in

Migrant’s Day, ipinagdiwang ng mga Pilipino sa Italya

Magkasangga Para sa Kapakanan, Kabuhayan at Kalusugan ng mga OFW”

Roma, Hulyo 2, 2014 – Ito ang tema para sa selebrasyon ng Migrant Worker’s Day o Araw ng Pasasalamat na ginanap sa Roma nitong Hunyo 22.

Sa pangunguna ni Welfare Officer Loreta Vergara ay naghanda ang OWWA ng isang araw upang ipagdiwang ang nasabing okasyon.  Panauhin sina Consul Enrique Pingol ng Embahada ng Pilipinas at ang Bagong Bayani 2011 Awards  at ang unang-unang nahalal na Consigliera Aggiunta sa Comune di Roma taong 2004, Irma Tobias.

Sa talumpati ng mga panauhin ay kanilang binigyang-diin ang mahahalagang programa ng gobyerno ng Pilipinas at Italya na kaakibat ng bawat imigranteng Pilipino sa araw-araw na pamumuhay sa Italya, gayun din ng mga mahal sa buhay na naiwan sa Pilipinas.

Sa mensaheng buhat sa OWWA Administrator na binasa ni Welfare Officer Vergara ay sinabing “Bukod sa social benefits ay patuloy na tutugunan ng kanilang tanggapan ang paghinang sa kakayahan, kagalingan at kasanayan sa pamamagitan ng skills training at iba pang upgrading program. Patuloy ding pinalalawak ang scholarship programs na nakalaan sa mga anak ng mga miyembrong Ofws. Gayun din ang tulong pangkabuhayang ibinabahagi sa pamamagitan ng mga reintegration program para sa mga Ofws, ay ilan lamang sa mga handog sa pagdiriwang ng Araw ng Pasasalamat”.

Samantala, mainit naman ang naging partesipasyon ng filipino community sa nasabing pagdiriwang. Hindi inalintana ang biyahe, pagod at init ng mga dumalo at naghanda ng cultural presentation. Kabilang ang Associazione Comunetaria Messina (Salakot dance), Gruppo dell’Associazione Filippine in Catanzaro (awit), Filipino Community of Salerno (Bulaklakan Dance) at Filipino Community of Cisterna Latina (Tinikling) , United Democratic Filipino Community of Naples 1977 (instrumental).  Nakiisa rin ang United Cordillera Workers of Rome (Ifugao dance), United Igorots Association, Filipino Baptist Fellowship (awit), Association of Pangasinenses in Rome (awit- Tahimik na Gabi), DEMOCRATIC Alliance of National Guardian and Advocators, Federfil-Italy, Task Force-OFW, Umangat Migrante, Protezione Civile at Pinoy Teens (Pangalay – Muslim dance) at Task Force (awit- Handog).

Kasabay  ng nagaganap na cultural presentation ang pagbibigay ng iba’t ibang serbisyo sa mga booths tulad ng dental service, blood donation, free gynaecological consultation buhat sa AIMAC at free facial at foot spa buhat sa sponsor.

Sa ika-labingsiyam na taon ay naging bahagi ang mga Pilipino sa bansang Italya sa pagdiriwang ng napahalagang araw na ito para sa OWWA. Ang araw na itinakda ng Republic Act 8042 upang kilalanin at ipagbunyi ang lakas at halaga ng mga overseas Filipino workers hindi lamang sa Pilipinas  kundi maging sa buong mundo.

Inaasahang  kasabay ng pagdiriwang na ito ay maipadama ng OWWA sa mga Ofws ang malasakit at presensya nito sa pamamagitan ng inihandang programa at sorpresa sa ginanap sa buong mundo.

Kaakibat ng tagumpay ng pagdiriwang ng Migrant’s day ay ang pag-asang dinggin ng kinauukulan ang hinaing ng maraming Pilipino sa Italya ukol sa OWWA membership. (PG)

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

ARAW NG KALAYAAN IDINAOS SA MILAN

KALAYAAN 2014 sa FLORENCE