“Kung hindi mo magawang pakainin ang isang daan, bigyan mo at pakainin ang kahit isa lang” – Madre Teresa
Hindi mababayaran ang saya at ngiti ng mga bata sa “Gabay ng Landas Foundation” (GaLa), ang silungan ng mga batang lansangan, mga inabandona, mga ulila, mga naligaw ng landas at nakulong at iba pang wala ng mauuwiang tahanan.
Nagsagawa ang Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa – Italy Europe o RAM-IE ng feeding program at naghandog ng 2 kabang bigas at mga sabon, toothbrush, toothpaste, polbos at iba pang mga gamit ng mga bata noong nakaraang Pebrero 22, 2018 sa bayan ng Angono, Rizal.
May tatlong batang maliliit na wala pang tatlong gulang, ang iba naman ay mga nag-aaral na sa elementarya at ang iba’y sa high school na, ang mga kinupkop ng GaLa. May napagtapos na din sila ng pag-aaral at magsisimula na din ng trabaho. Nakakatuwang pagmasdan na nakabuo sila ng isang malaking pamilya sa pamamahala nina Lynlyn Bernales, Jayrald Cantor at mga tauhaan ng GaLa.
Nagpamalas ng mga angking talino ang mga bata at naghandog ng kanta at sayaw. Salu-salung naghapunan at tinuruan nila ng sayaw ang mga bisita. Walang tigil ang katuwaan lalo na ng tumugtog at nagsayawan ang lahat ng “Baby SharK”.
Nagpapasalamat ang RAM kina Carmela Villamayor, Pinky Fuentes, Susan Blancaflor, Elaine Juban, Bonnie Tudela, Gina Perez at Dinky Bernardo sa ginawang suporta para sa matagumpay na proyektong ito.
Nagpahabol din ng mga noodles at candies sina Tolits Cecilia, Baby del Rosario at Ellen Perez Gacutan na ibinigay sa Foundation.
Nag-alay ng mga liham ng pasasalamat ang mga bata para sa RAM-IE. Mababakas ang kanilang taos pusong pasasalamat at kaligayahang natamo sa kanilang mga sulat:
“Salamat po sa mga blessings at pagpapasaya nyo po sa amin salamat po at lagi po naming kayo ipag prapray. We love you” Jane
“Thankful po kami kasi nakilala naming kayo. Salamat din po sa time, effort at blessing na nilaan po sa amin para po pasayahin po kami. God bless po and we love you” Geraldine
“Maraming salamat po dahil nakilala naming kayo… salamat po sa kabutihan nyo po sa amin. Pagpalain po nawa kayo ni God.” Carlo
Ito ang unang proyekto ng RAM-IE sa taong 2018 at pangako ni Pres. Baby Figueroa na maraming mga susunod pa.
Ang Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa o RAM ay grupong itinatag ni Gen. Danilo Lim sa Pilipinas at dinala sa Italya ni Nazareth Larido. Ang kasalukuyang Presidente naman ay si Baby Figueroa.
ni: Teddy Perez