Nagdaos ng ikatlong anibersaryo ng pagkakatatag ang mga miyembrong organisasyon ng malawak na alyansang OFW WATCH ITALY sa Bologna noong nakaraang Nobyembre.
Muli na namang nagtipon-tipon ang mga miyembrong organisasyon ng malawak na alyansang OFW WATCH ITALY, upang idaos ang ikatlong anibersaryo ng pagkakatatag. Ito ay ginanap noong ika- 25 at 26 ng Nobyembre, 2017, sa Centro Interculturale Zonarelli, sa via Giovanni Sacco 14, Bologna. Ito ay pinamahalaan ng Federation of Filipino Associations, Bologna o FEDFAB.
Sa unang araw ay halos isandaang katao ang dumalo upang makilahok sa Solidarity and Cultural Night, kung saan ay nagpamalas ng mga espesyal na bilang ang mga organisasyon gaya ng Laguna and Friends Association sa kanilang Subli Dance at ang Filipino Women’s League sa kanilang Sayaw na Singkil at modernong sayaw sa saliw ng tugtuging Sofia.
Naging dagdag na atraksyon pa ang pagbisita ni Chess Grandmaster Eugene Torre, kasama ang kanyang maybahay at si International Master Virgilio Vuelban, sa pag-aasikaso ng grupong Alyansa ng Lahing Bulakenyo o ALAB. Ito ay para sa layuning mabuo ang Grandmaster Eugene Torre Chess Association, Italy o GETCAI at makapag-anyaya sa mga manlalaro ng chess na ipagpatuloy at ipalaganap ang sports na ito bilang tulong sa pagpapatalas ng kaisipan ng mga kabataan at mga mahihilig maglaro at gawin ding programa sa pagsugpo sa paggamit ng droga at iba pang bisyo. Ang GETCAI ay makikipagkolaborasyon sa OFW Watch Italy sa mga proyektong pang-isports.
Nung gabi ding iyon ay bumisita din sina POLO Milan Labor Attache Corina Padilla Bunag at Atty. Sofia Matote, upang bumati at tuloy ay makipag-ugnayan para sa mga bagong programa ng POLO at OWWA para sa mga OFW. Nagpadala rin ng mensahe si Consul General Marichu Mauro at ito ay binasa ni Labor Attache Corina Bunag, kung saan ay nakasaad ang pagbati sa anibersaryo at ang patuloy na pakikipagkaisa sa pagtataguyod ng mga proyekto para sa mga OFW sa Northern Italy.
Bumati rin at nagpahayag ng inspirational talk si Atty. Jellie Molino , at ikinuwento ang kanyang buhay mula noong siya ay nasa probinsiya ng Batangas hanggang sa maabot niya ang kalagayan niya ngayon na isang iskolar na kumukuha at magtatapos ng kanyang PhD in Law and Institution sa University of Turin. Nag-iwan siya ng mensahe na dapat ay magpatuloy ang mga Pilipino sa pagpapaunlad ng sarili dahil ito ay isang paraan ng pagtatagumpay at pag-angat sa buhay.
Naging panauhin din ang mga tagapagtatag ng Filipino Nurses Association o FINASS, na sina Alicia Notario at Russel Rivera. Hindi nakarating si Rose Macaraeg, isa pang tagapagtatag, ngunit nagpaabot ng paanyaya sa mga kababayan ukol sa kanilang medical mission na muling gaganapin sa Ospedale Maggiore na itinakda sa ika-3 ng Disyembre, matapos ang matagumpay na naunang iskedyul ng heart check-up at blood analysis noong ika-19 ng Nobyembre, 2017 .
Matapos ang mga pagbati ay nagkaroon ng pagsasalo-salo at kaunting katuwaan sa pagsasayaw. Isinunod na dito ang pagpupulong ng National Council na kinapalooban ng pag-uulat ng bawat miyembrong organisasyon at mga pagpaplano para sa susunod na taon.
Kinabukasan, ika-26 ng buwan ng Nobyembre, ay itinuloy ang selebrasyon sa pamamagitan ng isang forum, na ang naging tagapagsalita ay si Atty Jellie Molino uli, pero sa pagkakataong ito ay ukol na sa tema ng anibersaryo, ang “Social Consciousness for Social Change.” Dito ay ipinakita at ipinaliwanag niya sa pamamagitang ng power point presentation ang layuning maging “First World PHILIPPINES “ ang ating bansa ngunit ito ay magkakaroon lamang ng katuparan kung ang bawat Pilipino ay magsisikap na maging “First World ME” o sa mga nangingibang-bansa ay maging “First World OFW.”
Nag-iwan din siya ng tanong , “Ano ba ang gusto ko bilang OFW , para sa bayan ko, para sa community ko, para sa pamilya ko at para sa sarili ko?” At ang sagot dito ay nasa sariling pagsisikap at pagpapaunlad upang makaahon sa kasalukuyang sitwasyon at maging isang inspirasyon ng bawat henerasyon.
At upang higit na mabigyang-katugunan ang mga suliranin ng mga OFW dito sa Italya, ay isasagawa ang Survey on Migrant’s Profile sa buong Italya nang sa gayon ay mas higit na matukoy ang kasalukuyang kalagayan ng mga Pilipinong manggagawa. Ito ay pamamahalaan ni Laarni Silva bilang statistician at pagtutulungan ng mga miyembrong organisasyon upang maipalaganap sa kanilang mga nasasakupan at malikom sa takdang panahon. Mula sa mga tugon ay maaari nang makapanimula sa mga nilalayong adbokasiya.
At upang mapanatili ang sigla at entusiasmo ng bawat isa ay sama-sama ding nagsayaw sa pangunguna ng Zumba Fitness Class.
Nagkaroon din ng pagpapakilala sa mga bagong saping organisasyon at panunumpa ng mga bagong miyembro ng National Council, sa pangunguna ng pangulo na si Rhoderick Ople.
Tunay ngang lumalawak na ang OFW WATCH Italy at higit na itong nakakatugon sa pagsusulong ng mga karapatan at kagalingan ng mga manggagawang Pilipino sa Italya. Para sa mga opisyal at miyembro at maging sa mga taga-suporta, isang maalab na pagbati sa Ikatlong Anibersaryo ng pambansang alyansa ng komunidad ng mga Pilipino.
ni:Dittz Centeno-De Jesus
larawan ni: GYNDEE