Likas sa ating mga Pilipino ang magpahalaga sa mga makabuluhan at mahalagang tradisyon at kultura. Ang katangian na ito ay hindi produkto ng imahinasyon lamang kundi ito ay nag-ugat sa ating mayamang kasaysayan. Hindi nakakaligtaan lalong lalo na ang nakagisnang paniniwala saan man mapadako sa lahat ng panig ng mundo.
Ang Mindoreñans Group of Florence ay isa sa mga komunidad sa rehiyon ng Toskana na matibay at hindi nakakalimot magbigay-buhay sa kanilang minanang tradisyon. Noong Ika-18 ng buwan ng Marso ay nagdiwang ang samahan bilang pagpupugay sa kapistahan ng kanilang patron na si San Jose.
Batay sa kalendaryo ng Simbahang Katoliko, tuwing ika-19 ng Marso ginugunita at ipinagdiriwang ang kapistahan ni San Jose, ang esposo ng Mahal na Birheng Maria, ama-amahan ng Dakilang Tagpagligtas, Patron ng mabubuting ama ng tahanan at ng mga manggagawa, na naging Patron din ng Bayan ng Mindoro.
Ayon sa mga taga mindoro na nakiisa sa okasyon sa Firenze, sa kanilang bayan ay talagang laganap ang debosyon kay San Jose at ang araw ng kapistahan ay sinisimulan ng nobena sa mga simbahan bago sumapit ang naitakdang araw ng pagdiriwang. May mga pamilya na nag-aalaga ng imahen ni San Jose, may nagdaraos ng Pabasa ng Pasyon na sisimulan ng umaga hanggang gabi at susundan ng kanilang “Rosario Cantada”. Ang imahen ni San Jose ay inilalagay din sa Belen sa simbahan kasama ng Mahal na Birhen at ng Niño Hesus tuwing sasapit ang Pasko.
Tampok na bahagi ng pagdiriwang ng Mindoreñans ang banal na misa na pinangunahan ni Fr. Cris Crisostomo na buhay na sinamahan ng koro at ng kanilang mga angkop na awitin sa pakikinabang sa Misa.
Pagkatapos ng eukaristiya ay nagkaroon ng salo-salo bilang pasasalamat dahil ang Mindoreñans Group of Florence ay umabot na sa kanilang ika-4 na taon. Taong 2014 ng opisyal na maitatag ang samahang ito. Sa panayam sa Presidente na si Joel Macaraig, kaniyang ibinahagi ang kasaysayan kung paano nabuo ang asosasyon na nagmula sa mga normal na pagtitipon-tipon ng mga magkakaibigan at magkakababayan hanggang sa mapagdesisyunan ng karamihan na mas mabuting magkaroon sila ng opisyal na organisasyon na lalong magpapatibay ng kanilang samahan at magiging inspirasyon sa pagtulong sa mga mas nangangailangan.
Sa ibang dako naman ng Firenze ay may mga kasabay na selebrasyon kaugnay pa rin ng kapistahan ni San Jose. Ilan pang mga samahan at mga pamilyang may panata at debosyon sa santo ang nagdiwang isa na ang mga taga Santo Tomas, Batangas na kinabibilangan ng mga bumubuo ng pamilya Caldo, Villegas, Manalo, Malasique, Montero, at Halili. Sa Circolo Manni a Coverciano naman ay nagkaroon ng pagpupugay sa kapistahan pa rin ni San Jose ang samahan ng mga taga Talisay, Lipa City sa pamumuno ni Mario Nario.
Masarap isipin na sa kabila ng maraming gawain ng mga kababayan natin na laging abala sa pagtatrabaho ay nagkakaroon pa rin ng panahon para makapagbigay-buhay at pagpapahalaga sa mga tradisyon at kaugalian na ating namana sa mga ninuno.
Ang pagdiriwang na ito ay hindi lamang isang malinaw na patunay na laganap ang debosyon sa kanilang Patron kundi bahagi ng malaking pasasalamat sa mga biyayang natanggap sa pamamagitan ni San Jose na mas lalong magpapalalim sa pananampalataya ng bawat isa.
Quintin Kentz Cavite Jr.