in

MRS. MELODY P. JAMANDRA, TINANGHAL NA MRS. FLORA BELLA 2011

 

Rome – Isang tubong Catanduanes, ang kandidatang si Mrs. Melody P. Jamandra ang tinanghal na MRS. FLORA BELLA para sa taong itng 2011.    Naganap ang nasabing koronasyon noong Hunyo 5, taong kasalukuyan sa San Giuseppe All’Aurelia Parish Church na matatagpuan sa  Via Boccea sa siyudad ng Roma. 

alt

Ang MRS. FLORA BELLA ay isang fund raising project na taunang isinasagawa ng Our Lady of Peñafrancia Tuscolana Filipino Community.  Ito ay isang proyekto na may layuning makalikom ng pondo na inilalaan sa iba’t-ibang proyekto ng komunidad.  Matatandaan na isa sa mga nakatanggap ng kanilang mga donasyong tulong sa mga nagdaang mga taon ay ang Elsie Gatches Village sa Alabang, Muntinlupa City, ang kaisa-isang sangay ng ating gobyerno na nangangalaga sa mga kababayan natin na nasa sitwasyong “mentally challenged.”  Natutuwang ipinahayag ni Ms. Mary Nieva Manaog, kasalukuyang Coordinator ng komunidad na para sa taong ito, ang pondong nalikom na naging bunga ng patimpalak na MRS. FLORA BELLA 2011 ay igugugol sa pag-aaral ng mga estudyanteng seminarista na kasalukuyang nasa probinsiya ng Albay, Bicol.

Naging makulay ang mismong araw ng koronasyon para sa titulong MRS. FLORA BELLA 2011 dahil na rin sa pagdalo ng mga panauhing kinabibilangan nina:  H.E. Ambassador Mercedes Tuason, Philippine Ambassador to the Holy See; Ms. Marie Lami, Department of Trade and Industry Representative, kasama ang kanyang kabiyak na si Mr. Stefano Lami; Mr. Carlo Carpia, kinatawan ng Ministero dell’Industria & Sviluppo Economico at mga kababayan nating Pilipino na nagmula pa sa Germany.

Hindi man pinalad na maangkin ang korona at ang titulong MRS. FLORA BELLA 2011, naging masaya dahil na rin sa natamong tagumpay ng proyekto ang anim pang naggagandahang mga kandidata na kinabibilangan nina:  Ms. Elizabeth Naval, 1st Runner-Up (Manila), Ms. Nany Racelis, 2nd Runner-Up (Quezon Province), Ms. Herminia Malate, 3rd Runner-Up (Batangas), Ms. Felicitas dela Rosa, 4th Runner-Up (Bulacan), Ms. Ursula Sol Serrano, 5th Runner-Up (Camarines Sur) at Ms. Rebecca Minay, 6th Runner-Up (Iriga City). 

Lingid sa kaalaman ng marami, ang Our Lady of Peñafrancia Tuscolana Filipino Community ay isang komunidad na kinabibilangan ng mga Pilipino galing sa iba’t-ibang rehiyon sa Pilipinas.  Bagamat ang Our Lady of Peñafrancia ay santang patron ng mga Bikolanos, hindi ito nangangahulugan na ang komunidad ay limitado lamang sa mga Bikolanos, sa katunayan, ang katatapos lamang na patimpalak na MRS. FLORA BELLA ay kinatampukan ng mga kandidatang kumakatawan sa iba’t-ibang probinsiya ng Pilipinas. 

Bukod sa taunang patimpalak na MRS. FLORA BELLA, ang Our Lady of Peñafrancia Tuscolana Filipino Community ay nagsasagawa din ng taunang ”Fluvial Procession” – isang “religious procession on water” bilang pagbibigay pugay sa mahal na birhen ng Peñafrancia. (ni Rogel Esguerra Cabigting)

 

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Mga kabataang Pilipino inamin ang krimen, ika-anim na binatilyo hinahanap pa rin!

Araw ng Kalayaan sa Firenze, ipinagdiwang!