Muling nagpakitang-gilas ang VIP dance group na unang naimbitahan sa opening ceremony ng Milan Expo 2015 noong May 1,2015.
Milan, Setyembre 11, 2015 – Isang karangalan para sa bansang Pilipinas, sa pamamagitan ng mga kabataan Pilipino sa Milan, na maimbitahan ng mga organisers ng Bolivarian Republic of Venezuela na makilahok sa pagdiriwang ng kanilang National day sa Milan Expo 2015.
Ang VIP dancers sa pamamagitan ng kanilang dance instructor na si Xp Evnagelio Dimaano ay nag-perform ng ilan mga Philippine Cultural dances tulad ng pandango sa ilaw, cariniosa, bulaklakan at pista sa nayon.
Bagamat hindi lumahok ang Pilipinas sa kasalukuang world exposition ay kinikilala pa rin ang Pilipinas sa kanilang magagandang kultura kung kaya’t ayon kay Dimaano sa pamamagitan ng pagtuturo niya sa kanyang mga estudyante ng mga makabagong sayaw ay hindi pa rin niya nakakalimutan ang mga cultural dances natin upang maipamulat sa mga kabataan na ipinanaganak sa ibayong dagat na matutunan ang kulturang pinoy.
“Hindi sa ipinagmamalaki ko lamang ang grupo namin pero ito ay para rin sa ating bansang Pilipinas”, wika ng dance instructor.
Bago pa man nagsimula ang street dancing sa loob ng Expo site ay nagkaroon ng isang maikling programa sa Media Center ng Expo.
Naging panauhing pandangal si Deputy Minister for Europe of the Venezuelan Foreign Ministry, Alejandro Fleming na sinalubong ng mga kinatawan ng Expo 2015 committee sa pamamagitan ni General Commissioner ng Expo Milano 2015, Bruno Antonio Pasquino.
Mayroong higit 300 mananayaw mula sa iba’t ibang bansa maliban sa Pilipinas at Venezuela. Ang bansang Peru, Ukraine, Brazil, Uruguay, Paraguay, Mexico at iba pang bansa ang lumahok sa street dancing.
At pagkatapos nito, ang Es-Guasa choir ng Venezuela ay umawit ng ilan sa kanilang traditional songs. Sa huling bahagi ng programa ay sumayaw naman ng mga Philippine cultural dances tampok ang mga VIP kids na hinangaan ng mga manonood.
“I admire the Philippines for its cultural dances, and I was surprise that with the kids who performed are wonderful and they dance very gracefully”, wika ng isang Venezuelan na ayaw ipabanggit ang kanyang pagkakakilanlan.
Maging ang mga magulang ng mga kabataan na nagperform ay proud na proud sa kanilang pagiging Pilipino.
“Natutuwa ako dahil kabilang na naman ang bansang Pilipinas sa isang event tulad nito kahit hindi kasali ang Pilipinas sa Expo”, wika ni Ms. Glena, ina ng isang performer ng VIP dance group.
Matatandaan na ang VIP dance group ang inimbitahan ng mga organizers ng Milan Expo 2015 sa kanilang pagbubukas noong May 1,2015, sa pamamagitan ng kanilang dance instructor.
At ayon sa mga organizers ng Expo 2015, sila rin ang iimbitahin muli sa iba pang events sa loob ng Expo bago tuluyan itong magtapos sa October 31, 2015.
ni Chet de Castro Valencia
larawan ni Jesica Bautista