Sa agarang aksyon ng mga Filcom groups dito sa Italy sa pamamagitan ng pag-ayuda sa kapwa Pilipino na nangangailangan ng mga relief goods para pantawid gutom sa araw-araw sanhi ng maraming nawalan ng trabaho at lockdown, ay nakiisa sa Bayanihan sa Milan ang grupong OFW Lavoro Italy sa pamumuno ni Adoracion Buhay.
Napagkasunduan ng grupo, sa pamamagitan ng kanilang group chat sa social media network, na mag ambag-ambag ng kahit anong halaga upang ipambili ng mga prime commodities para sa kababayan natin na nangangailangan ng ayuda.
“Tuwing Miyerkules ng alas 3 ng hapon kami magkikita-kita sa Largo Brasilia, Primaticcio Milan para ibigay ang relief goods nila.” ani Buhay.
Sa pagkakataon ito ay mahigpit nilang sinusunod ang social distancing, pati ang pagsusuot ng face mask at gloves.
At sa kasalukuyan ay nangangalap sila ng mga donors at hindi sila titigil tulad ng mga ibang grupo dito na matulungan ang mga apektado sa naturang virus.
Ang “OFW Lavoro Italy” ay itinatag noong October 2011 at ang layunin ng kanilang grupo ay ang matulungan ang mga kababayan natin na mabigyan ng mga trabaho para may panustos sa kanilang pang araw-araw na buhay dito at sa kanilang pamilya sa Pilipinas.
Maliban dito isa sila sa nagkusang tumulong sa mga kababayan natin nasalanta ng pagsabog ng Taal Vocano kamakailan. Sila ay sumusuporta din sa mga sports events sa Milan.
“Ako po ay nagpapasalamat sa mga kasama ko sa OFW Lovoro Italy na nagkakaisa, nagtutulungan at nagmamalasakit sa kapakanan ng bawat isa. Muli, maraming salamat po at gabayan tayo ng Panginoon Diyos sa lahat ng sandal” ani Buhay sa kanyang pagtatapos.
Likas sa ugaling pilipino ang pagiging matulungin sa kapwa hindi lamang sa nararansan natin na krisis sa kasalukuyan kundi sa anu mang situasyon na atin hinaharap sa oras ng pangangailangan. (Jessica Bautista)