in

OFW Got Talent at Balik-Saya, tampok sa Kalayaan 2024 sa Roma

Mahigit sa 6,000 Pilipino sa Roma at mga karatig-lungsod ang nagtipon-tipon upang ipagdiwang ang ika-126 Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas at ang inabangang Balik-Saya sa Italya 2024 noong June 9, 2024 sa Atlantico Live, sa Roma. Ang pinakamalaking pagtitipon ng mga Pilipino sa Italya ay inorganisa ng Philippine Independence Day Association (PIDA), sa pakikipagtulungan ng Philippine Embassy Rome at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Dumalo sa pagdiriwang sina Ambassador to Italy Nathaniel Imperial, mga opisyal at kawani ng Embahada ng Pilipinas at Migrant Workers Office (MWO) sa Roma, Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Attorney Patricia Yvonne M. Caunan, at OWWA Administrator Arnel Ignacio.

Sa paunang mensahe, pinasalamatan ni PIDA President Luis Salle ang Philippine Embassy Rome sa naging dedikasyon nito upang maging matagumpay ang pagtitipon. Lubos din ang pasasalamat nito kay OWWA Administrator Arnel Ignacio at OWWA Board of Trustees sa pagpili sa Roma para sa Balik-Saya 2024 sa Italya. Hindi rin pinalampas ng presidente ang pasasalamat kay Undersecretary Attorney Patricia Yvonne M. Caunan, sa pagiging bahagi ng pagdiriwang. Dagdag pa niya, ang matagumpay na kaganapan ay hindi magiging posible kung wala rin ang suporta ng iba’t ibang filipino communities, religious groups, mga asosayon at filipino businesses sa Roma at mga karatig-lungsod. Pasasalamat din sa pakikiisa ngayong taon ng Department of Tourism (DOT)-London, na pinangunahan ni Tourism Attaché Gerry Panga.

OFW Got Talent sa Kalayaan 2024

Ang pagdiriwang, tulad sa mga nagdaang taon ay nagtampok ng yaman ng kulturang Pilipino sa pamamagitan ng cultural presentation mula sa iba’t ibang grupo at mga asosasyon. Sa katunayan, ang pagdiriwang ay isang paraan upang mapanatili at maipasa ang mayamang tradisyon at kultura ng Pilipinas sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino sa Italya.

Ang cultural presentation ay nagtampok ng mga local artists, na literal na no age limit, mula 4 na taong gulang pataas. Sa katunayan, nagtanghal ang higit sa apatnapung (40) individuals at groups sa unang bahagi selebrasyon, kung saan nagpakitang gilas ang lahat ng mga performers. Nagtanghal sila ng iba’t ibang uri ng sining mula sa awitin – solo, group singing, rap at sayaw – hiphop, folk dance, Zumba, interpretative at marami pang iba.

Sa taong ito, lahat ng mga performers ay awtomatikong naging kalahok ng unang-unang OFW Got Talent. Sila ay sinuri ng mga hurado na pumili ng top 5 performers:

  • Calaca Community (folk dance),
  • International Philippine School of Italy – IPSI (interpretative dance),
  • Bea Jacinto (solo song),
  • Hermes Dance Crew (HipHop) at
  • Volunteers of Black Nazarene of Scala Santa (song and dance)

Filipino Businesses, bida rin sa Kalayaan 2024

Ang pagdiriwang ng taunang Araw ng Kalayaan ay hindi rin pinalalampas ng mga Filipino businesses sa Italya bilang sponsors, donors at exhibitors.

Muling namigay ang mga major sponsors ng limang (5) round trip tickets Rome-Manila-Rome. Bukod pa sa sangkatutak na mga minor at mga consolation prizes. (Sundan ang Kalayaan 2024 Rome Italy, para sa mga pangalan ng lucky winners)

At dahil simultaneous ang katuwaan, sa labas ng Atlantico Live ay nagtampok naman ng mga paboritong Pinoy food at street foods ang humigit-kumulang limampung (50) vendors! Literal na may pinaka malaking hapag ang Araw ng Kalayaan!

Marami ring mapagpipiliang mga promotional materials ng mga serbisyong handog ng ating kababayang entrepreneurs mula goods hanggang services! “Always at your service”, ika nga!!

Kapuso stars, tampok sa Balik Saya sa Roma

Tawanan, tilian, sayawan, kantahan at tunay namang Balik-Saya ang hatid nina Kapuso artists Boobay, Pepita at Jessica Villarubin sa ikalawang bahagi ng pagdiriwang ng Kalayaan 2024 sa Roma. 

Hindi matatawaran ang saya at aliw na hatid ng mga paboritong Kapuso stars sa ating mga kababayan na matagal nang hindi nabisita ng mga artists mula sa Pilipinas. Lalo na ng bumaba ng stage ang mga Kapuso stars at nakipagsayawan din sa publiko at sa mga bisitang pandangal tulad nina Usec Patricia Yvonee ng Department of Migrant Workers, Honorable Arnell Ignacio, OWWA Administrator at Philippine Ambassador to Italy Nathaniel Imperial. 

Ang top 5 ng OFW Got Talent ay muling naglaban-laban sa ikalawang bahagi ng programa at tuluy-tuloy ang naging saya at kwela on stage ng mga Kapuso at local artists bago tuluyang ianunsyo ang OFW Got Talent winner.

At tinanghal na OFW Got Talent Grand Champion ang Hermes Dance Crew at nag-uwi ng €1000,00 bilang premyo!

Ikinagalak naman ni OWWA Administrator Arnel Ignacio na nagdala ng Balik-Saya sa Roma ang maninit na pagtanggap sa kanila ng mga Overseas Filipinos sa Roma. Aniya ramdam na ramdam nya ang tuwang hatid sa Roma ng Balik-Saya 2024. Ayon pa kay OWWA Administrator, ang kanyang trabaho ay nagbigay sa kanya ng higit na kaalaman ukol sa kahalagahan ng pagbibigay-priyoridad sa kapakanan ng mga OFs. Ito umano ay nagbigay inspirasyon sa kanya na higit pang palakasin ang mga programa upang magbigay ng pinaka-angkop na serbisyo para sa mga OFs at sa kanilang mga pamilya. “Vi amo tutti!“, ang huling salita ni OWWA Admin sa isang panayam.

Tunay namang puno ng kasiyahan ang pinaka malaking bondingan ng mga Pilipino sa Italya. Ang pagdiriwang ay tunay na nagbigay-daan upang magsama-sama ang mga Pilipino sa isang di-malilimutang pagdiriwang ng Kalayaan.

Bago tuluyang magtapos ang pagdiriwang, lubos ang naging pasasalamat ni Ambassador kay OWWA Administrator Arnel Ignacio at OWWA Board of Trustees sa pagpili sa Roma para sa Balik-Saya sa Italya. Pinuri din ni Ambassador ang mga opisyal at kawani ng PIDA sa walang sawang serbisyo at dedikasyon upang maipagdiwang ang taunang anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas sa Roma. Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, ipinahayag niya ang kanyang pag-asa na ang ganitong pagkakaisa at pagtutulungan ay magpapatuloy upang mas lalong tumibay ang samahan ng mga Pilipino saan mang sulok ng mundo.

Tunay na ang pagtutulungan ng bawat PIDA Committee ay nagbigay-daan upang mapalakas ang samahan ng mga Pilipino sa Roma at maipakita ang yaman ng kulturang Pilipino. Ang matagumpay na selebrasyong ito ay magsisilbing inspirasyon upang patuloy pang palakasin ang samahan at suportahan ang mga susunod pang mga pagdiriwang at proyekto ng komunidad. (photos by: Rg Ralph G & video by: Boyet Abucay)

Basahin din:

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Pagbibigay-pugay sa Watawat ng Pilipinas sa Araw ng Kalayaan sa Embahada ng Pilipinas sa Roma

FILCOM Tuscany, matagumpay na nagdiwang ng Araw ng Kalayaan 2024