in

NICOLE SEVERO, mula Roma rarampa sa Manila para sa Miss Asia Pacific International 2019

Sang-ayon ang lahat na ang mga pilipina ay hindi nagpapahuli sa mundo kung pagpapakitang-gilas sa larangan ng mga beauty pageants ang paguusapan. Kalimitan ay kabi-kabila ang beauty contests lalo na kung may mga kapistahan.

Ang mga nakaraan at kasalukuyang panalo tulad ng kamakailang pagkapanalo ng pinay-aussie na si Catriona Gray na nakakuha ng korona ng nakaraang Miss Universe ay siguradong nagbigay inspirasyon sa mga kabataang kababaihan na subukan at tahakin din ang parehong landas, bitbit ang pag-asang magdadala sa kanila sa tagumpay.  Ngunit ang tamis ng tagumpay ay hindi nakukuha sa madaling paraan at lalong hindi biro ang kanilang mga pinagdadaanan. Mahigpit na pagsasanay at disiplina sa sarili ang kinakailangan upang makuha ang pinakakaasam na titulo.

Ngayong taong 2019 ay isa sa mga prestihiyosong patimpalak ang gaganapin sa Pilipinas, dahilan kung bakit mula Roma ay lumipad si Nicole Severo patungong Manila, kasama ang kanyang numero unong tagahnga na si Mrs. Vicky Severo, ang butihing ina na siyang laging nakaagapay at nagbibigay lakas-loob sa kanya.

Ang batang-batang “half italian half filipinobeauty queen na ito ay ang pambato ng Italya sa Miss Asia Pacific International 2019, isa sa pinakamatagal na patimpalak sa buong asya na nagsimula pa noong taong 1968. Ang MAPI ay unang nakilala bilang Miss Asia Quest. Sa simula ay tanging mga taga Asya at Oceania lamang ang puwedeng sumali. Makalipas ang halos labimpitong taon ay napalitan ang pangalang ito at naging Miss Asia Pacific Quest at dito ay pinahintulutang lumahok ang mga kandidata na nasa boundary ng pasipiko.  Taong 2005 ay muling pinalitan ang pangalan sa mas kilala na ngayong  “Miss Asia Pacific International” at ang patimpalak ay bukas na para sa lahat na gustong sumali mula sa buong mundo.

Ang pinakakaabangan ng lahat na MAPI 2019 ay nasa ika-4 na yugto na mula nang ito ay muling inilunsad noong 2016 at gaganapin sa Newport Performing Arts Theater sa Pasay City. Nasa halos 80 bansa ang mga kalahok sa nasabing contest. Ang kinatawan ng komunidad ng mga pilipino sa Italya na si Nicole ay hindi na bago sa karamihan. Maraming patimpalak na ang kanyang sinalihan at napagtagumpayan, maliban pa sa kanyang “guestings” sa iba’t-ibang komunidad ng mga pilipino sa buong Italya. Bagamat lumaki sa Italya si Nicole ay hindi nawawala sa kanya ang pagiging pilipina. Magalang at mahinhin, at higit sa lahat ay likas sa kanya ang pakikipagkapwa.

Sa bansang Italya, ang Miss Asia Pacific International ay may maituturing na headquarters sa Bologna at ang mga taong nasa likod nito sa Italya ay sina JG Guidangen, Beverly Fernandez at Maria Sol Sobida. Partikular, si Trizha Dimayuga Joaquin na nagbigay ng lahat ng kailangan ni Nicole mula sa accessories, casula dress, long gown at evening gown.

Layunin ng mga organizers na matulungan ang mga kababaihan sa kanilang “self-empowerment”, at ipakita at isabuhay ang kanilang halaga sa sosyudad na kanilang ginagalawan. Malakas ang kanilang paniniwala na ang bawat babae ay may taglay na sariling ganda at “uniqueness” kung kaya’t kailangan din nilang tanggapin at igalang ang kaibahan ng iba sa kanila, dahilan kung bakit ang pangunahing tema ng patimpalak ay “beauty in diversity”.

Kasalukuyang naghahanda ang lahat ng kalahok pati na rin ang mga komite ng nasabing prestihiyosong patimpalak. Pormal na nagsimula ang arko ng paghahanda noong ika-25 ng setyembre at ang magwawagi ay itatanghal sa ika-9 ng oktubre. Bago dumating ang araw ng koronasyon ay ipapakilala ang lahat ng kalahok sa mga tao gamit ang telebisyon at social media upang mabigyang pagkakataon din ang mga tao na makapagbigay ng kanilang personal na opinyon at piliin ang sa tingin nila ay ang karapat-dapat na magsuot ng korona. Ang pinal na desisyon na manggagaling sa opisyal na hurado ay malalaman lamang sa gabi mismo ng koronasyon na isasagawa sa Oct 9. Gagabayan ng fashion designer na si Ms. Angela Taloza si Nicole sa kanyang paghahanda. Habang abala ang Pilipinas sa lahat ng paghahanda, nakaabang at umaasa naman ang mga pinoy dito sa Italya na sa pagbabalik ni Nicole ay dala-dala nya na ang pinakakaasam na korona ng MAPI 2019.

Quintin Kentz Cavite Jr.

 

Basahin rin:

Mga Pinoy, tinanghal na Best Designer at Best Model 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Ako ay Pilipino

Ibalik mula 4 sa 2 taon ang aplikasyon ng italian citizenship, hangad ng bagong gobyerno

Pinoy, arestado sa kasong rape sa Como