in

Mga kabataang Italo-Pinoys, namamayagpag!

Hindi lamang kagandahang panlabas ang matinding panlaban ng mga kabataang Italo-Pinoys kundi higit ang baong kagandahang asal na namana pa nila sa kanilang magulang, ang likas na katangian ng mga Pilipino.

 

Roma – Patuloy na namamayagpag ang mga kabataang Pinoy sa Italya sa paligsahan ng pagandahan at patikasan hindi lamang sa Italya bagkus pati sa Pilipinas at sa buong mundo! Patunay lamang na ang lahing Pinoy ay matinding kalaban sa mga International Beauty contests sa kasalukuyang panahon. 

Ito ang binigyang-pansin at pinahalagahan ng event planner at organizer ng Beauty contest sa Italya na si Chase Dasalla, tubong Tarlac at 20 taon ng residente sa Roma.

Dahil hindi lamang ganda ang kinukunsidira sa pagpili ng kokoronahan ngayon kundi maging ang pagdadala sa sarili, magandang aura, good moral at tapat na pagganap sa tungkulin, ninais ni Chase na mula sa sinumulang male pageant noong 2014, ang Mr. Bachelor, ay dalhin ang mga title holders maging sa labas ng Italya. 

Sa katunayan, taong 2015 ng unang nagkaroon ng international exposure si Mr. Bachelor Kevin Fichera at ang hindi pahuhuli sa female pageant si Ms. Bachelorette 2015 Maybel Perilla. Matagumpay itong sinundan ngayong 2016, sa pamamagitan nina Mr. Bachelor Andrea Biondo at 1st runner-up Mark Joshua Marquez.

Kinoronahan ngayong taon si Maybel Perilla, bilang Ms. Golden Universe 2016 sa ginanap na Beauty contest sa Manaus, Brazil. Tinalo ni Maybel ang mga kandidata na nagmula pa sa iba’t ibang panig ng mundo tulad ng South America, Perù, Venezuela at iba pa. Baon ang lakas ng loob, tiwala sa sarili at kulturang Pinoy, muling iniangat ni Maybel ang bandila ng Pilipinas. Sa edad na 20 anyos at kasalukuyang kumukuha ng kursong Bachelor’s degree in Economics sa Roma, kaliwa’t kanang parangal na ang nakakamit ni Maybel sa iba’t ibang paligsahang sinalihan gaya ng Binibining Pilipinas Italy 2013, Face of the year 2015 kung saan nakamit niya ang First Runner up at ipinanalo ang Ms. Bachelorette 2015 na nagdala sa kanya sa Brazil upang kumatawan sa Pilipinas sa Ms. Golden Universe kung saan nagreyna ang dalaga. Nakatakdang lumipad muli si Maybel dala ang titolong Ms. Golden Universe sa Ecuador bilang female judge ng gaganaping Mr. Ecuador 2016

Kinilala namang Gentlemen of the Philippines 2016 Universal Ambassador ang Italo-Pinoy na si Andrea Biondo, 23 anyos tubong Sicily. Ang patimpalak ay ginawa nitong nakaraang buwan sa Pilipinas kung saan nakalaban ang 30 mga magigiting na kalalakihan hindi lamang nagbuhat sa Pilipinas bagkus pati na rin sa ibang bansa tulad ng Germany, Australia at UK.

Dahil sa nakamit na parangal ay kakatawan sa Pilipinas si Andrea sa gaganaping Mister Universal Ambassador 2016 sa Bali at Surabaya Indonesia. Kasalukuyang nasa Pilipinas si Andrea para sa matinding pagsasanay dahil hindi umano basta basta ang mga makakalaban na animnapung (60) contestants mula sa ibat ibang panig ng mundo kabilang ang representative ng Italya kung saan siya lumaki. Aniya,isang malaking karangalan para sa kanya ang maging kinatawan ng Pilipinas dahil bagamat 50% ang dugong Italyano na nananalaytay sa kanya, pakiramdam niya ay 100% siyang Pilipino.

Pumangalawa kay Andrea sa Gentlemen of the Philippines ang 17 taong gulang na si Mark Joshua Marquez at ito rin ang hinirang na lalaban sa Mister Teen International, na gaganapin sa Hulyo 2017 sa bansang Indonesia. Isa si Joshua sa mga pinakabatang sumali sa Gentlemen of the Philippines. Hinihikayat niya ang mga kabataang nais sumali pero walang lakas ng loob na huwag iisiping hindi nila kaya at magkaroon lamang ng positibong pananaw sa lahat ng bagay. 

Gaya ng temang ‘more than good looks‘ ng paligsahang sasalihan nina Andrea at Joshua, naniniwala ang mga kabataang Pinoy na ito na hindi lamang kagandahang panlabas ang matinding panlaban nila sa iba pang mga kandidato kundi higit ang baong kagandahang asal na namana pa nila sa kanilang magulang, mga likas na katangian ng mga Pilipino. 

 

ni: Joanne Balaba 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

1M euros sa pagtuturo ng italian language sa mga foreign students

Ligaw na ala-ala, pira-pirasong kwento