in

Medical Mission, handog ng Fil-Ita Nurses Association at Ass. Amici del Cuore sa mga Pilipinong manggagawa

Naging linya ng isang awiting komersiyal noon sa Pilipinas ang “Take good care of your heart, it is the only one you’ve got….”.

 

At tama nga naman dahil nag-iisa ang puso sa ating katawan na nagbibigay-buhay sa atin kaya kung ito ay ating pababayaan, maaaring maging sanhi ng malubhang karamdaman at magresulta na rin sa kamatayan.

Marahil ay ito ang nagsilbing inspirasyon para sa adbokasiyang medikal ng isang grupo ng mga narses na Pilipino dito sa Modena. Pagkatatag ng samahang ito noong ika-25 ng Mayo, 2017 na tinawag nilang FINASS o Filipino-Italian Nurses Association ay nagsimula na sina Deciditas Macaraeg, Alicia Notario at Russel Rivera, na tumatayong mga opisyal din ng samahan, na mangalap ng mga impormasyon at magsaliksik ukol sa kalagayang pangkalusugan ng mga Pilipinong manggagawa. At napatunayan nga nila na nangunguna sa nagiging karamdaman ng mga Pilipino ay ang sakit sa puso at siyang nagiging dahilan rin ng pagka-imbalido o minsan ay ang maagang kamatayan. Maging ang diabetes at pagtaas ng blood pressure ay dalawa rin sa mga nagiging karamdaman ng mga Pilipino.

Ito ang ginawa nilang basehan upang maiharap sa Servizio Sanitario Regionale ng Emilia-Romagna, Azienda Unita Sanitaria Locale di Bologna at sa Cardiologia del Maggiore at Dipartamento Medico dell’ AUSL ang kahilingan na makapagdaos ng medical mission kung saan ay magsasagawa ng libreng cardiological check-up, HDL, LDL, Triglyceride at blood glucose para sa halos 500 Pilipino. Binigyang-katuparan ang kanilang misyon at ito ay idinaos ng dalawang beses sa Ospedale Maggiore sa Bologna, noong ika-19 ng Nobyembre at ika-3 ng Disyembre mula sa oras na ikawalo ng umaga hanggang ika-isa ng hapon.

Katuwang ng FINASS ang Associazione Amici del Cuore sa misyong ito, sa pangunguna rin nina Dr. Giuseppe Di Pascuale, ang Direttore ng Unita Operativa di Cardiologia, Dr. GianFranco Tortorici at Caposala Daniela Trentin, at si Dra. Francesca Novaco, Direttore Sanitario ng AUSL Bologna, kasama din ang mga boluntaryong doctor at nurses sa Ospedale Maggiore at Toniolo Hospital at mga Pilipinong registered nurses at midwife at mga volunteers mula sa grupo ng Liwanag Associazione di Donne Filippine. Ang lahat ay nagtulong-tulong para sa pagtatala, maayos na pagsasagawa ng check-up at  pagpapaliwanag sa mga medical result.

Base pa rin sa pag-aaral, marahil dahil na rin sa diyeta ng mga kababayan nating Pilipino, na binubuo ng kanin, karne , lamang-dagat, maaalat at matatamis na pagkain,  sa pagtuntong sa edad na 50 ay nagkakaroon na ng mataas na blood pressure, di-kontroladong blood sugar at kadalasan ay pagkakaroon na ng stroke at atake sa puso. Marami sa mga nagsipunta sa medical mission ay noon lamang nakapagpatingin sa puso at nagpa- blood analysis dahil sa walang panahon sa pagkonsulta sa doktor o kaya naman ay nagwawalang-bahala o may takot sa tunay na kalagayang medikal. 

Kaya isang malaking hamon para sa FINASS ang malaking misyong ito na maipaalam sa mga kababayang Pilipino ang kahalagahan ng pangangalaga sa sariling kalusugan. Makaaasa ang komunidad ng mga Pilipino ng mga mahahalaga pang adbokasiyang medikal mula sa FINASS dahil ito ang kanilang handog sa ma kababayan….ang magandang kalusugan at dagdag na kaalaman sa pangangalaga at pagpigil sa mga nakaambang karamdaman. 

                                                                                          FINASS Founders

 

 

ni:Dittz Centeno-De Jesus

larawan ni: GYNDEE

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

“Huwag kaming iwan muli” hiling kay Matarella ng Ikalawang henerasyon

PILAHAN WINTER LEAGUE, opisyal nang sinimulan sa Modena