Taon-taon, ating ipinagdiriwang tuwing Marso, ang Araw ng Kababaihan. Ating pinararangalan ang ating mga kabaro na naging huwaran sa kani-kanilang larangan, maging sa taglay nilang mga katangian, kasanayan at kakayahan. May iba’t ibang programa rin at mga aktibidad ang idinaraos bilang selebrasyon sa araw ng Marso 8 at ginaganap na rin sa kabuuan ng buwan.
Dito sa Bologna, sa halip na mamili kami ng kababaihang pararangalan, aming napagtuunan ang mga batang gumagawa ng pagkakakilanlan sa kanila sa mga larangang kanilang pinaglalaanan ng panahon at talent.

Una rito ay si SOFIA ANTONETTE SOBIDA, isang gymnast, edad 9, ipinanganak noong Nobyembre 23, 2015. Ang kanyang mga magulang ay sina RON SOBIDA na tubong Batangas at ni JESSELYN SOBIDA na mula sa Zambales. Sa murang edad niya ay nagsimula na siyang magsanay bilang isang gymnast at sa loob ng mga pagsasanay na ito ay kinakitaan na siya ng husay at determinasyong makipagkumpetisyon kung kaya’t lagi nang nagiging kalahok sa mga regional at national gymnastics competition at lagi naman siyang nakakakuha ng puwesto sa pagtatapos ng laban. Ilan sa kanyang mga laban na naipanalo ay yaong ginanap na national competition sa Verona kung saan siya ang naging national champion, at nitong Pebrero 2025 ay ikalawang puwesto naman. Nanalo din ang kanilang grupo ng mga gymnast sa mga sinasalihang laban. Sa ngayon ay intensibo ang mga pagsasanay ni SOFIA bilang paghahanda sa mga susunod pang kumpetisyon.

Ikalawa ay si MA. ANASTACIA RUCREO o mas kilala sa palayaw na BIBAY, edad 8, na ipinanganak noong ika-28 ng Setyembre, 2016. Ang kanyang mga magulang ay sina EDWIN RUCREO at VERONICA MORAGA. Noong isang taon ay itinanghal siyang LITTLE MISS BOLOGNA 2024, isang paligsahan ng mga kabataang babae na pinamahalaan ng PGBI (Philippine Guardians of Bologna, Inc.). Buhat noon ay naging aktibo na siya sa pagsali sa mga sfilata o pagrampa sa mga fashion events. Una niyang nasalihan ay ang Milan Fashion Week na isinagawa noong ika- 19 ng Setyembre, 2024, kung saan ay isa siya sa mga kabataan na nagmodelo ng mga damit na gawa ng kilalang designers. Kasunod nito ay ang Paris Fashion Week na ginanap noong ika- 28 ng Setyembre, 2024, at nakasama niya ang mga kilalang modelo. Sa taong ito ay nakasali siyang muli sa Milan Fashion Week nitong ika-24 ng Pebrero at ang ginanap din sa Germany nitong buwan ng Marso. Tunay ngang magtutuluy-tuloy na ang karerang ito ng batam-batang modelo.

Ikatlo ay si LISSANDRA NARON, na magiliw na tinatawag na Lissy, edad 7, at ipinanganak noong ika- 2 ng Oktubre, 2017. Ang kanyang mga magulang ay sina MARK NARON at LILLIBETH BUIZA NARON. Katulad ni Bibay ay lumahok din siya sa Little Miss Bologna 2024 at tinanghal na 2nd runner up at nakatanggap din ng special award na Miss Friendship. May isang ahensiya na nangangasiwa ng kanyang modelling career ngayon at bunga nito ay ang pagkasali niya sa isang magazine pictorial kung saan ay siya lamang ang Pilipino. Naging maayos ang pictorial dahil sa husay ng kanyang projection at natural na pag-arte sa harap ng kamera. Ikinagulat ng kanyang mga magulang nang siya ang mapiling cover girl ng naturang magazine , ang STYLE PICCOLO, na konektado sa Corriere della Sera. Tunay ngang bihira ang pagkakataong ganito na isang batang Pinay ang nagiging cover girl. Sa ngayon ay patuloy siya sa mga pagsasanay sa mga kurso ng pagsasayaw, pag-arte at pag-awit dahil nais niya na maging isang total performer balang araw. Tuwing Linggo naman ay lagi siyang nagpapamalas ng husay sa pagsasayaw sa kanilang Catholic Church service at kadalasan ay kasama sa pagsasayaw ang kanyang ama. May mga iba pang alok sa kanya sa pagmomodelo, pero mas nais muna niyang makatutok sa pag-aaral at sa panahon ng bakasyon ay uubra naman na gawin niya ang pagpapatuloy sa pagmomodelo.

Ikaapat ay si DANIELA MARIA APELADO, na isa ring awardee noong Little Miss Bologna 2024, Siya naman ang naging Ist runner up noon. Anak siya nila RAYMOND APELADO AT DANIELLE ANNE RAMOS. Ipinanganak si Daniela noong ika-16 ng Marso, 2018. Sumubok uli siyang sumali sa isang paligsahan, ang BABY FASHION WEEK, na ginanap sa Hilton Garden Inn Milan North at nakuha niya ang titulong BABY TOP MODEL 2025. Naungusan niya ang 85 kandidata. Siya na rin ang ilalaban sa paligsahan para sa Nazionale Italia.
Tunay ngang pumapaimbulog na sa iba’t ibang larangan ang ating mga batang Pinay. Pagpapatunay na hindi hadlang ang nasyonalidad, ang kulay, at ang edad, upang maagang nakakamit ang mga tagumpay.
Marapat lamang ay ang tamang gabay ng mga magulang at ang malinaw na kolaborasyon sa mga lehitimong ahensiya at mga indibidwal na nag-aalok ng mga patimpalak, modelling stints, commercial contracts at magazine pictorials. Mag-ingat sa mga may motibong child abuse at exploitation dahil alam nating laganap ito at maaaring mabiktima ang ating mga kabataan. Huwag ding gamitin ang social media sa puntong ilalantad na ang mga bata sa mga gawi at kasuotang hindi nababagay sa kanilang murang idad. At huwag din sanang kalimutan ng mga magulang na pinakamahalaga pa rin ang pagpapatuloy ng pag-aaral ng mga bata, ang pagbabantay sa kalusugan nila at ang paglalaan pa rin ng sariling oras nila para sa libangan at pakikisalamuha sa kanilang mga ka-edad. Tayong mga magulang ang dapat na nagbibigay ng proteksyon sa ating mga anak.
Mabuhay ang mga Batang Pinay !!!!
(ni: Dittz Centeno-De Jesus)