in

Multiple Encounter, ginanap sa Montecatini Terme, Toscana

Tinawag na Multiple Encounter ang kauna-unahang pagtitipon sa 2016 ng mga organisasyon ng mga Pinoy sa Montecatini Terme. United we stand, ang tema ng pagtitipon.

 

Montecatini, Enero 12, 2016 –  Isinagawa ang kauna-unahang pagtitipon sa taong 2016 ng iba’t ibang asosasyon/organisasyon ng mga Pilipino na ginawa sa oratorio ng parish ng Corpus Domini sa Montecatini Terme noong ika-1 ng Enero.

Ang makahulugang pagdiriwang ay tinawag na “Multiple Encounter” at ang tema ng nasabing pagsasama-sama ay “United, we stand”. Binigyang-diin ang halaga ng pagkakaisa ng lahat ng mga grupo na matatagpuan sa loob ng teritoryo ng Montecatini Terme.

Kabilang sa mga dumalo ang mga miyembro at opisyales ng mga sumusunod na grupo: RAM Montecatini Terme, Guardians Marilag Group Montecatini kasama ang ilan sa kanilang mga panauhin na taga Firenze, Boss Foundation, Team Beauties, Montecatini Knights, Guardians International (GI) Montecatini Terme Italy Legion, ilang mga kinatawan ng FACES in Tuscany (Filipino Arts, Culture, Entertainment Sports Tuscany), at GPII Anti-Crime National Legion of Switzerland Montecatini Chapter na sinoportahan ng kanilang mga kapatid na galing pa sa Modena.

Dahil sa magandang pagkakaorganisa ng pagdiriwang, maging ang ibang mga lahi na naging saksi sa maayos na pagtitipon ay nakisaya at talagang humanga sa pagiging palangiti at pagkakaisa ng mga Pilipino. Ani ng iba, ang mga Pilipino ay sadyang marami pag may mga pagtitipon pero wala namang makikitang gulo.

Non e’ la prima volta che vedo feste dei filippini, ma ogni volta che vi vedo festeggiare è sempre una meraviglia. Non c’è mai casino nelle vostre feste. Si sente un’ambiente familiare e si vede una bella fratellanza” pahayag ni Sig. Adelfo Tronchi, isang Italyano na malapit sa puso ng mga Pilipino sa Montecatini. Aniya, kung makikita lamang ng karamihan ng ibang lahi sa Italya kung paano ang ginagawang pagdiriwang ng mga Pilipino ay siguradong magiging magandang halimbawa umano ito para sa kanila.

Ang nasabing pagtitipon ay idinaan sa kantahan, sayawan, kuwentuhan, at ang pagpapalaro na nagpatingkad sa diwa ng bagong taon na sa ating bansa ay talagang binibigyan ng malaking importansya.

Marami ring nagpunta na minsan lang dumalo sa mga ganitong pagtitipon, ngunit sa pagkakataong ito ay bakas sa kanilang mga mukha ang kakaibang saya. Ayon sa isang “tropa” ng mga kabataan na dumalo “para kaming nasa Pilipinas! Ngayon lang po namin ito naranasan pagkatapos ng ilang taon mula ng dumating kami dito sa Italya”.

Ilang beses na nabanggit ng ibang mga bisita na ganitong uri ng pagtitipon ang matagal ng inaasam ng mga naninirahan sa Montecatini: ang pagkakaisa ng iba’t ibang organisasyon. Isang malaking sugat sa mga organisasyon ang inggit at hindi pagkakaintindihan. Sa pagkakataong ito ipinakita ng mga kababayan natin sa zona ng Valdinievole na kung nanaisin at may pagkakaisa, lahat ay posible.

Inaasahan ng karamihan na ito ay simula pa lamang ng maganda pang pagtitipon at kolaborasyon ng lahat, hindi lang ngayon kundi sa susunod pang mga buwan at taon.

ni Quintin Kentz Enciso Cavite Jr.

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Mga Dapat Malaman Tungkol sa KULEBRA o SHINGLES

Pinoy dance concert tagumpay sa ikalawang taon