in

OFW Watch Italy 1st Anniversary at Migrant’s Day Celebration, idinaos sa Roma

Ipinagdiwang ang unang taong anibersaryo ng OFW WATCH ITALY at isinabay na rin ang pagdiriwang ng Migrants’ Day. Pangkalahatang layunin ay ang magtanggol sa karapatan at kagalingan ng mga overseas Filipino workers.

 

 

Roma, Disyembre 10, 2015 – Naging matagumpay ang pagdaraos ng unang taong anibersaryo ng OFW WATCH ITALY, ang pambansang organisasyon ng mga Pilipinong manggagawa mula hilaga, sentral at timog ng Italya na may pangkalahatang layunin na magtanggol sa karapatan at kagalingan ng mga overseas Filipino workers. Isinabay na rin dito ang pagdiriwang ng Migrants’ Day sa pamamagitan ng dalawang araw na okasyon mula noong ika-28 hanggang ika-29 ng Nobyembre at ginanap sa Roma I, Lago Aschiangi sa Roma.

Ang unang araw ay inilaan sa Organizational Forum na dinaluhan ng mahigit sa 60 lider at miyembro ng mga samahan at mayorya nito ang bumubuo sa National Council ng organisasyon. Si Ms. Pia Gonzalez-Abucay, giornalista at editor ng Ako ay Pilipino , ang gumanap na moderator. Ang forum ay kinapalooban ng mga tema gaya ng Prospect and Retrospect ng OFW WATCH Italy na tinalakay ni Rhoderick Ople, ang pangulo. Ang Goals and Settings naman ay sina Nonieta Adena, kalihim at Juancho Aquino, NC member, ang tumalakay. Nag-ulat din si Minda Teves, ang ingat-yaman, hinggil sa financial status ng samahan.

Nagkaroon ng mga palitan ng kuru-kuro, mga komento, hinaing at mga suhestiyon hinggil sa sitwasyon ng mga manggagawang Pilipino sa Italya, sa Program of Activities ng samahan , at maging sa magiging impluwensiya ng mga OFW sa Election 2016.

Sa ikalawang araw ng programa, naging panauhin si OWWA Welfare Officer and Labor Attache Loreta Vergara ng Roma, at muli niyang ibinahagi ang benepisyong maipagkakaloob ng OWWA sa mga manggagawa pati na ang mga programa ng ahensiyang ito para sa kapakanan ng mga OFW. Kasama pa rin si Ms. Pia Gonzalez-Abucay bilang panauhin sa araw na ito at ang programa ay pinamahalaan nina Nonieta Adena at Bong Rafanan, pangulo ng OFW Watch Rome Chapter at bise-presidente rin ng OFW WATCH Italy.

 

Nagkaroon din ng Tribute to OFW’s, isang audio-visual presentation na isinagawa ni Mercedita De Jesus, deputy secretary at editor in chief ng OFW WATCH News and Stories, kung saan ay ipinakita ang ilan sa mga Pilipinong nakipagsapalaran sa pagtungo sa Italya sa pamamagitan ng iba’t ibang pamamaraan, at kanila namang napagtagumpayan na maiangat ang kanilang kalagayan pati ang kanilang pamilya at naging inspirasyon din sila ng kanilang mga kababayan.

Ang naging pangunahing tagapagsalita ay walang iba kundi ang Philippine Ambassador Hon. Domingo Nolasco, na naglaan ng kanyang mahalagang panahon para makadaupang-palad at tuloy matugunan ang mga ilan sa katanungan at pangangailangan ng mga manggagawa. Nilinaw din niya ang mga bagay hinggil sa mga policies na sinasakatuparan ng embahada at naging bukas siya sa mga tinalakay na programa ng OFW Watch. Maging ang ilang mga pagbabago sa pamamahala at pagsasakatuparan ng kanilang tungkulin bilang tagapaglingkod ay kanyang inilahad para sa mas ikabubuti ng interes at kagalingan ng mga Pilipino sa Italya. Ang OFW Watch naman ay nakalaan na magkaroon ng matibay na tulay ng komunikasyon sa embahada at malinaw na pakikipagkasundo para sa kabutihan ng nakararami. Ang isa sa mainam na tugon ni Ambassador Nolasco ay ang pakikipagdayalogo sa mga lider at miyembro ng konsilyo ng OFW Watch sa darating na Enero 2016, upang higit na mapalalim ang talakayan sa mga partikular na isyu at sitwasyong kinakaharap ng mga OFW. Ito ay nakatakdang ganapin sa lungsod ng Bologna, at hihilinging makadalo din ang Konsulado ng Milan at mga ahensiya ng gobyernong nagseserbisyo dito sa Italya.

Matapos maipahayag ni Ambassador Nolasco ang kanyang iba pang mensahe ay siya mismo ang nag-abot ng mga plake ng pagkilala sa mga miyembrong organisasyon at indibidwal, na kinabibilangan ng mga sumusunod: OFW Watch Como-Milan , OFW Watch Roma, OFW Watch Tuscany, Associazione Culturale Filippina del Piemonte, FILCOM – Genova, Federation of Filipino Associations – Bologna, Federazione Associazione Filippina – Modena, Bayanihan – Cagliari, Filipino Community – Piemonte, Association of Filipino Workers – Northern Italy, United Filipino Association in Padova, Batangas Varsitarian Cagliari, LOOC. LOOKERS Cagliari, Hill Top Brothers – Cagliari, Filipino Women’s Association – Biella, Pinoy Cuneo Bikers – Cuneo, Filipino Community – Roma-Terni, Federation of Women in Italy, Ugnayan ng Komunitang Pilipino – Firenze.

Umabot sa tinatayang 200 mahigit na katao ang dumalo mula sa mga probinsiya at syudad ng Turin, Cuneo, Como, Cagliari, Modena, Bologna, Genova, Padova, Bassano di Grappa, Vincenza, Firenze, Empoli, Prato, Pisa, Roma, Milan, Como, Roma Terni, Napoli at Biella.

Ang programa ay nilahukan din ng mga presentasyon gaya ng pagtugtog ng biyulin ni Ms. Mediatrix ng Milan, ang tugtuging Bayan ko at Imagine, pati na ang katutubong sayaw mula sa Federation of Women na pinangunahan ng pangulo nito na si Blanca Gofredo. Ang kulminasyon ng presentasyon ay inihandog para sa Migrants’ Day, na nagmula sa FEDFAB ng Bologna sa pamumuno ni Mario Garcia, na pinamagatan nilang Biyaheng OFW kung saan ay ipinamalas nila sa pamamagitan ng pagpinta ni Mercedita De Jesus, ng katauhan ng isang OFW na magdaraan sa maraming sitwasyon at pagsubok bago nito marating ang paroroonang dayuhang bayan at duon ay makapaghanapbuhay. Tinapos nila ito sa pamamagitan ng sabayang pag-awit ng Pilipinas kong Mahal.

Naging masigla din ang lahat nang pagbigyan ni Ambassador Nolasco ang kahilingan na siya ay umawit kasama sina Rhod Ople at Bong Rafanan, sa saliw ng tugtuging Handog.

Pagkaraan nito ay nagsalo-salo na ang lahat sa isang masaganang pananghaliang inihanda ng mga organisasyong base sa Roma. Binigyan na rin ng pagkakataon ang ibang lider gaya ni Darwin Timbol ng Migrante na makapagpahayag ng kanilang programa at pakikilahok sa darating na eleksiyon, maging ang iba pang mga lider na taga-Roma ay nagpahayag ng pagbati sa mga nagsidalo. Ang pagtatapos ng programa ay itinakda ni Aurelio Galamay, ang bise-presidente ng samahan, kung saan ay sinabi niyang dapat lamang tayong magkaisa at magkapit-bisig upang makamtan natin ang hangarin na maiangat ang kalagayan ng OFW dito sa Italya maging sa buong mundo.

Napagkasunduan ng lahat na ang selebrasyon para sa ikalawang anibersaryo ng OFW WATCH ay gaganapin sa Firenze, sa Nobyembre 2016.

ni: Dittz Centeno-De Jesus

OFW WATCH News and Stories

larawan nina: Gene De Jesus, Edwin Mendoza, Carmelita Baylon

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Permesso di soggiorno per richiesta asilo, maaari bang gamitin sa trabaho?

One-day league sa South Italy, hatid ng FWAC