“Ang event na ito ay upang ipakita namin na ang zumba ay nauugnay sa ating mga Pilipino, sa ibat-ibang lugar ng Italia”.
Milan, Hunyo 13, 2017 – Umabot sa mahigit 300 daang mga Pinay mommies sa Milan at ilang probinsiya at siyudad sa hilagang bahagi ng Italya ang nagpakitang gilas sa kauna-unahang Zumba Pinoy Battle na ginanap sa Bologna, Italy na inorganisa nina Hanjo Ilarde at Marife Paet.
“Ang event na ito ay upang ipakita namin na ang zumba ay nauugnay sa ating mga Pilipino, sa ibat-ibang lugar ng Italia”, paliwang ni Marife.
Labingisang grupo ang lumahok sa nasabing paligsahan at ito ay kauna-unahang zumba battle sa kasaysayan ng mga OFWs dito sa Italy.
Nahati ito sa tatlong kategorya na kinabibilangan ng ballroom, zumba at difficile, ang mabilis ang pagkilos sa pagsayaw.
Puno ang lugar sa pinagdausan ng kumpetisyon.
Overall champion ang Ryan Zumba ng Milan at sila ang may pinakamalaking grupo na lumahok sa nasabing kumpetisyon.
Sinundan naman ng JM Zumba ng Milan.
May ilang grupo din ang hindi itinuloy ang kanilang entry dahil nagkulang sa panahon para sa kanilang pagsasanay.
Nabigyan ng walong minuto ang bawat grupo para sa kani-kanilang performance at bukod tanging ang Ryan Zumba ng Milan ang nakapag-perform ng 8 music mixes upang makabuo ang isang dance piece.
Todo bigay ang power ng mga mommies na animoy wala silang kapaguran. ‘Win or lose’ anila, basta maipakita nila ang kanilang galing sa pagsayaw ng zumba, ballroom at difficile.
Subalit napahanga ng grupong “Ryan Zumba” ang mga manonood maging ang mga grupong kalahok sa battle at ang mga hurado – na pawang mga ibang lahi – sa kaiibang zumba dance steps at creativity na itinuro ni Garcia sa walang kapagurang mga mommies.
“Sampu ng mga miyembro ng Ryan zumba kami po ay nagpapasalamat sa Lord, sa mga organizers, at sa mga sumuporta sa grupo namin, lalo na sa mga mahal kong members na mga mommies ay nakuha namin ang very 1st trophy sa kauna-unahang zumba battle sa Italy”, pagmamalaki ni Ryan.
Masaya, matagumpay at mapayapa ang kumpetisyon sa magdamag, kapiling ang mga miyembro ng INTERPOL Commission (NGO) sa pamumuno ni ex-PNP Col. Jose Avenido na nagsilbing mga marshalls sa kabuuan ng kumpetisyon sa paanyaya ng Pinoy Zumba Battle competition organizers.
Taon 2011, ang zumba dance ay pinagkakaabalahan na ng mga mommies sa Milan.
Kung kaya’t nagbuo ng grupo ang ilan sa mga kilalang dance instructors sa Milan tulad nina JM Rivera, Ryan Garcia at iba pa.
Hanggang sa hindi naglaon ay naiimbita na sila sa mga events ng filcom para magperform at ipakita ang kanilang galing sa pagsayaw ng zumba.
Ayon pa kay Melith Muercos, miyembro ng “Ryan Zumba”, isang beses kada linggo sila nageensayo.
Hindi rin nagtagal ay kumalat na ang iba’t ibang zumba groups mula sa hilaga at katimugang bahagi ng Italy.
“Kahit limang araw at kasama pa ang sabado na mabigat ang trabaho namin ay nakukuha pa namin mag zumba tuwing weekends, bukod sa ma-maintain ang aming kalusugan ay nakakaalis pa ito ng stress”, masayang tugon ni Melith.
Ang Milan ay magiging host city sa ikalawang edisyon ng Pinoy Zumba Battle at mas lalawakan pa ang imbitasyon sa mga iba’t ibang zumba groups sa bansang Italy.
At sa darating na panahon ay makikilahok din sila sa mga International Zumba Competitions dito sa Italy.
ni Chet de Castro Valencia