Mahigit 50 ang dumalo sa dayalogo na ginanap nitong Oktubre 23 sa pagitan ng Ofw Watch Italy at Philippine Consulate General Milan. Nakiisa ang mga Samahan ng manggawang Pilipino mula sa Messina, Catania, Roma, Cagliari, Pistoia, Montecattini, Empoli, Firenze, Bologna, Modena, Padova, Genova, Milan, Ferrara, Venice, Emilia Romagna, Parma, Napoli, Turin,Ravenna, Rimini, Arezzo, Cosenza, Salerno at Siena at pinamunuan naman ni Consul General Elmer Cato, Consul Kristine Laguros at ni Labor Attache Marge Marquez – ang panig ng PCG Milan.
Binalikan na ang dayalogo ay importante para matugunan ang mga hinaing at suliranin ng mga migrante. Binanggit ni Consul General Cato na ang naging adjustment sa halaga ng pasaporte ng bumaba ng 11.1% o €6 ay bunga ng ipinadalang mungkahi ng Ofw Watch Italy at iba pang Samahan. Ang pagkakaroon ng abogado ng mga biktima ng ALPHA Scam ay dahil din sa maagap na kolaborasyon ng Pambansang Alyansa at Konsulato. Ang pagharap sa lumalalang problema ng droga, pagkasangkot ng mga kabataang Pinoy-Italiano sa isang gang at iba pang usapin. Tinalakay muli ang usapin sa rollback ng presyo ng pasaporte.
Inirihistro ng Ofw Watch Italy na mula 2018 hanggang 2024 ay halos parehas ang halaga ng dolyar at euro liban na lang sa taon ng 2021 (Pandemya) kung saan hindi rin nakabukas ang tanggapan. Tinanong din kung bakit hindi kagyat na ipinatupad ng PCG at PE Rome ang adjustment gayong Hulyo 12, 2024 pa ibinaba ng DFA ang pagbabago. Matatandaan na Setyembre pa naglabas ng kalatas ang PE Rome hinggil sa pagbabago ng bayarin sa mga Consular Fees. Sinabi rin ng Alyansa na dagdag na taon, pahina at dagdag na security features ay hindi dapat bawiin o singilin sa hanay ng mga OFWs.
Inilinaw ng bagong Labatt na hindi dapat magbayad ng placement fee ang mga trabahong tulad ng caregiver, kasambahay, babysitting sa agency. Tanging ang mga skilled worker at professional job lamang ang magbabayad nito na katumbas ng isang buwang sahod batay sa kontrata. Maaaring lumiit pa ito kung maipapakita na matapos makaltas ang mga bayarin ay bababa ang neto ng buwanang sahod. Kung may mga paglabag ang ahensya o sinoman ay maaaring magsumbong sa tanggapan ng MWO sa Milan at Roma. May kaukulang kaso sa mga ahente at ahensya na aabuso. Isa pang magandang balita, wala ng bayad ang pagkuha ng OEC. Dahil naka-anunsyo na sa Gazetta Ufficiale ang Decreto Flussi ngayong Nobyembre 1, nagbabala ang bagong Labor Attache na mananagot ang mga Ahensya at ahente na gagawa ng panloloko (scam), masasangkot sa illegal trafficking, illegal recruitment.
Kaugnay naman ng Licence Conversion, may progreso sa patuloy na pakikipag-usap ng Embahada sa Roma sa Gobyerno ng Italya. Ganoon pa man, may pagbabagong muli sa lisensya na inilabas ng LTO, inaalala na huwag sanang makaapekto ito sa mga inabot na ng mga anumang usapan. Iminungkahi ng Pambansang Alyansa na sana ay maipasok sa Bilateral Agreement na kilalanin pa ang mga lisensya kahit paso na mula 2018, taon na inihinto ng Motorizazione Civile ang kobersyon ng Pilipino license.
Sa mga kaso ng off load para sa mga bumabalik ng Italya na tagliando ang hawak, iminungkahi ng Alyansa na kung maaring mag-isyu ang Konsulato at PE Rome na kilalanin ng Bureau of Immigration ang dokumento na balido.
Inanunsyo din na may Ofw Lounge sa NAIA airport kung saan maaring magpahinga at magmerienda ang mga nagbabalikbayang migrante. Priority dito ang mga OFW. Isang tanong na dapat malinawan kung ang isang pamilya na uuwi kasama ang mga bata ay kabilang sa benepisyaryo ng proyekto ng OWWA o para lamang sa mga kasapi nito.
Hinggil sa NBI inilinaw ni Consul Kristine na ang NBI application at ang Special Power of Attorney ay magkahiwalay na dokumento. Hindi inoobliga ang pagkuha ng SPA, ang importante ay makumpleto ang rekisitos para sa pagsusumite ng dokumento sa pagkuha ng NBI clearance.
Dapat may linawin sa Italian Government kung bakit humihingi sila ng Certificato Consulare kahit pa naka apostille na ang dokumento. Gayong isa sa pumirma ang Italya sa Apostille Convention. Ayon sa Konsulatong Panlahat, ang Electronic Apostille ay kinikilala nila bilang opisyal na dokumento.
Tinalakay din na patungo na sa digitalisation o paperless system ang mga ahensya ng Gobyerno.
Naging paksa din ang pagkakaroon ng bilateral agreement hinggil sa Social Security ng Pilipinas at Italia. Malaon ng iminumungkahi na pag-ugnayin ang kontribusyon ng mga mangagawa sa Pinas sa kontribusyon nila dito sa Italia. Mapapaiksi nito ang taon ng pagbabayad para maging kwalipikado sa pagtanggap ng pensiyon. Marami sa mga Pilipino na pumunta sa Italia ay nakapaghulog na ng kanilang kontribusyon para sa kanilang Social Security Pension.
May plano din ang Konsulatong Panlahat sa Milan na maglabas ng Consular ID. Malaki ang maitutulong nito para sa mga bumibiyaheng Pinoy tuwing nagbabakasyon sa Pinas. Ayon kay Konsul Heneral Elmer Cato kung matutuloy, ipamamahagi nila ito ng libre.
Sa mid term election, may malaking pagbabago sa botohan ngayong 2025. On line ang magiging registration at botohan. Inanunsyo sa mga susunod na araw ang detalye para sa nalalapit na eleksyon.
Ibarra Banaag