Matapos ang pagtaas ng tubig ng ilog Tevere noong nakaraang Nob 14, ay inilikas ang halos 70 katao, na binubuo ng halos 20 pamilya, karamihan ay mga Pilipino, sa ex-Fiera di Roma.
Roma, Nob 30, 2012 – Ang mga kinalkulang danyos ng naging pagtaas ng ilog noong kalahatian ng buwang kasalukuyan ay hindi kabilang ang mga pamilyang nasalanta nito. Mga Pamilyang Pilipino, Peruvians at maging mga Italians na sa loob ng halos tatlumpung taon ay naninirahan sa Via Foce dell’Aniene, bahaging nakatago ng Olimpica. Itinuturing na squatter area (o insediamento abusivo sa italyano) dahil sa walang pahintulot na pananatili ng mga tahanan, ngunit itinuturing din na halos tanggap (o ben tollerato) ng mga insitusyon sa mahabang panahon.
Hindi isang kathang-isip ngunit ang pagbalik sa normal level ng nasabing ilog ay naging sanhi naman ng pagbigay ng lupang tinatayuan ng mga tirahan. Dahilan ng mabilisang paglikas sa 17 pamilyang Pinoy at 2 pamilyang Peruvians.
Bandang alas 8 ng gabi nang makarinig si Roger (pangalang kathang-isip lamang) – ayon sa ulat ng pahayagang Il Messaggero – ng malakas na ingay na tila pagbagsak, at madaling binuksan diumano ang pinto ng banyo at nakita na ang parteng ito ng kanyang tahanan ay nasa ilog na. Gayun din ang nangyari sa kusina ng katabing bahay, pati na rin ang parte ng tahanan ng mga Peruvians.
Mabilis ang tugon ng mga institusyon sa naging trahedya at inilikas ang mga pamilya, bagaman naging mahirap para sa mga ito ang pansamantalang lisanin ang mga tahanan.
Isang paglalarawan ang inilathala ng pahayagang Il Messaggero noong nakaraang Nov 22, na ang ‘squatter area ’ na itinuturing ng marami, ay tahanan ng mga pamilyang nagta-trabaho ang mga magulang, nag-aaral ang mga anak at higit sa lahat ay nakatalang residente ng nasabing lugar tulad ng mababasa sa kanilang mga national identity card (o carta d’identità sa italyano). Ang mga tahanan ay nagtataglay din ng mga numero civico o street number.
“May mga nakakatanggap din po sa amin ng bills sa kuryente at basura”, komento ng isang residente ng Via Foce dell’Aniene sa pagbisita ng Ako ay Pilipino.
Ayon sa pahayagan, tila ang nature na ang gumawa ng sariling paraan upang ilikas ang mga pamilya na sa kasalukuyan ay nasa ex-Fiera di Roma para na rin sa kanilang kaligtasan lalong higit sa nabalitang muling pagtaas ng ilog sa araw na ito.
Ngunit maraming mga katanungang patuloy na naghahanap ng kasagutan: Hanggang kailan sila manantili sa evacuation center?, Ang kanilang mga anak, paano na ang kanilang pag-aaral? At marami pang iba..
Sa isang panayam sa kasalukuyang presidente ng Municipio II, De Angelis “Ito ay isang sitwasyong amin ng pinag-aaralan, ngunit dahil sa naging emergency ay napabilis ang evacuation. Kilala namin ang mga taong ito, mga tapat na naninirahan sa ating munisipyo, at handa kaming tulungan sila sa abot ng aming makakaya”, pangako ni De Angelis.