Isang pinoy ang naharap sa alanganin matapos itong hulihin ng mga awtoridad ilang minuto makalipas ang hatinggabi ng Bagong Taon. Ang kaso ay ang pagpaputok ng cap gun, “pistola a salve” o “scacciacani” sa italyano.
Ang nasabing uri ng baril ay maihahalintulad sa isang laruan. Ngunit ang ingay na dala nito pag pumutok ay parang isang tunay na baril. Walang lumalabas na bala dito pag pumuputok kung kaya tinatawag din na “blanko”.
Ang pangyayari
Pahayag ng mga awtoridad, may ilang concerned citizens ang tumawag sa mga kapulisan sa kasagsagan ng pagsalubong sa bagong taon. Ayon sa mga testigo, nakita umano ang isang lalake na may hawak na baril sa iba’t-ibang direksyon. Matapos ang ilang sandali ay nagsimula na itong magpaputok na ikinagulat ng mga taong nakadungaw sa bintana. Ang alingawngaw ng putok ng baril ay naging dahilan upang ang mga tao ay matakot at agad ngang itinawag sa 112.
Matapos matanggap ang impormasyon, agad na nagtungo ang mga pulis sa lugar na itinuro ng tumawag.
“Venite subito perché qualcuno sta esplodendo colpi di arma da fuoco in strada” : Ito ang reklamo ng nasa kabilang linya, ayon sa ulat ng mga alagad ng batas. Mabilis ang tugon ng “squadra volante”. Ilang sandali lamang ay agad na narating ng mga ito ang lugar at natukoy ang lokasyon ng lalake.
Partikular sa episodyong ito ay ang mga sandaling nakunan ng video ng ilang residenteng nakasaksi sa pangyayari. Matapos umanong magpaputok ang pinoy, marahil dahil naubos na ang mga bala, ay nakita itong patawid ng kalsada. Sa mismong sandaling iyon naman ay ang pagdating ng patrol. Upang mas mabilis marating ang lugar at hindi makatakas ang kanilang “person of interest“, napilitan ang patrol mag counterflow. Nakita sa video na nabundol ng patrol ang patawid na lalake. Dinala ng ambulansya ang pinoy sa pronto soccorso ng Città Studi, kasunod ang patrol ng pulisya. Nang matapos ang check-up ay dinala ang 34-anyos sa himpilan ng pulisya at sinampahan ng kasong procurato allarme. (Quintin Kentz Cavite Jr.)