Ralph Joshua Trillana, 28 taon gulang, ang Pilipinong gumawa ng medalyang ipinamigay sa nakaraang Maratona di Roma 2015.
Roma, Abril 10, 2015 – Ipinanganak sa Maynila, naninirahan sa Roma at nagtapos sa School of Art Ripetta. Siya si Ralph Joshua Trillana, ang pinalad na nagwagi sa ginanap na International competition noong nakaraang taon kung saan lumahok ang higit sa 100 mga mag-aaral at idibidwal mula sa iba’t ibang School of Arts at Arts and Culture Association. Layunin ng patimpalak ang pumili ng pinaka-maganda at pinaka-makahulugang disenyo ng medalyang ipinamigay sa nakaraang Maratona di Roma.
Sampu ang napiling semi-finalist. Ang mga hurado ay binubuo ng mga dalubhasa sa sining tulad ng skultor at keramista, mga profesor sa sining, kilalang pangalan sa larangan ng sports, mga organizer at ilang kampeyon ng Roma Marathon. Hanggang sa napili ang obra maestra o ‘opera d’arte’ ni Ralph mula sa tatlong mga pinalista. Ang medalyang iginuhit at nililok ni Ralph ay nagkaroon ng higit sa 18,000 kopya at ipinamigay sa mga nanalo at umabot sa finish line sa loob ng pitong oras ng kumpitisyon ng ika-21 Roma Marathon na ginanap noong March 22 ng taong kasalukuyan.
Maaari mo bang ipaliwanag ang kahuluhan ng iyong obra maestra?
“Umaagos na tubig at umiihip na hangin”. Para sa akin, ito ang mga pangunahing elemento na malaki ang naitutulong sa bawat atletang lumalahok sa Maratona. Ang tubig ay ang pangunahing elemento ng buhay at ito ay aking binigyan ng mahalagang bahagi sa medalya. Isang atleta, naman ang sentro ng medalya. Ito ay naglalarawan ng kanyang kakayahan at pisikal na anyo ng walang anumang diskriminasyon. Ang posisyon nito ay sumisimbolo ng pagiging aktibo at laging handa ng isang atleta. Makikita rin ang Roman number na XXI, una bilang pagpupugay sa lungsod ng Roma at ikalawa bilang tanda ng ika-21 edisyon ngayong taong ito ng Maratona. Sa kanang bahagi naman nito, ay makikita ang Colosseum na isang mahalagang monumento ng lungsod. Nais kong bigyang diin sa aking medalya ang halaga ng buhay na napapaloob sa kumpetisyon ng maratona”.
Naging mahirap ba ang iyong pagsali sa kumpetisyon (concorso)?
“Bukas ang kumpetisyon para sa mga mag-aaral at miyembro ng mga asosasyon sa sining. Ako ay miyembro ng ‘L’altro sguardo – Artisti Associati’. Nag-iisa lang akong Pilipino. Ang ikatlong taon ng aking pagsali sa kumpetisyon ay sa tulong ng aking dating propesor na hanggang sa ngayon ay ginagabayan ako”.
Ano ang iyong naramdaman matapos mapili ang iyong obra?
“Hindi ko inaasahan na ako ang mananalo. Sa katunayan, ako ay sumali upang makita ang ‘obra’ ng aking mga kakilala at kaibigan. Curious din ako na makita ang obra maestra ng mananalo. Kaya noong ako ang tinawag na nanalo, hindi ko maalis na lubos na matuwa”.
Ano sa ngayon ang iyong plano? Ano ang mensaheng iniwan sa iyo ng iyong pagka-panalo?
“Ang aking mga pangarap ay hindi nagtatapos sa makitang isinasabit ang 18,000 kopya ng medalyang aking ginawa. Oo inaamin ko, nakaka-pangilabot na makita ang aking ‘opera d’arte’ sa 18,000 libong mga atleta! Sa ngayon ako ay nagta-trabaho sa isang call center ngunit ako ay naniniwala na hindi pa huli ang lahat para sa aking mga pangarap. Ito ay simula pa lamang. Ang aking mga magulang ay parehong Pilipino. Alam ko ang hirap ng buhay ngayon sa Roma at bagaman dito na ako lumaki, hindi pa rin ako dito ipinanganak at tulad ng maraming dayuhan na walang italian citizenship, hinaharap ko rin ang burokrasya dito. Nag-trabaho na rin ako bilang waiter. Ngunit inuulit ko, sa kabila ng mga ito, hindi ito magiging hadlang upang maabot ang aking mga pangarap. Ito ang mensaheng nais ko rin ibahagi sa aking mga kabataang Pilipino na bahagyang nawawalan ng pag-asa”.
Pia Gonzalez-Abucay