Roma – Pebrero 25, 2013 – Sa pinagsama-samang kooperasyon ng Philippine Embassy to the Holy See, Pontificio Collegio Filippino at Chaplaincy ng Sentro Pilipino ay ipinagdiwang ang Banal na Misa ganap na alas-5 ng Huwebes ng hapon (Pebrero 21, 2013) sa Basilica ng Sta. Pudenziana, Rome bilang pasasalamat at pagpupunyagi sa halos walong taon na makabuluhan at mabiyayang pamumuno at pagsisilbi ng Banal na Papa, His Holiness Pope Benedict XVI.
Ang Misa ay ipinagdiwang sa pangunguna ni Rev. Fr. Romeo Velos, CS., (Chaplain of Sentro Pilipino), Rev. Fr. Gregory Gaston (Rector of Pontificio Collegio Filippino), Rev. Fr. Bubi Shultz at ng mga kapariang Pilipino. Ito ay bilang tugon sa mensahe ng Papa sa nakaraang Angelus noong Pebrero 17. Matatandaang kanyang sinabi: "I ask that you continue to pray for me and for the next Pope as well as for the Spiritual Exercises which I will begin this evening along with the members of the Roman Curia.” Napuno ang Basilica ng mga Pilipinong mananampalataya at nagkakaisang sambayanan na nananalangin para sa Papa at sa susunod sa kanya bilang Ama ng Simbahan.
February 11 nang magulantang ang mundo sa renunciation o pagbibitiw ng Holy Father, na sang-ayon sa Kanya ay ginawa niya ito matapos ang masusing pag-aaral at buong-pusong pananalangin. Buong katapatan na inilahad niya ang kadahilanang siya ay wala nang pwersa o kalakasan dala ng katandaan kung kaya’t minabuti niya ang magbitiw para sa ikabubuti ng Simbahan at ng Sambayanan.
Sinariwa ni Fr. Greg ang ilan sa mga hindi malilimutang karanasan at ilang kwento tungkol sa Papa. Ang kanyang taglay na kasimplehan, katalinuhan at kababaang-loob ay tunay na kahanga-hanga.
Naging emosyonal naman sa pananalangin si Ambassadress Mercedes Tuason sa pinakahuling parte ng Misa.
Ito man ang naging desisyon ng Holy Father ay naroon ang respeto ng Sambayanang Pilipino kahit malungkot ang ilan ay mararamdaman pa rin ang pag-asam ng isang bagong Pag-asa kalakip ang matibay na pananampalataya sa Panginoon.
Sa darating na February 28, 2013, 8pm (Rome Time) ay bababa na si Pope Benedict XVI at magiging bakante na ang banal na Sede. Magaganap ang Conclave at matapos ito ay haharap sa Buong Mundo ang isang Bagong Pope. Sama-sama tayong manalangin para sa kalooban ng ating Ama sa Langit na ang kanyang bendisyon at Banal na grasya ay ipagkaloob nawa Niya sa ating lahat, kay Pope Benedict XVI at sa ating bagong Pope na magpapatuloy ng misyon sa pag-akay sa mundo sa daan ng kabanalan at gagabay sa Simbahan para sa lalo pang ikatatatag nito nang may malalim na pananampalataya, pagmamahal, pag-asa at kapayapaan.
Magkaroon man tayo ng iba-ibang Papa, may umaalis at may dumarating ngunit isa lamang ang may katiyakan, ang ating Panginoong Hesus, ang Pinaka-pinunong Pastol ng Simbahan, ay mananatiling kasama natin ngayon, bukas at magpakailanman. (ni: Lorna Tolentino)