Cagliari, Setyembre 2, 2013 – MASAKLAP man ang naging karanasan ng isang Pilipino Seaman na naaksidente sa barkong pinagtrabahuhan , panatag naman siya sa Cagliari na kanyang pinag-confine-nan.
Ito ang nararamdaman ni Kirby Torreon, 34 years old ng Tagbilaran Bohol Province nang siya ay makapanayam namin habang nakaratay sa Ospedelae Brutzo dito sa Cagliari.
‘Ganito pala dito. May kababayan na nag-aasikaso. Di ko talaga akalain. Di ko alam kung nasaan ako. Dinala lang nila ako dito,’pagkukuwento niya.
‘Ang sabi ng Doktor dito kailangang sa lumiit daw muna ang pamamaga ng tuhod mo. Then saka ka nila ooperahan. Tapos pagkalipas pa ng isang linggo kung puede ka ng makabiyahe, saka ka na makakauwi,’ pagpapaliwanag ni Father Toots habang itinuturo ang tuhod ng seaman.
‘Papahiramin ka namin ng cellphone na may Italian sim card para matawagan mo ang pamilya mo sa Pilipinas at para makapag text ka sa amin kung sakaling may kailanganin ka,’ pagmamagandang loob ni Vic Medina, isang Opisyal ng Dangal ng Guardians.
‘At ‘wag kang mag-alala, dadalawin ka namin madalas para di ka mainip,’ pahabol ni David Orillo isa ring Dangal ng Guardians.
Mangiyak-ngiyak namang nagpasalamat si Kirby sa naging pagpaunlak sa kanya ng mga bago niyang kakilala.
KUWENTO NG PANGYAYARI
Patungong Algeria mula sa Salerno (Italya) ang container na barkong ‘Novia’ na pinatatrabahuhan ni Kirby ng maganap ang aksidente.
Ayon sa kuwento nya, siya ay nadulas mula sa taas na tatlong magkakapatong na Container at buti na lang dahil hindi ulo ang unang tumama sa pagbagsak niya.
‘Pasalamat talaga ako at itong paa ko ang unang bumagsak ba. Kung hindi siguro patay na ako,’ naging pahayag nya. ‘Nagising na lang ako nasa clinic na ako ng barko namin at doon sinabi ng Kapitan namin na dapat dalhin na ako sa Ospital,’ dugtong pa niya.
Namamaga ang kaliwang paa ni Kirby ng siya ay ihatid ng 118 sa Ospedale Brotzu, alas 2 ng madaling araw noong Biyernes ika 23 ng Agosto 2013 sa nasabing ospital.
Madali namang nakipag-ugnayan ang tanggapan ng Embahada ng Pilipinas sa Roma sa pamamagitan ng Assistance to Co-nationals na likumin ang kaukulang impormasyon ng biktima. Agaran nilang ipinakiusap na makuha ang telepono ng magulang ni Kirby, ang Ahensya sa Pilipinas na kanyang inaplayan at alamin ang kanyang OWWA status. (Elmer Orillo)