OFW Center, ang temporary shelter na proposal ng ilang filcom leaders sa Milan masiguro ang kapakanan ng bawat Ofw dito.
Milan, Marso 9, 2017 – Para masiguro ang kapakanan ng bawat Ofw sa Milan, lalo na’t sa ibang bansa na rin sila nagkaka-edad, ay may proposal ang ilang filcom leaders na magkaroon ng tinatawag na OFW Center na magiging temporary shelter ng mga kababayang senior citizens. Ito ay isang lugar na magagamit din ng filcom upang pagdausan ng kanilang mga meetings.
Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration Milan o OWWA Officer Jocelyn Hapal, bahagi ng kultura at tradisyon nating mga pinoy na alagaan ang ating matatanda, bilang pagrespeto sa kanila.
Ngunit mataas aniya ang cost of living dito, at limitado ang oras sa pag-aaruga ng mga manggagawa sa kanilang mga nakakatandang kamag-anak. Ibig sabihin ay halos kalahati o mahigit pa sa kanilang buhay, ay ibinuhos nila ang pagta-trabaho sa ibayong dagat at dito na rin tumatanda.
“Kaya lang ang pamumuhay dito sa Italya, ‘yung pressure at iba ang lifestyle. Kailangan kumayod, dahil bukod sa malaki ang gastos ay nagpapadala pa sa Pilipinas”, dagdag ng OWWA officer.
Hinalimbawa ni Hapal ang kaso ni nanay Gilda Velasquez, 69 taon gulang, tubong San Carlos Pangasinan at mahigit 40 taon na dito sa Italy. Kinakailangan na siyang alalayan ang kanyang pag-uwi upang sa Pilipinas ay mag-umpisang uli sa kanyang panibagong buhay sa kasalukuyang edad.
Si Nanay Gilda, ay huling nakita sa sentro ng Milan, partikular sa isang burger chain, walang permanenteng masisilungan at kung saan-saan lamang nakikituloy. Hanggang sa may isang pinoy na nagmalasakit at dinala ito sa isang institute sa Milan, kung saan nakatira rin ang iba’t ibang mga lahi na katulad ni nanay Gilda na walang masisilungan.
Ngunit dahil sa takot na baka may masamang mangyari sa kanya ay hindi nagtagal sa institute si Nanay.
Hanggang sa nag-viral ang isang post sa social media ng isang kababayan ukol sa sitwasyon ni Nanay Gilda.
“Mabuti na lang, mayroon mga filipino community na talagang concern sa ganitong pangyayari dahil sila din naman ay tatanda”, wika ni Hapal.
Natutuwa din ang OWWA Milan dahil sa malasakit na ipinakita ng ilan mga Pinoy sa kaso ni nanay Gilda.
Si nanay Gilda ay dumating sa Palermo taong 1977 at doon ay nagtagal siya ng mahigit 3 taon bilang isang domestic helper. Aniya, hindi kalaunan ay tinanggap ang alok na trabahong substitute sa Milan matapos mamatay ang kanyang employer sa Palermo.
“Mula Pilipinas hanggang Switzerland, tapos Milano Centrale then Palermo dahil may naghihintay sa akin na trabaho doon”, kwento pa ni nanay Gilda sa Ako ay Pilipino.
Halos hindi na rin maalala ni nanay Gilda ang kanyang pinagdaanan na trabaho.
Milano 2 at Cernesco sa Milano ay namasukan siya bilang substitute domestic helper sa mga mayayamang employer ng mahigit 25 years. Hanggang sa nagsawa umano si Nanay at umalis sa kanyang mga amo. Mula noon ay hindi na siya muling nakahanap pa ng panibagong trabaho.
Sinabi pa ni Nanay na nagkasakit umano siya sa tiyan. Siya ay na-ospital at doon nagsimula ang kanyang pagkalimot. Maging ang kanyang permesso di soggiorno ay hindi na nakuhang ma-renew kung kayat ito ay nanatiling expired mula noon.
Ayon pa kay Hapal, malapit na din mag-expire ang kanyang Philippine Passport, pero sakaling expired na ito ay magagawan naman nila ito ng paraan.
Kinupkop ng OWWA si nanay Gilda at tinipon-tipon ang kanyang mga gamit kasama ang ilan concerned na kababayan at pinatuloy ito sa isang bahay ng OFW habang inaasikaso ang kanyang mga travel documents.
“Ang masakit nito ay wala siyang naipundar sa banko, after all sa marami niyang kinita dito, hanggang sa pension wala siya, kaya mahirap para sa kanya na mag-stay dito”, wika ng OWWA officer.
Bahay lamang ang naatikha nito sa San Carlos.
Sa mga panahon na nasa poder ng OWWA si nanay Gilda ay nagdadalawang-isip umano kung babalik na siya sa Pilipinas o mananatili dito, subalit para sa OWWA at mga concern OFWs ay dapat nang umuwi ang beterana.
“Pero hindi pa naman huli ang lahat, simula ng pinakamaganda di ba nanay? Makakasama mo ang kapatid mo”, ani Hapal kay nanay Gilda.
Sa puntong ito ay nakumbinsi na rin si nanay na bumalik sa San Carlos Pangasinan.
Sa pag-expedite ng mga travel documents ni nanay Gilda ay nakauwi ito na maayos. Agad na nakipag-ugnayan si Hapal sa OWWA Region 1 upang salubungin ang beteranang OFW sa Clark Airport sa Pampanga at ihahatid siya sa kanyang probinsiya.
Ang pagkakaroon ng isang OFW center sa Milan ay isang malaking tulong para sa mga OFWs. Subalit inaalam pa ng OWWA ang mga posibilidad sa pagkakaroon ng mga ganitong pansamantalang kanlungan ng mga kababayang nagkaka-edad.
Posible din umano kahit sa labas ng Milan ayon sa OWWA officer. Ngunit kailangan pa rin na makipag-ugnayan sa local governement ng Milan o kung saan lugar na maaring magtalaga ng OFW center.
At base sa karanasan ng OWWA Milan, hindi lamang si nanay Gilda ang kanilang natanggap na ganitong kaso bagaman hindi mabatid ang eksaktong bilang ng mga OFWs na humihingi ng proteksyon sa kanila.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Hapal na hindi sila maaring maging mga OWWA members dahil wala silang trabaho at ito ay nakasulat kanilang regulasyon.
“Maraming mga usapan sa pagsulong ng bilateral agreement on social security, ito yong unang – una na sana sundan pa rin ng mga Pilipino organization na magkaroon ng agreement between Philippines and Italy kasi ito with add protection, mare-recognized nito yung contribution nila both here in Italy and the Philippines, at maganda pa doon sa kasunduan, yong portability na, hindi kailangan manatili dito na may edad para mag pension, na sana ma-enjoy nila ang pension nila kahit nandoon sila sa Pilipinas”, ani ng OWWA officer.
Kung kaya’t hindi na nararapat na umabot pa sa mga ganun edad tulad ni nanay Gilda na manatili dito na titiisin ng isang OFW na marating niya ang pension age para lamang makatanggap ng kanilang kuntribusyon sa Italian government.
At sa panawagan ni Hapal sa mga 2nd generation, di tulad ni nanay Gilda ay dapat na matuto silang humawak ng pera at planuhin ang kinita, magplano ng maayos upang sa ganun sa kanilang pag-uwi ay makasama ang kanilang iniwan na mga mahal sa buhay upang mamuhay ng marangya.
ni Chet de Castro Valencia