Inilahad ang mga proyektong makakatulong sa pamumuhay, tutugon sa mga suliranin at inaasahang magpapadali sa integrasyon ng mga Pilipino sa North Italy sa isang pagtitipong ginanap sa Turin.
Turin – Pinangunahan ng Centro Studi di Torino sa pakikipagtulungan ng Philippine Consulate General-Milan at Studio Legale Ambrosio & Commodo ang isang pagtitipon kung saan inilahad ang mga proyektong makakatulong sa pamumuhay, tututgon sa mga suliranin at inaasahang magpapadali sa integrasyon ng mga Pilipino sa North Italy.
Ang mga piling panauhin tulad nina Hon. Antonio Boccuzzi ng Chamber of Deputies; Dott.ssa Sofia Fattorini, ang Direktor ng Banca Monte dei Pasci di Siena – Ag. 2 Torino; Dott. Elias El Hadda, may-ari ng Dental Clinic; Dott. Federico Moscatelli, Direktor ng Generali Assicurazioni; Paolo De Marchi, dating direktor ng Agenzia Inps; Dott.ssa Lorenza Patruno buhat sa Carrozzeria Alma 2000 at Dott. Riccardo Perinetto, Accountant buhat sa Studio Lorenzo Perinetto; ay nangangako na ang kani-kanilang mga tanggapan ay handang magbigay ng esklusibong serbisyo na aangkop sa pangangailangan ng filipino community. Partikular, ang pagbibigay ng garantisado at mapagkakatiwalaang serbisyo, pagbibigay ng higit na atensyon, mas maigsing panahon at diskwento kung kinakailangan.
Samantala, binigyang-diin naman ni Paolo De Marchi buhat sa Inps, ang kawalan ng kasunduan ng mga bansang Pilipinas at Italya ukol sa social secutiry. Pakikipagtulungan at pagsusulong naman sa politika ng kasunduan ang pangako ni Hon. Antonio Bocuzzi.
“Mga kababayan layunin po ng mga ekspertong kapiling natin ngayon ang kaganapan ng proyektong makakatugon sa ilang hinaing ng mga Pilipino tulad ng language barrier at kawalan ng panahon para sa dental services, pangangailangan sa banking services tulad ng current account, loans at ibapa, paggawa ng income tax return at pagpapagawa ng sasakyan. Akin pong personal na binibisita, kasama ang mga opisyales ng Konsulado, ang kanilang mga tanggapan upang masubukan na rin ang kanilang mga ipinapangakong serbisyo”, ayon kay Consul General Marichu Mauro.
“Sa akin pong maigsing karanasan at sa pagganap ng tungkilin bilang abugado sa Studio Legale Ambrosio & Commodo ay akin pong nilapitan ang mga ekspertong ating kapiling at wala kahit kanino sa kanilan ang nag-alinlangan. Dito po nagsimula, kasama si Avvocato Renato Ambrosio, ang layuning lumikha ng isang proyektong magiging gabay ng mga Pilipino sa North Italy”, ayon kay Avvocato Paul Francis Sombilla.
Ito ay kinumpirma naman ni Avv. Ambrosio “Ang pagtitipong ito ay upang ilahad sa inyo ang aming layunin at ang pagpapalawig nito ay nasa tulong rin mismo ng inyong komunidad”
Isang mainit ngunit malalim at mayamang talakayan ang nagsara sa pagtitipon.
PGA