Pinangunahan ng Federation of Women in Italy, ang isang survey ukol sa diborsyo sa Pilipinas.
“Sa ating Family code, pinapayagan ang legal separation o ang paghihiwalay ng mag-asawa sa iba’t-ibang kaso na kakatigan ng korte at mapapatunayan tulad ng paulit ulit na pananakit at naglalagay sa peligro ng asawa o anak, pamimilit sa relihiyon o politika o moral pressure, lasinggero o pagkalulong sa droga ng asawa, pakiki-apid o pagkakaroon ng relasyon sa iba, pakikipagrelasyon sa kapwa babae o lalaki, pag-aabandona sa pamilya atbp. Ngunit sa kabila ng legal separation ay nananatili pa ring balido ang kasal ng mag-asawa dahil sa kawalan ng batas ng Pilipinas sa Diborsyo. Maaari lang mapawalang bisa ang kasal kapag sumakabilang-buhay ang asawa o hindi kaya ay sa pamamaagitan ng pag pa file sa korte ng presumptive death of a spouse para makapag-asawang muli.
Sa inyong palagay napapanahon na ba ang DIVORCE LAW sa Pilipinas” Oo o Hindi at bakit..?”
Ito ang nilalaman ng ‘questionnaire’ ng Federation of Women in Italy, partikular sa Roma, Florence at Bologna para sa survey kung panahon na bang magkaroon ng batas sa Diborsyo sa Pilipinas.
Ito ay sinimulan noong Enero at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Layunin itong ikalat sa buong bansa ng Italya upang kilalanin at alamin ang saloobin ng mga kababaihang Pilipina: sumasang-ayon ba o hindi sa diborsyo at bakit.
Sa katunayan, sa pagdiriwang ng ikatlong taong anibersayo ng nabanggit na grupo nitong Marso na pinangunahan ni Blanca Ramirez Godfredo, ay inilabas ang unang resulta ng kanilang survey.
Ayon kay Pia Gonzalez-Abucay, ang naglahad ng resulta ng naturang survey, sa loob ng 400 kababaihang sumagot sa questionnaire, ay 90% ang pabor dito at 10% lamang ang sumagot ng hindi. Nangangaluhugan lamang na ayon sa mga interviewees ay panahon na upang magkaroon ng batas.
Partikular ayon sa karamihan na sang-ayon ay panahon na upang magkaroon ng batas sa diborsyo upang mabigyang pagkakataon ang naghihiwalay na mag-asawa na mamuhay ng may laya at rispeto sa isa’t-isa. At mabigyang solusyon ang mga pagsasamang hindi naging matagumpay at hindi nalampasan ang mga suliranin ng pagiging may asawa at ang tanging solusyon ay tila ang mawalan ng bisa ang kanilang kasal. Ayon naman sa iba, ito rin umano ay para sa mas maayos na kinabukasan ng mga bata sa halip na mamulat sa isang hindi nagkakasundong pamilya na maaaring maging sanhi pa ng mas maraming suliranin ng anak. Gayunpaman, ayon sa mga interviewees, bago ganap na igawad ang diborsyo ay nararapat umanong dumaan sa isang proseso na layong pagkasunduin ang mag-asawa at ang diborsyo ang ‘last option’ sakaling masawing pagkasunduin ang mga ito.
Ang naturang survey ay ipararating sa Pilipinas ng pederasyon upang ipaalam ang saloobin ng mga kababaihang Pilipina sa Italya.
Matatandaang muling sinubukan ng Gabriela Women’s Partylist na isulong sa Kamara ang panukalang pagsasalegal sa Pilipinas ng diborsyo.
Ang Pilipinas na lamang ang nalalabing bansa na wala pang batas hinggil sa diborsiyo. Maging dito sa Italya kung saan matatagpuan ang sentro ng Katolisismo na Vatican, ay mayroong batas para rito.
Ang diborsiyo sa Pilipinas
Sa ilalim ng New Civil Code noong Agosto 30, 1950 ipinagbawal ang diborsiyo. Pinayagan na lamang ang legal separation sa panahong ito. Sa Family Code unang ipinakilala ang konsepto ng psychological incapacity na batayan sa pagwawalang-bisa ng isang kasal.
Sa halip na diborsiyo, mayroon lamang mga opsiyon na maaaring pagdaanan ang mag-asawang nagnanais maghiwalay.
Nariyan ang annulment at declaration of nullity of marriage. Sa ilalim ng prosesong ito, ang korte ang magpapasya na ang kasal ay depektibo at hindi dapat naganap sa simula pa lamang.
Ang mga batayan sa ilalim ng prosesong ito ay:
(1) Kung ang isa sa magkapareha ay menor de edad at ang pagpapakasal ay walang pahintulot mula sa mga magulang;
(2) Ginamitan ng panlinlang o panloloko tulad ng mga sirkumtansiyang ang isa ay may sexual transmitted disease;
(3) Pagkakaroon ng anak sa labas ng kasal ang isa sa mag-asawa,
(4) Ang isa ay napatunayang may sala sa batas;
(5) Lesbiyana o bakla ang isa, at kung nalulong sa droga ang isa sa mag-asawa.
Sa loob ng prosesong ito, kailangang patunayan ang mga batayang ito ay nangyari bago pa man ikasal ang magkapareha. Puwede ring maging batayan ang pagiging inutil, baliw o psychological incapacity ng isa sa magkapareha. Ngunit hindi nito sinasaklaw ang panahon at mga pangyayari matapos ang kasal o habang ang dalawa ay nagsasama.
Sa prosesong ito, maaaring itakda ang kasal ay invalid o walang naganap na kasal sa simula pa lamang. Ang resulta nito ay pagiging illegitimate ng mga anak.
Maging ang simbahang Katoliko ay dumidinig din ng kasong annulment, ngunit maaaring hindi kilalanin ng bawat isa ang kani-kanilang mga desisyon.
Ang legal separation naman ay prosesong pinapayagan ng korte na pisikal na maghiwalay ang mag-asawa ngunit hindi nilulusaw ang kasal. Ibig sabihin, legal ang kanilang paghihiwalay. Pero sinuman sa magkapareha ay hindi maaaring mag-asawang muli ng iba. Ang mga batayan ng paghingi ng legal separation ay katulad din sa annulment.
Ang kadalasang pinapatunayan ng sinumang nagnanais mapawalang-saysay ang kasal ay ang psychological incapacity ng isa sa magkapareha, maging ang nagsampa ng kaso. Nagiging sanhi ito ng pagtagal ng kaso, dahil sa wala sa magkapareha ang umaamin na sila ang may diperensiya.
Bukod dito, lubhang napakalaki ng gastusin sa prosesong ito maging sa legal separation. Sa tantiya ng ilang abogado, aabot sa halagang P300,000 ang kinakailangan ng sinuman upang makapagsampa ng kaso. Kasama na rito ang bayad sa korte, abogado at psychologist para sa psychological evaluation.