in

Mga Bituing Nagniningning, mga Kababaihan at Sining 

Nitong ika-2 hanggang ika-walo ng Setyembre, 2022, ay nagkaroon ng Art Exhibit sa Ikonica Gallery sa Milan, sa pamamagitan ng pamamahala ng Philippine Consulate General of Milan. Ang proyektong ito ay pinangunahan ni CONSUL GENERAL BERNADETTE THERESE FERNANDEZ, kasama sina Consul NORMAN PADALHIN at Consul KRISTINE LAGUROS at ang mga opisyales at staff ng Konsulado. Ang eksibisyon ay may titulong TATLONG BABAE, TATLONG BITUIN. Ayon kay Consul General Fernandez, ito ay bahagi rin ng selebrasyon ng ika-75 taon ng Pagkatatag ng Diplomatikong Relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Italya.

Itinampok ang tatlong Pilipinang pintor na nagbahagi ng kani-kanilang obra gamit ang olio, akriliko at watercolor.  Una ay si MERCEDITA CENTENO-DE JESUS o MADITTZ sa larangan ng arte, 58 taong gulang at tubong Bulacan. Nagtapos ng Arkitektura at ngayon ay naninirahan at nagtatrabaho na sa Bologna.  Kabilang sa mga obrang ipnakita niya ay mga Filipina women portraits at mga bulaklak. Sabi nga niya ay nais niyang ipalaganap ang women empowerment sa pamamagitan ng sining at maging halimbawa na rin sa iba na magpatuloy sa pagpapaunlad sa sarili sa pamamagitan ng mga pagsasanay pa sa kung ano ang nais at kaya pang gawin.  Ilan sa kanyang mga obra ay nagkamit na rin ng mga pagkilala sa mga nasalihang kompetisyon. Sa ngayon ay kanyang pinaghahandaan ang obrang isasali sa Florence Biennale 2023.

Ang ikalawa ay si ANN NADINE SILVA VAN MIERLO, 36 taong gulang, ipinanganak sa Maynila nguni’t lumaki na sa Padova. Nagtapos siya ng Bachelor of Arts Major in Consular and Diplomatic Affairs. Dati siyang isang potograpo na bihasa sa pagkuha ng mga litrato partikular sa wedding at birthday coverage. Ninais niya na balikan ang natutuhan noong siya’y bata pa, ang pagpipinta, at kanyang ipinagpatuloy nitong nagkaroon ng pandemya at kinailangang manatili sa tahanan kapiling ang asawa at mga anak. Ang kanyang mga obra ay may floral theme na nakakapagpakalma sa mga tumitingin dito dahil sa malamig na mga kulay na kanyang gamit. Siya ay kasalukuyang nagtatrabaho bilang project controller at illustrator. Ang kanyang mga obra ay naipagbibili na at naipapadala sa iba pang parte ng Europa.

Ang ikatlo at ang pinakabata ay si MARY KATHLEEN MAGPANTAY, 26 anyos at sa Milan siya ipinanganak at lumaki. Nagtapos siya ng B.S. Architectural Design and MSc Architecture and Urban Design sa Politecnico di Milano. Siya din ay isa sa napiling Outstanding Filipino Youth ng Sambayanang Pilipino ng San Tomaso, isang Catholic Filipino Community ng Archdiocese ng Milan. Ang kanyang mga obra ay nagpapakita rin ng mga kababaihang Pilipina at itinataguyod niya ang pagkilala sa kulay at sa kakayahan nito bilang isang personahe. Ipinakikita din niya ang kultura at tradisyon ng mga Pilipino. Mahusay din siya sa digital art at sa pagpipinta naman ay gamit niya ang akriliko. Sa ngayon siya ay nagtatrabaho bilang isang architecture intern, part-timer at freelance artist.

Bukod sa mga naimbitang mga miyembro ng Filipino Community noong araw ng vernissage o pagbubukas ng eksibit noong ika-2 ng Setyembre, dumalo din ang ilang mga opisyal ng Comune ng Milano at mga representante ng mga Konsulado. Pinangunahan ito ng Bise-Alkalde ng Milano na si ANNA SCAVUZZO at ang konsehala na si ALESSANDRA DIANA DI MARCHI. Ang iba pang nagsidalo ay sina Consul General YUJI AMAMIYA ng Japan at ang kanyang asawa, Consul General KANG HYUNG-SHIK ng Korea AT Gng. Kim Ji Youn, Consul GORDANA BILJETINA ng Croatia, Acting Consul General HICHEM SLOUGUI ng Algeria at Commercial Advisor DANIEL PASCHEK ng Hungary. Naroon din si DR. PASQUALINO BERARDINELLI at ang kanyang maybahay. 

Sa ikalawang araw naman ng pagtatanghal ay nagkaroon ng Interactive Painting ang tatlong pintor, at binigyan nila ng interpretasyon ang titulo ng eksibit sa pamamagitan ng pagpipinta sa tatlong canvas na pag-iisahin na sa presentasyon. Ito ay kanilang ihahandog na sa Konsulato ng Milan bilang isang souvenir painting.

Ang proyektong ito ng Konsulato ng Milan ay isang pamamaraan na maipagpatuloy ang layunin na maipakilala ang mga Pilipino hindi lamang bilang mga mahuhusay at mapagkakatiwalaang  migranteng manggagawa kundi mga bida rin sa larangan ng sining. Ito rin ang pruweba ng magandang kolaborasyon ng gobyernong Italya at ng Pilipinas. (isinulat ni: Dittz Centeno-De Jesus – Mga kuha: Gyndee’s Photos)

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

WHO: Pagtatapos ng Pandemya, nalalapit na 

The Singing Priests of Iligan, Konsyerto para sa Adbokasiya