in

Nagmaneho ng walang lisensya, Pinoy namultahan sa Modena

ako-ay-pilipino

Para sa mga motorista, ang usaping may kinalaman sa lisensya sa pagmamaneho ng sasakyan ay isang maselan na isyu. Marahil dahil ito ay mahirap makamit o kaya ay isang napakalaking “achievement” ng sinumang papalarin na magkaroon nito.  

Ang pagmamaneho ng walang lisensya ay ipinagbabawal ng batas sa bawat estado  at ito ay may kaukulang kaparusahan.  Alam din ng bawat drayber na ang pagmamaneho na hindi awtorisado ay hindi pinapayagan ng batas at sakaling mahuli ay isang  seryosong parusa ang ipinapataw.  Ngunit minsan ay may mga nagbabakasakali pa ring magmaneho na hindi sinusunod ang mahalagang alituntuning ito ng tinatawag sa Italya na “codice della strada”.

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na sa panahong ito ng “lockdown” ay mas pinaigting ng gobyerno ang pagkontrol sa buong bansa at ang mga kapulisan ay nakakalat sa mga kalye ng bawat lungsod. 

Sa Modena, isang bangungot ang naranasan ng isang pinoy noong araw ng sabado, ika-7 ng nobyembre bandang alas onse ng gabi. Habang minamaneho ang kanyang dalang sasakyan ay namataan ito ng nagpapatrol na mga alagad ng batas. Maaring natawag ang pansin ng mga ito ng kanyang sasakyan  na naka “high beam” at nakakasilaw. Sa pagpara sa sasakyan at pagsita sa estado ng mga ilaw ng sasakyan ay hindi nagtapos ang abentura ng pinoy. Isang bagay ang ikinagulat ng mga pulis sa kanilang isinagawang “random control”: walang lisensya sa pagmamaneho ang drayber ng Nissan Micra na kanilang pinara. 

Ang bagay na ito ay isang paglabag sa artikulo numero 116 ng codice della strada ng italya. Nasasaad sa nasabing artikulo na ang pagmamaneho ng walang lisensya ay isang krimen at ang lalabag ay mahaharap sa criminal case na may penalty fee mula €2.257 hanggang  €9.032 o kaya naman ay pagkakakulong hanggang isang taon kung ang maysala ay mahuli ng ilang beses sa parehong dahilan. 

Ang kasong ito ng 44-anyos na pinoy na “driving without license” ay naging dahilan upang ang mga awtoridad ay magpataw ng multang umabot sa limang libong euros, kasabay ang pagkasekwestro ng sasakyan sa loob ng tatlong buwan. 

Sa tanong kung bakit nasa labas ang pinoy sa ganong oras na sakop na ng oras ng curfew ay idinahilan nito ang kanyang trabaho, bagay na pinahihintulutan ng bagong dekretong inilabas ng gobyerno. 

Paalala sa mga kababayan na motorista:  sundin ang lahat ng mga alituntunin ayon sa probisyon ng road traffic ng bansa  nang hindi malagay sa alanganin at hindi mailagay sa panganib ang sariling buhay at ang buhay ng kapwa. (Quintin Kentz Cavite Jr.)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

ako-ay-pilipino

‘Contatto stretto’ sa isang positibo. Ano ang dapat gawin? Kailan dapat magpa-tampone?

Ilang katao sa pribadong sasakyan Ako Ay Pilipino

Ilang katao ang maaaring sumakay sa pribadong sasakyan, ayon sa huling DPCM?