Sa ika-14 na edisyon ng FLORENCE BIENNALE , isang internasyonal na eksibisyon ng mga kontemporaryong artista at taga-disenyo, bibida ang 19 na mga Pilipino mula sa Pilipinas, Italya, Switzerland at Amerika. Kauna-unahang pagkakataon ito na ganito karami ang nakapasa at pumasok bilang partisipante sa isa sa pinaka-prestihiyosong eksibit sa buong Italya na ginaganap tuwing biyenale o ikalawang taon. Matatandaang nakuha ni MICHAEL VILLAGANTE ang unang gantimpala sa kategoryang Painting noong Florence Biennale XIII.
Sa edisyong ito, na magsisimula sa ika-14 hanggang ika-22 ng Oktubre, 2023, ang tema ay I AM YOU – Individual and Collective Identities in Contemporary Art and Design. Ang mga obra at disenyo ay kasali sa kompetisyon para sa Lorenzo Il Magnifico International Award for Arts (5 Gantimpala para sa bawat 12 kategoriya). Ang iba’t ibang kategoriya para sa Arte ay ang mga sumusunod: Ceramic, Arts, Drawing, Calligraphy and Printmaking, Installation Arts, Jewellery Art, Mixed Media, New Media Art, Painting, Performance Art, Photography, Sculpture, Textile and Fiber Art, at Video Art. Para naman sa Disenyo: Architecture and Town Design, Industrial and Product Design, Fashion and Jewellery Design, Interior Design Communication and Graphic Design, Technology and Game Design. Gagawaran ng gantimpala ang mga mananalo sa huling araw ng eksibisyon, sa ika-22 ng Oktubre, Linggo. Mayroon ding gagawaran ng Leonardo Da Vinci Life Achievement Award at Award from the President.
Ito ay gaganapin sa Spadolini Pavilion at sa Cavaniglia Pavilion ng Fortezza da Basso sa Viale Filippo Strozzi 1 sa Florence. Ito ay bukas na sa media at mga panauhin sa ganap na alas-diyes ng umaga ng Oktubre 14 at para sa publiko naman ay sa ganap na ikalawa ng hapon hanggang ikawalo ng gabi. Sa mga araw ng Linggo, at mula Martes hanggang Sabado ay bukas mula ikasampu ng umaga hanggang ikawalo ng gabi at sa huling araw na Linggo ay mula ikasampu ng umaga hanggang ikapito ng gabi.
Ang mga kalahok na Pilipino ay sina: Ariosto Dale Bagtas, Loriel Castillo, Mercedita De Jesus, Frederick Epistola, Khervin John Gallandez, Darwin Japat Guevarra, Rachel Anne Lacaba, Arlo Jake Lagmay, France Malvar, Noli Principe Manalang, Jayson Petitz Muring, Ayen Quias, Rebie Ramoso, Eman Santos, Dhennis Sigua, Gene Antonio Villasper, Paula Villasper, Melissa Yeung-Yap, Jojoy Zabala at ang ilang artwork ng Project Hulmahan ni Zena Bernardo. Ang ilan sa kanila ay magkakaroon din ng eksibisyon sa Philippine Consulate General sa Milan sa buwan ding ito.
Tunay ngang maipagmamalaki ang mga Pilipino sa larangan ng arte at disenyo dahil dala nila sa bawat lahukang eksibisyon at paligsahan ang bansang Pilipinas pati na rin ang kulturang Pilipino sa pamamagitan ng kanilang mga kakaibang obra at disenyo.
Ulat ni: Dittz Centeno-De Jesus – Emilia Romagna
Mga Litrato: Florence Biennale XIV 2023