in

Money transfer sa Turin, nagtangay ng higit sa 100,000 euros

Hindi pa huli ang lahat para kay Pio Valenzuela.  Ang mga naging biktima ay nananawagan upang mapakinggan ang dahilan ng kanyang biglang pagkawala para sa isang posibileng kasunduan.

Turin, Dec 3, 2012 – Labinlimang taong kilala si Mang Pio sa kanyang Valenzuela Remittance Services sa Turin na matatagpuan sa Via San Pio V n. 7. Regular na pinagkatiwalaan sa mahabang  panahon ng ating mga kababayan. Kung kaya’t ang diumano’y pagtakas ni Mang Pio matapos matanggap ang higit sa 20 remittances at bahagi sa ilang kasosyo, tangay ang halagang tinatayang higit sa 100,000 ay lubos na ikinagambala at ikinagalit ng marami.

Halos dalawang taon nang napapansin ng mga remitters ang lumalalang delay ng kanilang mga ipinapadalang pera sa mga mahal sa buhay sa Pilipinas. Ngunit hindi sapat na dahilan ito upang maalarma ang sambayanan, dahil ito ay karaniwang nangyayari maging sa ibang kumpanya ng money transfer.

Lingid sa kaalaman ng marami, si Mang Pio ay humihingi ng tulong sa ilang kababayan.

“Lumapit si Pio sa akin at sinabing mag-sosyo kami, dahil  kulang na ang kanyang puhunan. Ako kasama ang 2 pa naming kaibigan ay nagbigay ng 17,000 euros (2 tig 6,000 euros at ang 1 ay nagbigay ng 5,000 euros) bilang share namin sa remittance center”, kwento ni M.S. 50 anyos sa panayam ng akoaypilipino.eu. “Nanlumo po ako ng malaman ko na marami na rin pala syang inalok para maging sosyo, isang Pinay na umabot sa 20,000 euros at isang Italian na umabot sa 30,000”, dagdag pa nito.

Iba’t iba ang mga salaysay. Ayon kay M.S., nakapagpadala pa diumano sa kanyang pamilya sa Pilipinas noong Okt 29 sa pamamagitan ng remittance center. Si L.A., 43 anyos at residente sa Turin ay nahiraman din ng 5,000 euros na ipinangakong ibabalik sana noong nakaraang Nobyembre. Samantala, si Daisy Malantik naman, 44 anyos ay nagpadala ng halos 950 euros, halagang nakalaan sana sa house and lot sa Pilipinas na ngayon ay pinagdudusahan ang interes dahil sa late payment. At marami pang iba.

Nov 1 ay sarado na ang nasabing tanggapan sa kabila ng pagiging holiday nito at maraming kliyente ang posibleng magpadala ng pera. “Kailangang papirmahan diumano ang ilang dokumentasyon sa mga kliyenteng nasa San Remo, Como at ilang bahagi ng North Italy na requirements ng Guardia di Finanza”, ito diumano ang sinabing alibay ng pagsasara ng center. Nov. 2, sa pamamagitan ng kapatid nito na si Eva Valenzuela, na kasama sa center ay ipinabatid sa mga suki ang pagbagsak diumano ni Mang Pio na naging dahilan ng pagkaka confine nito sa ospital sa Napoli, kung saan naroroon ang isa pa nilang kapatid. Matapos ang balitang ito ay naglaho na rin si Eva. Samantala, isa pang Valenzuela ang natunton ng mga taga-Turin na kapatid din diumano ng 2 na nasa Salerno na naging daan upang makausap muli si Eva ngunit ito ay hindi nagbigay ng anumang garansya dahil di rin alam diumano ni Eva kung nasaan na ang kapatid hanggang sa tuluyang hindi na rin ma-kontak si Eva at ang kapatid sa Salerno.

Makalipas ang halos dalawang linggo ay nagkaisa ang mga biktima upang maghabla laban kay Pio. Inaasahan din maging ng awtoridad na nasa bansa pa si Pio Valenzuela.

Samantala, iisa ang hinaing ng ating mga kababayan. Ang ibalik ang halagang kanilang pinaghirapan.  Ano man ang dahilan ng kanyang pagtatago sa kasalukuyan, ay maaaring pakinggan at sila ay bukas sa posibleng kasunduan.

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Dal 4 dicembre si compilano le domande

Nat’l Thanksgiving Day para kay Pedro Calungsod, dinagsa