in

Nico Hidalgo, itinanghal na Sanremo New Talent 2022

Kailan lamang ay isa lamang siyang mahigit 10-taong gulang na bata noong taong 2004 nang mapetisyon ng kanyang mga magulang na sina Noel at Felsie Hidalgo ng Bologna, mga tubong-Laguna. Kabilang siya sa mga kabataan na nakaranas ng culture shock dahil sa nadatnang kakaibang pamumuhay dito sa Italya pero natutuhan din ang integrasyon sa lipunang may iba’t ibang lahi. Ang kanyang mga magulang ay nakatutok sa pagtatrabaho upang matustusan ang kanilang pamumuhay na mag-anak dito at makatulong din sa pamilya sa Pilipinas. Sila ay kilala sa Bologna bilang mahuhusay sa pag-awit at pagtugtog ng mga instrumento, kung kaya’t di nakapagtataka kung bakit nagtatagumpay sila sa larangan ng musika.

Isa nga itong si Nico Hidalgo, 29 anyos, bunso sa pitong mga anak nila Noel at Felsie na nagdala muli ng karangalan sa kanilang pamilya, at sa bayang Pilipinas. Napanalunan ni Nico ang SANREMO NEW TALENT sa youth category noong ika-25 hanggang ika- 28 ng Setyembre, sa ginanap na SANREMO NEW TALENT SUMMER 2022 dito sa Italya. Nakatanggap siya ng “record production award at the Fonoplay in Milan and a visibility award worth 20,000 euro.” 

Ang mga de kalidad na hurado para sa pinale, na tinukoy ng patron na si Devis Paganelli, ay binubuo nila Maestro Vince Tempera bilang puno ng hurado, kasama si Paolo Paltrinieri na dating pangulo ng Mediaset Musica, si Valter Sacripanti na isang artistikong producer, ang sikat na dancer, singer at recordwoman na si Joy Salinas at si Cizco, isa ring performer.

Ang Sanremo Newtalent Summer 2022 ay ginanap sa Alltromondo Studios at naka-broadcast sa SKY at Bom Channel 68. Mula sa katambal nitong kumpetisyon, ang TiSpiazzo na itinanghal sa palco ng Rimini, nakapasok si Nico sa San Remo competition at nakuha ang titulo sa kanyang pag-awit ng mashup song na “No one – Luna”.

Bago pa ang San Remo, may mga nasalihan din siyang iba pang mga timpalak sa pag-awit gaya ng Like a Star in 2020 na siya ang nanalo, at sa iba pang talent contest na ginanap sa Vergato, Corrida at sa Ti Spiazzo kung saan ito nga ang nagbigay-daan sa kanya para makasali sa Sanremo New Talent.

Sa panayam sa kanya, nabanggit niya na halos wala siyang naging ensayo dahil ang mas pinaghandaan niya ay ang pagdisiplina sa sarili, di pag-inom ng alak o paninigarilyo man, mas higit ang pisikal na preparasyon at sapat na pahinga. Ito ang nakatulong sa kanya upang magkaroon ng sapat na lakas ng katawan at kumpiyansa sa kanyang kakayahan sa pag-awit. 

Sa ngayon ay nagtatrabaho siya bilang responsabile sa reparto design at programmer ng isang mechanical factory sa Bologna. Paminsan-minsan ay nakukumbida upang umawit sa mga programa ng Filipino community kasama ang banda at iba pang mang-aawit at nagtatanghal din siya sa tinaguriang entablado sa kalye sa Bologna kung saan ay mapapakinggan at makikilala siya ng publiko. Kilala din siya sa taguring SETTIMO o 7TH. 

Ang pangarap niya ay magkaroon ng isang record-producing studio at makapagturo din sa ibang aspiring singer para maibahagi naman daw niya sa iba ang bigay ng Diyos na talento sa kanya. 

Sadyang may pamamaraan ang mga Pinoy na makagawa ng sarili nilang marka sa anumang pasukin nilang larangan, yaon ay dahil sa determinasyon nila at malinis na hangarin na maipakilala ang lahing Pilipino saan mang dako ng mundo. (Dittz Centeno-De Jesus)

Click to rate this post!
[Total: 6 Average: 4.3]

Trofeo d’Autunno ng Okinawan Karate Club Roma, isang tagumpay! 

Medico di base na Pilipino sa Roma? Piliin si Dott.ssa Jerilyn Tan Balonan