroon ding nagpalabas sa pamamagitan ng isang cellphone video tungkol sa isang pamilya na hindi natuloy ang kanilang lipad papauwi sa atin. At ayon sa biktima mahigit 11 na mga Pinoy ang kanselado ang flights at maaari pang tumaas ang bilang nito.
 
Nagtungo ang Ako ay Pilipino sa tanggapan ni Costales upang kumpirahin ang alegasyon ng mga nagrereklamo subalit saradong sarado ang Myrcost Viaggi na matatagpuan sa Via Martinetti 7, Milan. Takang-taka rin ang katabing negosyo nito kung bakit tanghali na ay sarado pa ang agency. Sa katunayan, ay marami umanong kliyente ang nag-aabang sa
harapan nito bago pa man magbukas ang nasabing tanggapan.
Ayon sa isang complainant, ika-2 ng Agosto noong siya ay nag pa-booked ng flight para sa apat na katao. Nakatakda sana silang lumipad ng December 9, 2014 saka yng Singapore Airlines at magpapalit sila ng flight mismo sa sa Singapore at final flight nila patungo sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
 
Sa Philippine Consulate General ng Milan nagtungo ang complainant upang iparating ang kanilang reklamo pagkatapos maghain ng statement ang mga ito sa awtoridad.
 
Sinabi ni Consul General Marichu Mauro na sila ay makikipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga impormasyon tungkol sa mga reklamo ng mga kababayan natin. Inaasahan na tataas pa ang bilang ng mga nabiktima na dadagsa sa tanggapan ni Mauro, maging ang mga karagdangang impormasyon na makakalap ng tanggapan nito tungkol kay Costales.
 
Sinabi pa ni ConGen na naiparating na nila itong kaso sa Department of Foreign Affairs sa Pilipinas, at naireport na rin nila ito sa head office ng Carabinieri.
 
Lehitimo umano ang lisensiya ni Costales para patakbuhin ang kanyang negosyo bilang isang travel agency subalit hindi ito accredited sa International Air Transport Agency o IATA na siyang nag-rerelease ng mga flight tickets sa mga pasahero, ito ay ayon kay Massimo Pallaro may-ari ng Philippine Air Systems o PAS na siyang authorized na mag release ng mga flight tickets.
 
Sinabi pa ng may-ari PAS, mayroong higit 30,000 euro ang halaga na hindi pa nababayaran ni Costales sa kanila.
“She has been doing good in our transactions in the past months, but lately, we noticed something strange that is happening to her” sinabi ni Pallaro.
 
Napag-alaman din sa owner ng PAS na kung kumuha ng flight tickets si Costales sa kanila ay umaabot ng 30 hanggang 50 tickets kada buwan.
 
Nagpila na rin ng kaso laban kay Costales ang PAS dahil sa mga flights tickets na kinuha nito na hindi pa nababayaran.
Dagdag pa ni Pallaro, sa kanila pa kumuha ng mga flight tickets sa nagdaang concert sa Milan para sa star celebrities mula Pilipinas subalit pinaghahanap din si Costales ng kanyang mga co-producers dahil hindi umano nai-remit ang bahagi ng kita sa concert maging ang mga concert tickets na naibenta.
 
Malaking katanungang kung bakit nagawa ito ni Costales dahil sa tagal ng tumatakbo ang kanyang negosyo ayon kay Pallaro, delayed man ang bayad subalit ito ay naayos niya sa lalong madaling panahon.
 
Sa kabila nito ay nagpalabas ng notice ang Philippine Consulate General sa Milan ng isang public notice kung saan nakalahad na dumulog sa kanilang tanggapan upang isumite ang sworn statement na binigay nila sa mga awtoridad.
Hustisiya ang hinihingi ng bawat nabiktima ni Costales at hangga’t maaari sabi nila na ibalik ang kanilang pera. 
Sa kabila nito, ilan sa mga biktima ay napilitang bumili na ng panibagong flight tickets para lamang makuwi sa Pilipinas bago mag pasko habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon ng mga awtoridad.  
 
Chet de Castro Valencia
 
 
 
 
 
 
 
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Simbang Gabi sa Pasuguan

Panawagan mula sa Konsulado sa Milan