Milan, Oktubre 10, 2014 – DABARKADS (TGIF), ito ang samahan ng mga Pilipino sa Milan, sa ilalim ng pamumuno ni Eddie Abrasaldo, o Tito Ed para sa mga miyembro nito, na nagbibigay ng suporta sa Project Malasakit Foundation ni President at Chairman Kara David sa pamamagitan ng isang Disco Night Fund Raising – A Night for a Cause.
Ang DABARKADS (TGIF) ay nagsimula sa 7 magka-kaibigan na sa tuwing araw ng Biyernes ay nagkakaroon ng regular na bonding. Hanggang nagpasya si Abrasaldo, bukod sa pagiging magkakaibigan, ay buuin bilang isang grupo na may magandang layunin, ang magbigay tulong sa mga nangangailangan, hindi lamang sa Pilipinas kundi kasama na rin ang mga kababayan natin kahit saan man bahagi ng Italya.
Tatlong taon na mula nang naitatag ang DABARKADS, ayon kay Abrasaldo. Sa pamamagitan ng kasalukuyang proyekto kay David ay kanilang nasu-suportahan ang mga kapuspalad nating kababayan mula Hilaga hanggang sa Katimugang bahagi ng Pilipinas. Bahagi rin ng programa ang iparehistro ang grupo sa Comune di Milano upang pati na rin ibang lahi ay kanilang matulungan kung kinakailagan.
Sa inilabas ni Abrasaldo na isang video message ni Kara David sa isang social networking site ay ipinaliwanag ang layunin ng Project Malasakit Foundation. Ang naturang foundation ay tumutulong sa mga batang kapuspalad partikular sa mga tribal minorites tulad ng mga Mangyans, Dumagats at Aetas. Ito ay sumasaklaw sa kalusugan, edukasyon at maging pagpapatayo ng mga pasilidad na makakagaan sa araw-araw ng pamumuhay ng mga kapuspalad.
“Sinimulan namin ang kaunting tulong sa pamamagitang ng pagpapadala ng mga relief goods sa foundation” wika ni Abrasaldo.
Bilang namumuno isang magandang halimbawa ang ginawa ni Abrasaldo sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan. Isang malaking kahon ang kanyang inilagay at hiniling na mga basic commodities ang i-regalo sa kanya. Napuno agad ang kahon at naipadala agad sa foundation. In kind o in cash man ang kanilang matanggap ay kanila itong ipinapadala sa foundation na napili.
“Mga bagay na maaaring pakinabangan ng mga kapuspalad sa Pilipinas ang naging hiling niya mula sa mga miyembro at bisita noong siya ay nagdaos ng kanyang kaarawan”, may paghangang kumpirmasyon ng ilang miyembro.
Kamakailan lamang ay natanggap ng Project Malasakit Foundation ang halagang naipadala ng grupo sa pamamagitan ng isa sa miyembro nito na personal na tinaggap ni David para sa Project Malasakit.
Samantala, isang panawagan buhat sa DABARKADS sa sinumang nais na magbigay ng mga bagay o halaga bilang tulong at walang oras para ipadala ang mga ito sa Pilipinas, ang grupo ay handang ipaabot ang kanilang tulong.
Taus puso naman ang pasasalamat ng foundation sa DABARKADS, maging sa mga Pilipino sa Milan dahil sa malaking tulong at suporta na kanilang natatanggap.
Sa kabila ng magandang hangarin ng grupo, isang trahedya ang kanilang hinaharap sa kasalukuyan. Isa sa kanilang kasamahan ang naaksidente sa train subway sa Milan dalawang linggo matapos ang matagumpay na fund raising project ng grupo. Lubos na nakikiramay ang buong samahan ng DABARKADS (TGIF) kasama ang Ako ay Pilipino, United Pinoygraphers Club Milan at A-Zone sa asawa’t anak ni Azilana Fernando Bola, kaibigan ng lahat, masipag at mapagmahal na miyembro ng DABARKADS (tgif).
ni: Chet de Castro Valencia
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]