in

Mga Bagong Alituntunin sa Pagpapanatili ng Kalinisan sa Buong Firenze, ipinapatupad

Firenze, Abril 29, 2013  – Naganap ang isang pagpupulong at paghaharap ng komunidad ng mga Pilipinong naninirahan sa Firenze at Pamahalaan ng nasabing siyudad noong Abril 21, 2013, sa Piazza Indipendenza na matatagpuan mismo sa harapan ng tanggapan ng Konsolado ng Pilipinas sa Firenze.  Ang nasabing pagpupulong ay inorganisa ng Confederation of Filipino Leaders ng Firenze at Consulate Coordinator sa pangunguna nina Ms. Divina Capalad at Mr. Wilfredo Punzalan.  Bukod sa iba’t-ibang Filipino community leaders, ang nasabing inkontro ay dinaluhan din nina Sig. Nicola Benvenuti, Presidente ng Quartiere 1,  Consiglieri Ornella Grassi, Sig. Ivano Niccoli at ng atin mismong Honorary Consul sa Firenze, H.E. Dr. Fabio Fanfani. 

Layunin ng nasabing pagpupulong ay ang maiparating sa mga bumubuo ng komunidad ng Pilipino ang mga bagong regulasyon ng pamahalaang Italyano na nauukol sa pagpapanatili ng kalinisan at kapayapaan sa siyudad ng Firenze.
 
Ang mga alituntunin na ipatutupad ayon na rin sa panawagan ng Pamahalaan ng siyudad ng Firenze ay inaasahang irerespeto ng lahat ng mga mamamayang naninirahan sa lahat ng lugar na nasasakupan ng Comune di Firenze, maging Italyano man o ibang lahi. Ang mga alituntuning ito ay umiikot sa pagpapanatili ng kalinisan at kapayapaan sa mga pampublikong lugar sa Firenze tulad ng mga piazza.
 
Ang siyam na importanteng regulasyon ang ipapatupad ng Comune di Firenze ay naisalin na sa ngayon sa dalawa pang ibang wika bukod sa Italyano, English at Tagalog.  Ito ay patuloy pa ring isasalin sa iba pang wika para mas madalaing maintindihan ng bawat mamamayan na naninirahan sa Firenze
 
1.)  Ipinagbabawal ang umakyat sa mga gusali o monumento (Multa €160.00)
2.)  Ipinagbabawal ang magsulat o mag-disenyo sa mga monumento o 
       maging sa mga dingding ng mga gusali. (Multa €160.00)
3.)  Ipinagbabawal ang pagtapon ng mga kalat sa hindi tama nitong mga lugar tulad
       ng mga pagkain, sigarilyo, at iba pa.  (Multa €160.00)
4.)  Ipinagbabawal ang pagtitinda at pagbili ng mga pekeng kalakal, ano mang uri ng pagkain,
       o mga nakakalasing na alak kung wala itong kaukulang permit o pahintulot.  (Multa €1,000.00)
5.)  Ipinagbabawal ang pagdidikit o paglalagay ng mga bagay katulad ng mga padlocks, susi,
       at iba pang mga bagay sa mga monumento.  (Multa €100.00)
6.)  Ipinagbabawal ang pagsigaw na maaaring makaabala sa iba o makasira ng katahimikan o
       kapayapaan sa mga pampublikong lugar.  Kinakailangan lisanin ang mga pampublikong
       piazza bago mag-10:30 ng gabi, lalo na kung may kasamang mga bata.  (Multa €100.00)
7.)  Panatilihin ang pagbabantay sa mga alagang hayop katulad ng aso at pagsikaping dakutin
       ang kanilang mga dumi. ((Multa €160.00)
8.)  Ipinagbabawal ang paglalaro ng maingay katulad ng habulan sa mga pampublikong
       lugar.  (Multa €160.00)
9.)  Ipinagbabawal ang mga mapanganib na laro o masangkot sa pagsusugal o sa pag-inom
       ng mga nakakalangong mga alak o kumain ng tipong "picnic style" sa mga pampublikong
       lugar. (Multa €160.00)
 
Umaasa ang ating Honorary Consul Dr. Fabio Fanfani na makikiisa ating mga kababayang Pilipino na kasalukuyang naninirahan sa Firenze sa pagpapatupad ng pagkakaroon ng malinis at payapang kapaligiran sa kanyang nasasakupan.  Inaasahan din na ang lahat ng mamamayang Pilipino sa Firenze ay makikipagtulungan sa pagpapalaganap o sa pagbibigay ng mga bagong impormasyong ito hindi lamang sa mga kapwa Pilipino maging sa iba pang mamamayang naninirahan dito. (ni: Rogel Esguerra Cabigting)
 
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Dinukutan ng wallet sa loob ng bus, isang Pinay hinimatay

PAALALA UKOL SA OVERSEAS VOTING 2013 SA MILAN