Isang magandang kwentong ofw sa likod ng pagpasok ng team Philippines sa semifinals 2012 Jessup International Law Moot Court Competition na ginanap sa Washington D.C.
Rome, Abril 23, 2012– “Salamat sa Diyos at hindi talaga nasayang ang malaking sakripisyo naming mag-asawa sa pagtatrabaho sa ibang bansa.”Ito ang unang katagang nasabi ni Mrs. Escolastica “Esting” Nucup matapos makatanggap ng balita na pumasok ang Team Philippines bilang semifinalist sa 2012 Jessup International Law Moot Court Competition na ginanap sa Washington D.C. nitong nakaraang Marso.
Isa sa apat na miyembro ng Team Philippines ay ang pangatlo sa apat nilang mga anak na si Neil B. Nucup. Aniya, “Hindi ko inaasahan na mapapalaki namin ng maayos, responsabile at may magagandang values ang aming mga anak sa kabila ng kami ay palaging malayo sa kanila.”
Taong 1992 nang pikitmata niyang nilisan ang Pilipinas para makipagsapalaran sa Itala at mamasukang domestic helper. Pipitong taon pa lamang noon si Neil. Hindi man naging madali ang desisyong ito para sa kanya,naging malinaw naman sa kanyang mga anak ang tunay na dahilan kung bakit kinakailangan pa niya ang mangibang bayan. Pagkalipas ng 13 taon, sumunod na rin ang kanyang asawang si Mr. Nelson Nucup sa Italya na dating Table Supervisor sa PAGCOR. Sa kanyang pagpapatuloy,“Tanging ang hangaring mabigyan namin ng better education ang aming mga anak ang nagtulak sa akin na iwan ang aking pagtuturo at mamasukang badante sa Roma. Sa awa naman ng Diyos, hindi naman kami nabigo sa aming mga anak. Lahat silang apat ay nakapagtapos ng pag-aaral ng maayos. Ang aming panganay na si Abigael tapos ng B.S. Computer Science. Yung sumunod, si Sheryll, CPA na. Si Neil naka-graduate na ng B.S. Biology at nagpatuloy pa ng pag-aaral sa pag-aabogasya sa U.P. College of Law. Ang aming bunso, si Krista, Nursing ang kinuhang kurso at pasado naman.”
Ayon kay Esting, maligayang maligaya na siya sa ipinakitang pagbibigay importansya ng kanyang mga anak sa kahalagahan ng edukasyon at pagpapahalaga sa pagsasakripisyo niya sa paghahanap buhay sa Italya. Ang mga ito ang nagsisilbing inspirasyon niya para mapaglabanan ang hirap at matinding kalungkutan habang nasa ibang bansa. Dagdag pa niya, “Bilang ina, wala na akong mapaglagyan ng tuwa nang napasama si Neil sa UP Team. Lalo pa nang nanalo sila sa national competition kalaban ang iba pang mga eskwelahan na kilala at sikat bilang mga law schools. Wala na akong masabi nang mapasama siya sa Team Philippines na magre-represent ng country sa pinakamalaking law moot court competition sa buong mundo.”
Maituturing niya na isang napakalaking biyaya ang pag-abot sa semifinal ng Team Philippines sa 2012 Jessup International Law Moot Court Competition. Mahabang preparasyon at pag-aaral din ang ginawa ni Neil at ng buong UP Law Team bago pa man ang aktwal na competition sa Washington D.C. Ang University of the Philippines College of Law ang kumatawan sa Pilipinas sa nasabing competition matapos nilang manalo sa national competition na ginanap sa ating bansa. Kanila ring naungusan ang 136 teams na lumahok na nagmula pa sa iba’t-ibang 600 law schools sa buong mundo na kumakatawan sa 80 bansa. Tunay na dapat ipagmalaki ng bawat Pilipino sa kadahilanang sa nasabing competition, tanging ang Team Philippines lamang ang naitalang grupong nakalahok mula sa Asya. Ang Jessup International Law Moot Court Competition ay isang prestihiyosong taunang paligsahan na kinakalahukan ng iba’t-ibang mga nangungunang law schools sa buong mundo kung saan nagtatagisan ng talino ang mga teams na kalahok sa isang moot court setting.
Mas madalas na hindi magagandang kwento ang ating mga naririnig tuwing mapag-uusapan ang mga istorya ng mga anak na ang mga magulang ay OFW. Kaya naman nakakatuwang isipin na paminsan-minsan ay makarinig tayo ng mga magagandang kwento ng tagumpay sa likod ng mga hirap na pumapabalot sa mundo ng mga Pilipinong naghahanap buhay sa ibang bansa. Kung ating tutuusin, wala naman tayong matatagpuang malinaw na gabay kung paano ba talaga ang dapat na pagpapalaki sa ating mga anak. Ang isyung ito ay lalong nagiging kumplikado kung dumarating ang pagkakataon na ang mga magulang ay nangingibang bayan para maghanap buhay.
Nang hingan si Esting ng kanilang sikreto, kaniyang ipinahayag na “Hindi ko sila pinalaki sa karangyaan, lahat ay sapat at nararapat lang. Hindi nila ako binigyan kahit ng simpleng sakit ng ulo man lang. Hindi ko sila tinapalan ng mga padalang remittance para mapagtakpan lamang anuman ang mga nagiging pagkukulang ko sa kanila. Sapat na maipaliwanag sa aming mga anak ang values ng pagpapakahirap namin sa ibang bansa. Pinalaki namin silang apat na may malaking takot sa Diyos. Pagbibigay din ng quality time thru constant communication. Ngayon pa dahil sa technology, mas madaling makipag-bonding sa ating mga anak.”
Maging ang employer ni Esting na si Sig. Fabio Virgilii ay nagpahayag din ng paghanga kay Esting at sa kanyang anak na si Neil. Nabasa niya ang isang article na lumabas sa internet na tumutukoy sa natamong tagumpay ng Team Philippines, kung saan naging parte ang ank nitong si Neil. Isang magandang kwento na nagpapatunay lamang na hindi dapat maging hadlang ang pagiging isang OFW sa tama at magandang pagpapalaki ng mga anak. Sana ay magsilbing isang inspirasyon ang magandang kwentong ito sa lahat ng mga OFW sa buong mundo.(ni: Rogel Esguerra Cabigting)