Bagaman bahagyang tumaas ay nananatiling mababa ang bilang ng mga nagpapatalang mag-aaral na Pilipino sa Unibersidad. Samantala, 49 na Pinoy naman ang nagtapos noong school year 2015-2016. Ang ulat ng Ministry of Labor and Social Welfare.
Roma – Nananatiling mababa ang bilang ng mga mag-aaral na Pilipino na nagpatala sa unibersidad sa school year 2015-2016. Ito ay ayon sa inilathalang katangian ng mga menor de edad ng 15 pangunahing komunidad sa Italya, kabilang ang mga Pilipino, na matatagpuan sa website ng Integrazione Migrante ng Ministry of Labor and Social Affairs.
Ito umano ay sa kabila ng bahagyang pagdami ng mga mag-aaral na Pilipino sa school year 2015-2016 na nakatala sa unibersidad. Sa katunayan ay mayroong 543 sa nabanggit na school year kumpara sa 533 na naitala noong naunang taon. Ito ay kumakatawan sa 1% lamang ng mga nakatalang mag-aaral sa unibersidad ng mga non-Europeans. Ang bilang na nabanggit, sa katunayan, ay tumaas ng 41% sa huling 4 na taon, mula 385 sa 543 mag-aaral.
Bukod dito, sa parehong school year ay 49 na Pilipinong mag-aaral ang naitalang nagtapos ng 2-year o 3-year degree sa unibersidad sa Italya. Ito ay nananatiling napakababang bilang at sumasaklaw lamang sa 0.6% ng mga non-EU graduates.
Gayunpaman, ang kabuuang bilang ng mga menor de edad na Pilipino sa bansa hanggang Enero 1, 2016 ay sumasaklaw sa 36.418 o ang 3.8% ng kabuuang bilang ng mga non-European minors. At sa unang pagkakataon ay nagtala ng bahagyang pagbaba ng 301. Sa katunayan, noong nakaraang taon ay may bilang na 36,719. Ang pagbabang nabanggit ay kaugnay din sa pagbaba sa bilang ng mga ipinanganak sa pagitan ng taong 2013 at 2014
Sa kabila nito ay maituturing na mataas pa rin ang bilang ng mga mag-aaral na Pilipino sa bansa. Sa katunayan ay naitala ang pagdami ng mga filipino nationals sa school year 2015 -2016 na umabot sa 26,533 (noong nakaraang taon ay 26.132) at kumakatawan sa 4.3% ng kabuuang bilang ng mga non-Europeans.
Ang malaking bahagi o ang 8,712 o 32.8% ay nasa elementary. Samantala 27,7 % ay pumapasok sa middle school at 24% naman ang pumapasok sa High School at 15.6% naman ang nasa nursery school.
Tumaas din ang bilang ng mga kabataang Pilipino mula 15 hanggang 29 anyos na hindi nag-aaral at hindi nagta-trabaho na kabilang sa tinatawag na NEET (Not in Education, Employment or Training), sa 6.511 o 2,5% ng mga non-European communities. Noong nakaraang taon ay naitala ang bilang na 5934 katumbas ng 2.3% ng non-Europeans.
PGA
Source: www.integrazionemigranti.it