Magkakahalong emosyon ang naramdaman ng marami sa pagkakataong nasilayan nila ng personal ang Santo Padre. "Non fatevi rubare la speranza" – Pope Francis
Cagliari, Oktubre 8, 2013 – Masigla ang halos lahat ng mga Pilipino sa naging pagsalubong nila sa kauna-unahang pilgrimge ni Pope Francis dito sa Cagliari noong ika-22 ng Setyembre 2012 sa Basilica della Nostra Signora di Bonaria.
Alas 6:15 ng umaga pa lamang nag-umpisa ng naglakad ang mga Pilipino upang hanapin ang mas visible at mas malapit na puwesto para masilayan ng malapitan ang butihing Papa.
'Kagandang makita na samasama ang mga Pilipino sa ganitong pagkakataon.' paglalahad nito Luz Amboy, ang pangulo ng Bikol Unite. 'Tayo lang yata ang grupo na maraming ginawang flaglets para iwagayway,' pagmamalaki pa niyapa niya.
'Buti na lang naging maaga talaga tayo kaya nakakuha tayo ng medyo maganda-gandang puwesto,' banggit ni Enrico Alejandre isa sa mga lider ng Couples for Christ.
'May mga italyano nga na nagsusumiksik sa puwesto namin pinasabihan talaga ng mga pulis na madaling araw pa raw tayo sa puwesto natin kaya mahiya naman daw sila,' paglalahad ni Amie.
Bagamat nahuli man ang iba nagawa pa rin nilang sundan ang grupo bunga ng Banner at Philippine flag na nakawagaywagay. Pinagsikapan ng grupo ng Knights of Rizal na maitaas ang bandila bilang palatandaan ng ibang mga kasamahan na naghahanap ng grupo ng mga Pilipino.
'Madali ko lang namang nakita ang grupo dahil sa Flag ng Pilipinas,' pagkukuwentoni Ria. 'Di ako nakasabay sa marami ng maaga kasi bumalik pa ako sa bahay at may naiwan,' dugtong niya.
'Nakaka tuwa na makita ang mensahe ng banner na 'Mabuhay Papa Francesco'. Bilang Pilipino ramdam mo talaga na ikaw ang nagsasabi noon para sa Papa,' pagpahayag naman ni Lovely.
Halos paralisado ang mga pampublikong sasakyan ng buong siyudad ng Cagliari sa mismong araw ng selebrasyon. Tinatayang may 400 libong katao ang dumalo, 500 daang mga buses at extrang serbesyo ng train ang gumanap sa nasabing okasyon.
'Ito na yata ang may pinakamaraming pagtitipon ng mga tao na nakita ko dito sa Sardegna. Higit na mas marami kaysa sa unang pagbisita ng sinundan ni Pope Francis at ng anumang manipistasyon na ginanap sa Sardegna,' pagkukuwento ni Rose Garcia,isa mga naunang Pilipinong naninirahan sa Cagliari.
'Sobrang hihigpit naman ng mga bantay. Kailangan mo pang umiikot doon para lamang makatawid sa kabilang bahagi, ulit ni Vic isang officer ng DGPII Guardians.
IBAT' IBANG EMOSYON
Magkakahalong emosyon naman ang naramdaman ng marami sa pagkakataong nasilayan nila ng personal ang Santo Padre.
'Kilabot po talaga ako ng huminto sa tapat namin ang Papa Mobile. Abot ko na eh. Di ko alam kung reretratuhan ko o kakamayan. Ganoon pala 'yon. Sobrang saya ko sa naging pagkakataong iyon,' ang hindi magkakamayaw na pagkukuwento ni Cathy Guttierez sa nasabing okasyon.
'Ako po napaluha po ako noong nasa tapat ko na si Pope Francis. Napakaway po ako sa kanya. Napakaamo po ng mukha niya,' paglalahad ni Micah Dris, isa sa mga miyembro ng choir ng Mary Immaculate.
'Nakawayan ko din po si Pope para siyang si Hesus,' singit naman ni Trina, isa din sa mga batang nagsakripisyo sa nasabing okasyon.
'Napawi naman ang pagod namin sa maagang paghihintay sa dadaanang kalsada ng Papa ng makita na namin siya ng personal,' ayon naman kay Marou.
'Suwerte. Kararating ko lang sa Italya meron agad na ganitong okasyon. Nakita ko kaagad ang Pope,' pagbibida ni Long, ang may limang araw pa lamang kararating mula sa Pilipinas
MENSAHE NG PAPA PARA SA KABATAAN
"Sono disposto, sono disposta a prendere una strada per costruire un mondo migliore? (Am I willing to take a road to construct a better world?)
Ito ang iniwang paghamon ni Pope Francis sa mga kabataan dito sa Sardegna sa naging pagtatapos ng kanyang isang buong araw na pagtatagpo sa mga manggagawang nawalan ng trabaho, awtoridad, rehilyoso at sa kasayahan para sa mga kabataan.
Liban dito at sa kabila ng iba't ibang diskorso na kanyang ibinigay sa bawat 'incontro' kakukunan pa rin ng kahalagahan ang mga puntong pagpapaliwanag ng Santo Padre tungkol sa Ebanghelyo ayon kay San Lucas (5:1-11) na kung saan dito kinuha ang tema ng Kanta na may titolong 'Getta le Tue Reti'.
'Guro, magdamag po kaming nagpagod at wala kaming nahuli!
Karanasan ng Kabiguan
Ayon sa Santo Padre ang kabiguang naramdaman ni Simon Pedro ay hindi nalalayo sa kabiguang meron sa kabataan sa pagtanggap ng Sakramento ng Kumpil. At sa pagpapaliwanag pa niya ang sakramentong ito ay napalitan na ng pangalan. Ito ay ginawang sakramento ng pamamaalam o pag-alis. Sapagkat matapos magawa ang kumpil sila ay umaalis na sa simbahan. Nagdudulot tuloy ito ng kawalan ng pag-asa sa kinabukasan.
'Huwag hayaang manaig kayo kawalan ng pag-asa at kawalan ng tiwala! Ang kabataang walang pag-asa ay maagang naging matanda. Ang pag-asa ay kakambal ng pagiging kabataan. Kaya't kung kayo ay walang pag-asa, isipin ninyong maigi. Ang kabataang hindi masaya at walang pag-asa ay nakapag-aalala: hindi siya kabataan.
Magtiwala kay Hesus
Sa Ebanghelyo, maging si Pedro, sa kritikal na pagkakataon ay nag-alala din. Ano nga naman ang dapat gawin? Possibleng tumigil na lang dahil sa pagod at kawalan ng tiwala at isiping walang ring mangyayari kaya maigi pang huwag nang tumuloy at umuwi na lamang sa bahay.
Sa halip ano ang ginawa n'ya? Sa kanyang lakas ng loob sa sarili pinili n'ya na magtiwala kay Hesus. 'Sinabi mo, eh di ihagis ang lambat'. Ginawa ito ni Pedro hindi ayon sa kanyang lakas, sa kanyang kakayahan, sa kanyang pagiging magaling na mangingisda kung hindi 'DAHIL SA PAGSUNOD SA SINABI NI HESUS'. Sa gayon madami nga siyang nahuling isda at halos masira ang lambat.
Magtiwala kay Hesus, hindi Siya isang ilusyon, Siya ay lagi nating kasama sa ating buhay. Nariyan Siya katabi natin sa ating mga kabiguan at sa ating kahinaan.
Ihagis ninyo ang inyong lambat
Kayo man ay tinawag na maging mamalakaya ng mga tao. Huwag ninyong panghinayangang ang mga pagkakataong kayo ay maging saksi ng pagpapahayag ng saya ng Ebanghelyo sa kapwa ninyo kabataan. Tumungo kayong kasama si Hesus. Sa Kanya di kayo mabibigo.
At sa saliw ng Awiting Getta Le Tue Reti muling nabigyan ng inspirasyon ang mga taga-Sardegna lalo na ang mga kabataan na hingiin ang tulong ng Birheng Maria na tahakin ang maayos na mundo, daan ng pagbubuo, daan ng kapayapaan hindi ang daan ng paninira at away. (ulat at larawan ni: Elmer Orillo)
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]