Matapos ang isang taong paghinto ay muling nagbalik ang Maratona di Roma 2021 nitong nakaraang Sept 19, 2021. Mayroong 205 mga Pilipino mula sa Roma at Milan ang nakiisa sa taong ito sa Acea Run Rome Maratona di Roma, Run4Rome Staffetta Solidale at Stracittadina Fun Run. Dahil sa pandemya ay maraming Pilipino ang naging aware at nagbibigay halaga sa kalusugan ngayong taon. Ito rin ang naging dahilan sa malawakang partesipasyon ng komunidad sa Maratona di Roma 2021.
Tinahak ng mga marathoners ang 42.195 kms ng mga historical, archeological at architectonical sites sa Roma na kabilang sa pinkamaganda at pinaka hinahangaan ng buong mundo. Nagsimula at nagtapos sa Colosseo at Fpri Imperiali.
Lubos ang kasiyahan ng lahat ng mga Pilipinong sumali at nakatapos ng 42 kms sa kanilang pagtanggap ng medalya. Kabilang dito ang mga miyembro ng PURI – Pilipino Ultra Runners, na nagmula pa sa Milan at nakiisa sa mga kapwa Pilipino sa pagsali sa Maratona di Roma. “Layunin ng aming grupo ang makasali sa mga organized na Maraton sa Italya, kami nagpunta ng Roma”.
Kwento naman ni Cipriano Tolentino, 58 anyos ay nasa ika-limang taong pagsali sa 42kms ng taunang Maratona di Roma. Bilang miyembro ng Pinoy Runners Rome, siya ay tumatakbo ng tatlong beses sa isang linggo, minimum ng 10 kms. Cipriano, bukod sa tamang pagkain, nahilig sya sa pagtakbo dahil ito ang naging lunas upang mawala sa kanyang sakit na diabetes. “Kung may pagkakataon rin lang, mas makakabuti sa ating katawan ang may ehersisyo. Ako noon ay may iniinom na maintainance na gamot ngunit dahil sa aking regular na ehersisyo ay wala na akong iniinom na gamot”.
Samantala, sina Johnny at Joseph, kasama ang ibang 2 pa ay matagumpay na naging bahagi ng Run4Rome Staffetta. Ito ay ang kolaborasyon bilang isang grupo na binubuo ng 4 na katao sa pagtakbo ng 42 kms.
Partikular, ngayong taon ay nagkaroon ng Philippine animation at cheering station ng GRC Majorettes sa Parco della Musica, ang ika-34th km ng marathon kung saan nagpakitang gilas kasabay ng pagbibigay kulay at sigla ng grupo sa mga marathoners.
“Kinilabutan ako noong matapat ako sa GRC Majorettes. Bigla akong lumakas sa cheering nila”, ayon sa ilang lumahok na Pilipino sa marathon.
Dumagsa din ang mga non-competitive marathoners ng Filipino community sa parke ng Villa Borghese, isa sa limang parke ng 5kms na Fun Run, suot ang official Tshirt ng Fun Run Maratona di Roma.
Bukod sa walang katapusang selfies, kapansin-pansin ang partesipasyon ng maraming mga kabataan ngayong taon. Isa na dito sa Stephanie, 18 anyos sa kanyang unang pagkakataong lumahok sa Fun Run.
“Pagkatapos ng pandemya, mahalagang ang mga kabataang tulad ko ay hindi palampasin ang mga mahahalagang karanasan tulad nito”, aniya.
Bukod sa kabataan ay nakatawag pansin din ang aktibong si Susana Ligaya, 68 anyos. Aniya ang kanyang pagsali sa Fun Run ay “Para sa kalusugan”.
Lubos ang tuwa ng lahat ng sumali sa Maratona di Roma, una na dito ang promoter at kilalang event organizer sa filipino community na si Alona Cochon. Salamt sa kanyang pagsusumikap ay nagkaroon ng malawakang partesipasyon ng maraming Pilipino sa Roma. (PGA)