in

Mga Pinoy sa Modena, nakiisa sa “Oplan: Pulizie Straordinarie”

Pagdating sa tema ng integrasyon ay isa ang komunidad ng mga Pilipino sa Italya sa mga umaani ng papuri mula sa may mga matataas na katungkulan dahil sa ipinapakitang aktibong pakikiisa sa mga inisyatibang patungkol sa buhay panlipunan.

Kamakailan lamang ay nagkaroon ng isang clean-up drive ang komunidad ng Modena at ang  mga Pilipino ay nagpakita ng aktibong suporta.  Ang nasabing cleanliness operation ay isinagawa noong ika-17 ng  Nobyembre ng taong kasalukuyan.

Ang mga nagpakita ng kanilang malasakit sa kaayusan ng mga zona ng Modena ay ang  mga sumusunod na samahan: Associazione Vivere Sicuri,  Comitato “Vivi il parco XXII aprile”, Comitato Viale Gramsci e dintorni,  “Il Megafono,  Porta Aperta Association, Caleidos, L’Angolo,  Gruppo Ceis,  Cooperativa Papa Giovanni XXIII,  ang Sprar Modena,  Nigeriani Community , Moschea del Misericordioso, Parrocchia di San Giovanni Evangelista, Milad Intercultural Association, at ang mga kinatawan ng samahang Pilipino sa Modena.

Ang mga bahagi ng siyudad na naging target ng “Oplan: Pulizie Straordinarie” na ito ay ang Quartieri 1 at Quartieri 2 ng Modena, sa harap halos ng Palazzo dei Musei sa Largo Sant’Agostino at ng Bar Arcobaleno sa via Toniolo.

Ang mga volunteers ay pinaghati-hati sa ilang grupo at nabigyan ng kanya-kanyang lugar na lilinisin. Naibalik ang kaayusan ng mga lugar na may mga monumento at pati na rin ang malaki at kilalang Viale Gramsci  na sa mga nagagawi doon ay hindi maikakailang isang lugar na napabayaan.

Positibo ang naging evaluation ng mga “utak” ng inisyatibang ito. Ayon sa kanila, bagamat  mahalaga ang kanilang operasyon upang mapanatili ang decorum sa lugar na kanilang ginagalawan, hindi rin dapat isantabi ang mas importante pang mensahe ng aktibidad na ito: ang mabigyan ng pagkakataon ang mga tao mula sa iba’t-ibang organisasyon na makipag-ugnayan sa iba at maibahagi ang mga personal na karanasan na maaaring kapulutan ng aral at inspirasyon.

Ayon sa  City Assessor na si Irene Guadagnini, ang lungsod ng Modena ay likas na bukas sa ideya ng Pagkakaisa at may maipagmamalaking mataas na bilang ng mga volunteers.  Ang “Clean-up Drive” na ito ay isa lamang patunay na nasa puso ng karamihan, kabilang ang mga Pilipino, ang pagnanais na panatilihing malinis at mapayapa ang kanilang itinuturing na pangalawang tahanan.

 

Quintin Kentz Cavite Jr.

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

ISMU: Mga dayuhan sa Italya, higit sa 6 na milyon

permesso-lungo-soggiornanti-ako-ay-pilipino

Carta di soggiorno, kailan nawawalan ng bisa?