Mahaba man ang paglalakbay patungo sa tagumpay ay patuloy pa ring mangarap tulad ng mga Ofws na sina Ronnie at Liza.
Hindi natin maitatanggi na ang pagiging OFW ay isang lakbayin. Malimit nating marinig ang mga katagang “nagsisikap sa ibang bansa upang itaguyod ang kanilang pamilya”. Ngunit ang kaakibat ng pagtatrabaho sa ibang bansa ay ang pagkawalay sa mga mahal sa buhay.
May mga bumabalik sa Pilipinas na nabigo sa kanilang pangarap. Mayron din namang naging matagumpay tulad ng mag-asawang sina Ronnie at Liza na nagbahagi ng kanilang kuwento upang maging inspirasyon sa napakaraming kababayan na nakikipagsapalaran sa iba’t-ibang bansa sa labas ng Perlas ng Silangan.
Kung maganda ang buhay sa Pilipinas at hindi dama ang sobrang kahirapan ay walang maraming kababayan natin ang lilisanin ang kanilang mga pamilya upang makipagsapalaran sa ibang bansa. Mga normal na linya ng mga nangibang bansa: napiliitan at nabuyo, naakit na mangibang bansa para mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilyang naiwan sa Pilipinas.
Ganito din ang simula ng kuwento ng mag-asawang taga Mindoro na sina Ronnie Luzon at Dignaliza Tolentino Luzon kasama ang kanilang anak na si Liro Luzon na ngayon ay 21 years old na at naninirahan sa Firenze. Si Dignaliza ay nakapagtapos bilang midwife samantalang si Ronnie naman ay nakakuha ng kuwalipikasyon sa Basic Seaman Training Course o BSTC sa Batangas City Lyceum.
Naunang nakarating sa Italya si Dignaliza taong 1991 sa tulong nina Lorendo Tolentino at Evelyn Datinggaling at nagsimualng magtrabaho bilang colf ng isang mabait na employer habang si Ronnie naman ay naiwan at nagtrabaho bilang isang konduktor ng pampasaherong jeep na biyaheng Calapan-Puerto Galera. Nasubukan niya ring sumakay ng barko na bumabiyahe sa India at Dubai ngunit hindi din siya pinalad sa mga panahong inilagi niya sa kumpanyang napasukan. Hanggang sa dumating ang taong 1996 nang mapagdesisyunan ng mag asawa na pasunurin sa Italya si Ronnie sa pamamagitan ng flussi o direct hiring. Bitbit ang mga pangarap at mithiin, magkasamang hinarap ng dalawa ang mga pagsubok sa bansang Italya.
Hindi naging madali ang kanilang naging karanasan sa pagtatrabaho. May mga panahon na lumalabas sila ng bahay na madaling araw at bumabalik ng bahay ng alas-10 na ng gabi. Tuloy-tuloy ang pagtatrabaho. Inaabot na sila minsan ng tanghalian sa kalsada, baon ang kanin at nilaga o pritong itlog. Paminsan naman ang ay napapalitan ang ulam ng adobo na tira pa ng mga nakaraang araw. Matagal na umabante ang ganitong sistema ng buhay nilang mag-asawa. Matagal na walang day off. Nawalan halos sila ng oras para sa mga sarili, napabayaan din ang kanilang social life, puro trabaho ang inatupag ng dalawa. Tiis, sipag, at pagiging wise sa paghawak ng pera ang kanilang naging puhunan sa paglalakbay patungo sa pangarap na maingat nilang itinago sa kanilang mga puso.
Tinatanaw nilang malaking utang na loob ang pagpapayo ng mga taong nakapaligid sa kanila, mga kaibigan man o kamag-anak. Payo ng karamihan sa kanila ay maginvest sa Puerto Galera kung saan nagpupunta ang maraming mga turista.
Taong 2011 ng pasukin nina Ronnie at Liza ang mundo ng pagnenegosyo. Ang naging focus nila ay “food business” dahil umano sa mga paghihirap na pinagdaanan nila kung kaya’t pagkain ang unang pumasok sa kanilang isip. Nagkaroon sila ng ilang food stalls sa loob ng Robinsons Mall Foodcourt at pati na rin sa Puregold sa Calapan City, sa pamamahala ng kapatid na teacher ni Liza at ng kapatid na lalake ni Ronnie na siyang nagseminar sa pag-franchise ng kanilang business.
Nakapagpatayo din sila ng malaking bahay sa Calapan City na may swimming pool para sa pamilya, at isa pang bahay sa Puerto Galera na pinauupahan sa mga amerikano, bukod pa sa isang lote na kanila namang pinauupahan sa mga vendors ng prutas at gulay.
Ngunit ang maituturing nilang korona ng kanilang mga investments ay kanilang bagong hotel, ang Liza&Liro’s Hotel (Paradiso di Primavera) na nagbukas noong ika-25 ng buwan ng nobyembre 2018 na may 19 rooms at matatagpuan sa white beach sa Puerto Galera.
Nasa plano na ng magasawa na sa lalong madaling panahon ay magpahinga na sa pagtatrabaho sa Italya at bumalik na sa kanilang lupang sinilangan upang personal na pamahalaan ang bunga ng kanilang pagod at pawis sa abroad. Nagpapasalamat sina Ronnie at Liza dahil ang kuwento ng kanilang buhay sa labas ng bansa ay hindi nagtapos sa isang mapait na karanasan ngunit nagdulot ng ngiti sa kanilang buhay.
Hindi nila kailanman makakalimutan ang mga paghihirap na pinagdaanan sa kanilang pakikipagsapalaran sa Italya na ayon sa kanilang mag-asawa ay kanilang pakaiingatang magandang alaala sa kanilang pagtanda. Mga alaala noong sila ay walang-wala at paghihirap na nagdala sa kanila sa buhay na matagumpay. Sa tanong na “ano ang masasabi ninyo sa mga kapuwa ofw?” ang may ngiting sagot ng mag-asawa ay “Magipon at maging dedicated sa trabaho habang bata at malakas pa. Don’t stop dreaming at huwag makakalimot sa Panginoon”.
Quintin Kentz Cavite Jr.