Dumagundong sa buong Italya ang panawagan na ibasura ang Republic Act 11223 at kanselahin ang Circular 2020 0014.
Sa panawagan ng Pambansang Konseho ng Ofw Watch Italy, tumugon ang mga kasaping Pederasyon, Tsapter, Samahan at mga kaalyadong organisasyon na magsagawa ng isang pambansang pagkilos laban sa Universal Health Care Law o UHCL.
Mula Turin, Milan, Modena, Bologna,Treviso, Bassano de Grappa, Venice, Padova, Genova, Forli, Florence, Pisa, Livorno, Pistoia, Roma, Cosensa, Reggio Calabria, Ancona, Abruzzo, Cagliari, Napoli, Salerno, Messina, Catania at Palermo – umalingawngaw ang panawagan,”Public Health, NOT Private Health Insurance”! “Hindi kami gatasang BAKA”!, “ Susugan ang batas, hindi suspensyon”!
Sa kaunaunahang pagkakataon, nagpakita ng solidong pagkakaisa ang mga mangagawang Pilipino sa Italya. Sa Sicily, nagbahay-bahay ang mga lider, dala ang mga plakards bilang pagpapakita ng pagtutol. Sa Turin, Genova, Milan, Florence, Roma, Cosensa, Bologna, Venice, Bassano de Grappa bumuhos ang mga talumpati ng pagkadismaya sa sapilitang pagpapataw ng 3% at sapilitang pagpapasapi sa Philhealth.
Sa Milan, nanawagan si G. Ed Turingan, Tserman ng Philippine Independence Day Committee na “dapat pakingan ni Presidente Duterte ang sigaw ng mga migrante na kagyat na amyendahan ang UHC at alisin bilang direktang contributor ang mga OFW at Ofs”. Tinututulan din ng Presidente ng ACFIL Turin na si Ms Rosalie Cuballes ang nasabing batas. Ayon sa kanya, “sadyang magiging pabigat ang 3% pataw at ang mandatory membership lalo na’t sa loob ng 10 taon ay di na nagtaas ng sahod sa Italya. Bukod pa, sa panahon ng Pandemya, sumirit ang presyo ng mga bilihin at hanggang ngayon ay marami pa sa amin ang hindi nakakapagtrabaho”.
Sinabi naman ng Tagapangulo ng Filcom Genova, “walang magiging pakinabang ang mga residente at mga dual citizen na migrante sa UHCL. Talamak din ang napapabalitang korapsyon sa ahensya para kaming mga migrante ang parusahan at pagkuhanan ng pondo”. Sa Roma, nanawagan naman si Demetrio Rafanan, dating konsehal sa Roma at opisyal ng grupong Villasinians “hindi sapat ang suspension, dapat kanselahin agad ang Circular 0014 at ibasura ang RA 11223 kasama Implementing Rules and Regulation nito. Mayo pa ng ihayag ito ng Pangulo at ng Tagapagsalita ng Malakanyang na si G. Harry Roque subalit hangggang ngayon ay hinihintay pa namin ang direktiba na ipinangako”.
Sa Firenze, ipinaliwanag ng Presidente ng OFW Watch Italy na si Rhoderick Ople na ang UHCL o ang RA1123 ay “paghahanda sa pribatisasyon ng serbisyong pangkalusugan. Ipinapasa sa hanay nating mga mangagawa sa abrod ang tungkulin na pondohan ang batas para sa pribadong pakinabang”. Sa Biella, isang maliit na munisipalidad sa rehiyon ng Piemonte, sinabi ni Gng Teresita dela Cruz na, “labis kaming nag-alala ng aming mabasa ang batas na maging ang aming mga anak ay kasama ng walang nangyaring konsultasyon sa hanay ng mga kabataang lumaki at nagsisipagtrabaho na dito sa Italya”.
Sa Bologna, nagpahayag ng diskontento si Dittz de Jesus, Pangulo ng Filipino Womens League na “siguradong ang mga kababaihang migrante ang papasan ng panibagong pagpapahirap na ito. Mahigit 60% ng mga OFWs at Ofs ay kababaihan. Sa halip na ang makinabang ay ang aming mga anak sa pilipinas, aagawin pa ito sa mismong bibig ng mga mahal namin sa buhay para sustentuhan ang naglalakihan sahod at bonuses ng mga opisyal ng Philhealth”.
Sa Napoli, nanindigan ang Presidente ng Communita Filipino di Napoli e Campagna na si Gng Priscilla Vallante na, “hindi sila titigil hanggang di ganap na nababago ang batas. Halos lahat ng aming mga pamilya ay naninirahan na sa Italya, “ano at pipilitin niyo kaming magbayad sa isang insurance policy na hindi katangap-tangap”. Sa Salerno, hinimok ni Gng. Jean Barroga Alviz, Presidente ng Juan Ganap Guardians sa buong Italya “ang laban na ito ay laban ng lahat ng mga migrante sa buong mundo. Kailangan magkaisa para tutulan ang patakaran na magpapahirap sa ating mga pamilya. Tayong mga Guardians ay may tungkulin na pangalagaan ang kapakanan ng ating mga pamilya sampo ng mamamayan”.
Sa Sicily, masigasig na nangampanya si Mari Tess de Castro, isang opisyal ng Baranggay SMG Messina, “kapag ang batas na ito ay hindi napigil, tiyak na kakapusin sa budget at padala sa pilipinas ang ating buwanang sahod”. Umani din ng suporta sa Cosenza ang panawagan. Sinabi ni Mel Bauson, pinuno ng OFW Cosenza na,” nagulantang ang mga ofw sa buong mundo ng pirmahan ni Pangulong Duterte ang RA 11223 at ginagawang mandatory ito kasabay ng 3% na kontribusyon. Sinabi pa niya na, hindi tamang babaliktain ng ating sektor ang kakailanganin na pondo para sa serbisyong pangakalusugan sa ating mamayan”.
Sa Reggio Calabria, “kahit ako ay may idad na, hindi ako manghihinawa na makiisa sa pagtatangol at para bigyan ng proteksyon ang aking mga kababayan”, aniya ni Jemima Vidal, pinuno ng grupong Balikatan Foundation at Ilokano Cmommunity.
Sa Toskana, nagpagawa naman ng isang malaking tarpaulin Guardian Emmigrant Montecatini Italy Legion tutmututol sa 3% at ipapataw na interes kung sakaling hindi makabayad. Kasama din sa protesta ang Mindorenians in Florence, San Agustin, RBGPII Golden Heart, RBGPII PIS, Ofw Watch Tuscany, Filcom Pisa, Filcom Livorno, GE PISTOIA, Red Soil, Sta Catalina, Confed Tuscany at mga indibidwal na OFW na dumating sa indignasyon ginanap sa Piazza Fortezza de Basso, Florence.
Sa kabuuan, 27 malalaking syudad, humugit kumulang 200 organisasyon, mahigit isang libo ofw ang nakilahok sa mga plaza, kanilang mga tahanan at mga tumpukan. Umabot din ng mahigit 50 libo ang bilang ng pumirma sa on line survey na isinagawa ang OFW Watch Italy at patuloy itong sinasagutan ng pagtutol ng mga OFW. (Ibarra Banaag)