‘Kontra Daya’ ang protesta ng mga Pilipino sa Tuscany dahil sa mga ‘nawawalang balota’.
Florence, Mayo 3, 2016 – Pinangunahan ng OFW Watch Tuscany at Migrante Internation Firenze Chapter ang protesta ‘Kontra Daya’. Hinamon at pinagpapaliwanag ang COMELEC sa ilang mga puntos; 1) dahilan kung bakit hindi pa rin nakakarating ang mga balota ng mga botante samantalang ang ilan ay nakatanggap na, gayong 3 linggo na ang nakalilipas ng ipinadala ang mga ito; 2) bakit mga deputized personel ang namuno para kolektahin ang mga balota sa pick-up point nitong nakaraang Sabado at Linggo Abril 30 at Mayo Uno sa ginanap na outreach program ng Rome PE.
Sumama din sa protesta ang Cabalen Firenze, Filcom Empoli, UNIFIL Empoli, Timpuyog of Florence, Saranay, UKP-Litrato Klab, Migrante-Firenze, Mabinians, FBI at TAMPCI, Batangas Group –PISA, mga kaibigang Guardians at grupong maka-DU30.
Ipinanawagan ng mga samahan ang dalhin ang VCM o Vote Counting Machine at maglunsad ng Field Voting sa mga syudad na may malaking konsentrasyon ng OFW.
“Lumalabas na lahatang ipinadala ng COMELEC ang mga balota sa Roma na hindi selyado”, ayon sa mga samahan.
Ayon sa mga nag-protesta, mga boluntaryo at ilang personel umano ng PE Rome ang nagkabit mismo ng mga etiketa o adres at stamp para ihulog sa Post Office. Hindi rin umano masinop na pinagsama ng mga ito ang mga tamang adres at listahan ng mga pangalan ng mga rehistradong botante.
Nagdulot ng pagkalito sa mga botante ang dalawang magkasunod na resolusyon ng COMELEC. Una binibigyan ng takdang araw o taning hanggang Abril 22 ang mga botante na nagnanais makuha ang balota sa pamamagitan ng koreo. Samantala, Abril 8, ang COMELEC sa Resolution # 10087 ay nag-uutos naman na ipadala ng lahatan ang mga balota sa mga botante sa pamamagitan din ng koreo.
“Walang konsultasyon na naganap kaugnay ng resolusyon na ito”, dagdag pa ng mga nag-protesta.
Sa Florence, may 4 na kaso na ang balota ay nakarating sa asawang lalaki subalit hindi naman natanggap ang sa babae. Samanta, sina Ramil Hipolito, Agliberto Aquino, Argie Gabay, Oscar Lopez, Mario Nario at marami pang iba ay nanganganib rin na di makaboto. Isang libo limang daan mahigit ang rehistradong botante subalit 161 lamang ang nagbalik ng kanilang balota. 17 dito ay yaong walang mga numero ang tinitirahan.
Samantala, sa Empoli, nakatanggap ng balota si Rafael Macalindong gayong hindi naman siya nagparehistro. Sa Livorno, isang pamilya ang haggang sa ngayon ay wala pa ring natatanggap na balota – pamilya ni Nestor Armas. Samantalang si Joselito Fernando na di nagparehistro ay nakatanggap naman ng balota. Sa Torino, nakatanggap si Riela Fatima Arce Ponce ng balota kahit siya’y 4 na taon ng patay, iba pa ang kaso ni Dolores Soriano Evano na 2 taon ng Italian Citizen ay nabigyan pa rin ng balota.
Dahil sa mga nabanggit, ay nananawagan ang OFW Watch Tuscany at Migrante Firenze na dalhin ang Vote Counting Machine sa Florence, maglunsad ng Field Voting at ilitaw ang mga nawawalang balota.
“Ballots Delayed, Suffrage Denied”, ito ang sigaw ni Nelson Rabang President eng OFW Watch Tuscany.
Kaugnay nito, marami rin report ng mga disenfranchised voter. Una na sa ginanap na outreach sa Cagliari kung saan nagkaroon ng hand-deliver electoral packets ng mga registered voters. Sampu (10) ang wala sa listahan ng Comelec kahit pa nakaboto nitong nakaraang Presidential Election at ang iba naman ay nagparehistro mismo sa COMELEC. Sa mahigit 500 botante, 81 lamang ang nakaboto. Resulta ng nawawalang balota at biglaang pagbabago ng iskedyul na natapat pa sa araw ng trabaho.
Sa 61 libong botante sa buong Italya, hanggang sa ngayon wala 20% nito ang nakakaboto. Sadyang napakababa nito kung ikukumpara sa malaking bilang ng mga rehistrado.
ni: Ibarra Banaag